Q and A: ‘Magtatagumpay ang Iglesia ni Cristo’ nguni’t…

Paterno R. Esmaquel II

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Q and A: ‘Magtatagumpay ang Iglesia ni Cristo’ nguni’t…
Pero meron pa ring hamon, sabi ng sociologist na si Jayeel Cornelio. Dagdag niya, 'The social media element is a game-changer for the Iglesia ni Cristo.'

MANILA, Philippines – Halu-halo ang opinyon tungkol sa Iglesia ni Cristo, ngayong hinaharap ng Iglesia ang pinakamalaking krisis nito.

Para lalong maintindihan ang isyung ito, kinuha namin ang pananaw ng isang sociologist of religion, si Jayeel Cornelio. 

Marami nang naisulat si Cornelio tungkol sa iba-ibang relihiyon, kasama na ang Iglesia ni Cristo. Siya rin ang direktor ng Development Studies program ng Ateneo.

Walang duda, sabi ni Cornelio, “Magtatagumpay ang Iglesia ni Cristo.”  Pero dagdag niya, meron pa ring mga hamong dapat harapin.

Mababasa sa ibaba ang transcript ng buo naming interview. Puwede ‘nyo ring pakinggan ang buong interview. (PODCAST: Saan patungo ang Iglesia ni Cristo?). 

RAPPLER: Jayeel, una sa lahat, anong naramdaman mo noong unang pumutok ‘yung krisis sa Iglesia ni Cristo? 

CORNELIO: Sa totoo lang nakakagulat na nangyari ‘yon sa Iglesia ni Cristo, kasi sa maikling panahon na akin nang inaantabayanan ang Iglesia ni Cristo, hindi ko talaga inaasahan na darating ang panahon na ito dahil tandaan natin na kanila lamang isinelebra ang kanilang ika-100 taon noong nakalipas na taon. Nakita natin na matagumpay iyon. Buong mundo nakisalo sa kanila, at naging matagumpay din ‘yon kasi nakita natin kung gaano kalawak ang impluwensya, kayamanan, at tagumpay ng Iglesia ni Cristo, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. 

At alam din natin na ang Iglesia ni Cristo, isa sa kanyang mahalagang katangian ay ang pagkakaisa. So alam natin na nagkakaisa sila sa maraming bagay, sa maraming mga alituntunin, maraming mga paniniwala, at pagrespeto ng kanilang pamunuan. 

So noong nangyari ito, talagang nakakagulat. Nakakagulat, pero at the same time, siguro bilang isang sociologist, maaaring isa ito sa mga maaasahan sa isang religious organization like Iglesia ni Cristo. 

RAPPLER: Tingin mo bakit nangyayari ito sa Iglesia ngayon? 

CORNELIO: Tandaan natin na bagaman matanda na ang Iglesia ni Cristo, 101 years old this year, bata pa ito. 

Bata pa ito kumpara sa maraming religious organizations all over the world, or churches, katulad ng Catholic Church at iba-ibang denominasyon ng Protestantismo, katulad ng Anglicanism, katulad ng Episcopalians, katulad ng mga Baptist. At ang mga organisasyon na ‘yon, ang mga denomination na ‘yon, mahaba ang kanilang mga kasaysayan. At sa kanilang mga earlier stages, dumaan din ‘yon sa maraming mga pagsubok o mga tensions. 

May pattern sa religious organizations na magkaroon ng tensions or conflicts, lalo na in its early stages. 

Bakit? Dahil una, bagaman graduate na ang Iglesia ni Cristo dito…maraming mga causes of tension na pagdadaanan ang mga religious organizations in its long history. 

Isa halimbawa ay ang doctrinal unity. Ano ba ang pagiging, halimbawa, alam natin sa kasaysayan ng Katolisismo, hindi ‘yan isang set of beliefs na na-download at ang lahat kinakailangang manampalataya dito. Tandaan natin na dumaan ang Simbahang Katoliko sa maraming mga councils upang mas lalo pang maging malinaw kung anong pinaniniwalaan nito. Trinity, halimbawa, ang kabuuan ng Scriptures o ng Bibliya, isa pang halimbawa ang role ni Mary bilang Mother of God, isang paniniwala, et cetera, et cetera. Dumaan sa maraming mga diskusyon o mga konseho ang Simbahang Katoliko upang magkaisa sila sa kanilang paniniwala. 

Ganoon ang nangyayari sa Iglesia ni Cristo. Bagaman hindi pinag-aawayan ang doktrina kasi malinaw na sa Iglesia ni Cristo kung anong pinaniniwalaan nito, ang pinagdaraanan naman nito ay tensions over leadership and over what Iglesia ni Cristo stands for. 

RAPPLER: Tingin mo bakit nagkaroon ng ganitong tension in leadership sa Iglesia?

CORNELIO: Okay. Iglesia ni Cristo is a religion that preaches unity. Kasama sa katuruan nito ng pagkakaisa ay ang pagrespeto at pagsumite sa kanyang pamunuan. 

Ang problema, paano kung ‘yung pamunuan mismo ang may problema na? ‘Yun ang isang malaking katanungan sa maraming mga religious organizations, or sa larangan ko, sociology of religion, mga new religious movements. 

Kasi makikita natin, sa maraming mga new religious movements, ito ‘yung mga religious organizations na kamakailan lamang naitayo, mahigpit ang kanilang mga religious authorities. The charismatic leadership is in many ways authoritarian. “Ito lamang ang mga dapat paniniwalaan. Ang pagkakaisa ng ating simbahan ay nakabatay sa kung paano natin irespeto ang ating pinuno.” 

Hindi lang Iglesia ni Cristo ‘yan. Makikita natin ‘yan sa iba’t ibang mga religious movements, new religious movements emerging in the world today. Katulad ng Soka Gakkai. It’s a new religious movement within Buddhism sa Japan, but it has become global also. Isa ‘yan sa aking mga research areas. Makikita rin natin ‘yan marahil sa other religious movements within Buddhism katulad ng Tzu Chi, na nagmula naman sa Taiwan.

RAPPLER: Itong paglabas ni Tenny and Angel Manalo sa YouTube, tingin mo paano nakaapekto sa buong krisis na ito? Gaano kalaking factor ito?

CORNELIO: Ngayon, nagkaroon ng lakas ng loob ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo, o mismong kasama sa pamunuan ng Iglesia ni Cristo, na tuligsain ang pamunuan. 

Mahalaga ito in two respects. One is, marahil, nagpapakita ito ng tensions or conflicts na nand’yan na sa Iglesia ni Cristo for a long time. Sino ba talaga ang may kontrol sa Iglesia ni Cristo? Yes, it is a religious organization, but it is also a human organization. At dahil isa itong human organization, may propensity ito o vulnerable ito sa pagkakamali. Naiintindihan ko na may paniniwala ang maraming kapatid natin sa Iglesia ni Cristo, na kinakailangang irespeto ang pamunuan, pero hindi nangangahulugan na perpekto ang leadership. 

And I think dahil merong mga conflicts na nangyayari sa loob ng Iglesia ni Cristo, napipilitan o wala na sigurong choice ang maraming miyembro nito kundi ipakita, not because they want to be rebellious – I want to be clear – hindi dahil gusto nila maging rebelde, kundi para sa kanila, ito ang tamang paraan. 

RAPPLER: Kasi sinasabi rin nilang lahat na, “Mahal namin ang Iglesia ni Cristo.” Kahit ‘yung mga bumabatikos sa Sanggunian, ang sinasabi nila, “Ginagawa namin ito dahil mahal namin ang Iglesia.”

CORNELIO: Totoo ‘yan. So makikita natin ang irony o balintuna ng kontradiksyon na ito. Mismong ‘yung mga tinatawag na rebelde sa Iglesia ni Cristo ang actually na nagpapakita na dahil mahal nila ang Iglesia, kaya nila ginagawa ito. This raises a lot of important questions for the public and for the church.

RAPPLER: What kinds of questions?

CORNELIO: One is, ‘pag ating sinayasat ang Iglesia ni Cristo, at ano ang impact ng mga nangyayaring ito, dapat dalawang antas o dalawang levels. One is public. The other is internal. 

Public, ang ire-reinforce lamang nito sa consciousness ng maraming mga tao ay, “Naku, ito na nga ba ang sinasabi natin, na ang Iglesia ni Cristo, tungkol lang ‘yan sa pera, o tungkol lang ‘yan sa kapangyarihan. Nagpapauto ang maraming mga miyembro ng Iglesia ni Cristo. Nagpapa-brainwash sila. Daragdagan pa ‘yan ng mga akusasyon na, “Kulto talaga ang Iglesia ni Cristo, at ang mga naniniwala diyan ay mga erehe or mga heretics.” What would Iglesia ni Cristo want to do para ma-confront ang perception na ‘yan, to the public? Isang level ‘yon. 

The other level of analysis para maunawaan natin ano ang impact nito, ay panloob. Ano ang impact ng tension na ito, ng conflict na ito, sa mga miyembro mismo ng Iglesia ni Cristo? Ang suspetsa ko, and ayon din ito sa aking mga nakapanayam na, yes, maraming mga naglalakas na ng loob, gaya ng naisulat na. Nagkakaroon ng lakas ng loob upang ipahayag ang kanilang discontent, o ang kanilang saloobin, laban sa Iglesia ni Cristo. 

Pero tandaan natin na para sa maraming mga miyembro ng Iglesia ni Cristo, ang pagkakaisa ng simbahan ay isa sa mga pinakamahalaga nitong katangian. Therefore the preservation of the church’s unity is of the highest importance. Kaya marahil, maraming mga miyembro din ng Iglesia ni Cristo, sasabihin nila na may mga desisyon na kinakailangan gawin bagaman hindi ito katanggap-tanggap sa publiko. Para sa mga nasa loob ng Iglesia ni Cristo, it is a bitter pill to swallow. 

RAPPLER: Gaya ng?

CORNELIO: Gaya ng excommunication na ginawa sa mga kapatiran, o pag-file ng mga libel suits. Bagaman hindi sang-ayon ang maraming mga miyembro ng Iglesia dito, at certainly ang publiko, naniniwala ako na para sa maraming mga Iglesia ni Cristo, bahagi ito ng sacrifices that have to be made for the unity of the church to be preserved. 

‘Yun ang malaking isyu ngayon para sa Iglesia ni Cristo. How does it want to carry on? Paano nito gustong magpatuloy bilang isang religious institution? It will go through fire and it will come out of it preserved, no doubt about that. But it will be a very different institution.

RAPPLER: Will.

CORNELIO: It will be. Bakit? Kasi ‘yung katanungan, babalik tayo sa punto ko, what kind of religious institution does it want to be seen as? Not just by its own members, but by the greater public. Is it a formidable organization? Makapangyarihan ba itong organisasyon? Politically influential? Yes, yes, and yes. Pero marangal din ba itong organisasyon? Is it a dignified organization? Does it have an integrity? 

RAPPLER: Ano ang kaugnayan ng dangal at integrity dito?

CORNELIO: It has to do with the allegations of corruption. It has to do with the allegations of lavishness ng leadership nito. Ito ang mga bagay na hindi natin nakita just one year ago, as the church celebrated its 100th year. Nakita natin na nagpatayo ito ng Philippine Arena. Alam nating makapangyarihan ito. Alam nating malakas ang impluwensya nito. Ngayon ang nakikita natin, sa likod pala ng impluwensya at kapangyarihan na ‘yon, ay mga usapin o mga issues o controversies that raise questions about the credibility of a church like Iglesia ni Cristo.

RAPPLER: Sinabi mo noong isang linggo na ‘yung mabilis na aksyon ng Iglesia doon sa pagtiwalag sa mga bumabatikos, nagpapakita ito na malakas na klase ng simbahan ang Iglesia ni Cristo.

CORNELIO: It’s a strict church.

RAPPLER: Formidable church.

CORNELIO: Formidable and strict church. ‘Yan ang pinapakita no’n.

RAPPLER: Bakit? Bakit formidable church ang pinapakita ng ganoon?

CORNELIO: Kasi nga, balik tayo. Naniniwala ang Iglesia ni Cristo na ang pagkakaisa ay isa sa mga mahahalagang katangian nito. 

Tandaan natin na ang Iglesia ni Cristo, naniniwala ito na ito ang itinalagang simbahan sa huling panahon, upang ibalik ang mga tao sa kaligtasan. So para sa pamunuan nito at sa maraming miyembro nito, dapat magkaisa ang Iglesia sa maraming mga bagay – paniniwala, mga alituntunin, kahit pa nga pag-aasawa mahalaga ‘yon na kabilang din sa Iglesia ang iyong mapapangasawa. So merong ganoong klaseng, sa sociology of religion, exclusivist ethos, ang Iglesia ni Cristo. 

So ‘yung ginawa, ‘no, na mabilisan, within 24 hours merong desisyon – excommunication, expulsion – that was exactly a decision that you would expect of a church that values unity. ‘Yun ang desisyon na maaasahan mo sa isang simbahan na pinahahalagahan ang pagkakaisa. It shows power. It shows strength. It shows unity. That message was meant for the members of Iglesia ni Cristo, upang ipakita sa mga miyembro nito na buo tayo, nagkakaisa tayo. 

RAPPLER: Meant for members of Iglesia ni Cristo and not for the…

CORNELIO: It’s not for public consumption. It’s not. Kasi wala namang pakialam ang mga tao kung excommunicated o hindi ang isang tao, na hindi miyembro ng Iglesia ni Cristo. It’s an internal affair.

RAPPLER: Effective ba ‘yon, palagay mo?

CORNELIO: ‘Yun ang sinasabi ko. ‘Yun ang aking katanungan. Kasi nga, Iglesia ni Cristo has now reached this stage at which it is no longer just a religion in the Philippines. It has become a religion in the world, as a global influence. Nakakabili ito ng mga properties in different places, nakakapagtayo ng mga kongresasyon o mga chapters in different locations all over the world. 

What that means is that, may influence ito, may power ito, may pinangangalagaan itong credibility. Now the question is, what kind of credibility is that? Credibility because of power? Or credibility because isa itong marangal na organisasyon?

RAPPLER: Itong credibility na ‘to, gaano ‘yan kahalaga sa survival ng isang religious organization, base sa alam mo sa sociology? 

CORNELIO: Very, very good question. It is important, napakahalaga nito, dahil Iglesia ni Cristo ay isang relihiyon na expansive. It wants to evangelize. It is a missions-based church. It is an evangelizing religious organization. So it matters for Iglesia ni Cristo kung paano siya tinitingnan ng publiko.

RAPPLER: Makakaapekto ba ‘yon sa pagdami ng miyembro ng Iglesia?

CORNELIO: Definitely. Sa ngayon, malaking bagay para sa publiko na ang mga pinuno pala ng Iglesia ni Cristo ay merong mga sariling eroplano, ay merong mga extravagent lifestyle. Mga bagay na kuwestyonable para sa publiko. ‘Yung corruption allegations. How can you believe in a church that preaches holiness if there are allegations of corruption?

RAPPLER: May nagsasabi na hati ang Iglesia? Naniniwala ka ba doon?

CORNELIO: Hindi ko… kasi kakaiba ang Iglesia ni Cristo eh. Naniniwala ako na ‘yung pagkakaisa nito, buo. Maraming mga lumalabas na umuusbong na mga dissenters, o mga tumutuligsa sa simbahan. Mga miyembro ng Iglesia ni Cristo pero hindi nila kayang ipangalandakan sa buong mundo ang kanilang mga pangalan. So they hide behind pseudonyms. They write blogs here and there. 

RAPPLER: ‘Yung mga nasa Tandang Sora, nakamaskara pa 

CORNELIO: Oo, may gano’n. Yes, may gano’n. Kasi nga may pangamba eh, na kapag nakilala sila, may epekto ito sa kanilang mga pamilya, may epekto ito sa kanilang katayuan din bilang miyembro ng Iglesia. 

Ang tingin ko, ‘yung mga miyembro ng Iglesia ni Cristo, marami sa kanila ang mananatiling tahimik. Maraming agam-agam sa kanilang mga sarili, pero I think, again, ayon sa aking mga nabasa, nakasalamuha, at mga nakapanayam tungkol dito, ang magiging conclusion nila ay, ipanalangin natin na maisaayos ang lahat ng ito.

RAPPLER: Divided ba sila sa ganyang sitwasyon?

CORNELIO: ‘Pag sinabi kasi nating divided, parang 50-50. Magkakaroon ka ng splinter group, magkakaroon ka ng mga loyalist. Tingin ko too early to tell for Iglesia ni Cristo. Iglesia ni Cristo believes that it is a church with a divine calling in the end times. Mahirap gumawa ng splinter group and you would make the same claim about yourself.

RAPPLER: Tinanong ko si Brother Edwil Zabala, spokesman ng INC, “Hati po ba ang Iglesia?” “Hindi kami hati, dahil ‘yun ngang mga hindi sumasang-ayon sa namamahala sa Iglesia, tinanggal na namin.”

CORNELIO: Ah, kumbaga natanggal na ‘yung mga sumusubok?

RAPPLER: “Hindi kami hati. Buo kami. Ang mga nananatili sa Iglesia, buo. Ang mga tumutuligsa sa namamahala, tinanggal. Kaya kami, buo.”

CORNELIO: Buo. ‘Yan ang sinasabi ko. It’s a formidable organization, it’s a strict organization, it’s a strong organization. So ‘yung mensahe na ‘yon na pag-expel overnight ng mga tumuligsa sa simbahan, it’s a message meant for its own members. It’s a show of power. So kaya maraming mga tao, magkakaroon talaga ng pangamba o agam-agam bago sila magpahayag ng kanilang mga saloobin tungkol sa Iglesia.

RAPPLER: Sinabi mo kanina na itong ganitong struggle for power, pattern na ‘yan sa mga religious organization.

CORNELIO: Yes, yes, especially sa strict religious organizations.

RAPPLER: Pero ngayon may bagong elemento. May social media. Tingin mo paano nakakaapekto ito sa buong krisis na ito?

CORNELIO: It raises a very important issue that needs to be confronted. Nabanggit ko na yata ito noong nag-usap tayo noong nakaraang linggo: accountability, pananagutan. 

Maybe 20 years ago, noong wala pang social media, kapag ang mga ganitong usapin nangyari, mabagal ang diskurso. Mabagal ang diskusyon, mabagal ang reaction.

RAPPLER: At saka mabilis putulin.

CORNELIO: Mabilis. Exactly. Mabilis putulin. Expel, quiet, move on with your life. Ito hindi eh. The social media element is a game-changer for the Iglesia ni Cristo. Kaya ang nakikita natin, mabilis din ang reaction ng Iglesia ni Cristo. Expel.

RAPPLER: Bakit game-changer?

CORNELIO: Game-changer kasi nga it raises, ang tanong nito ngayon, kanino mananagot ang isang simbahan, o ang pamunuan ng simbahan, kapag ang mismong mga pinuno nito ang nagkamali? Hindi katulad sa government, meron kang Ombudsman, meron kang Court of Appeals, meron kang Supreme Court. Meron kang mga checks and balances.

RAPPLER: Pero ‘yang accountability na ‘yan, puwede naman ‘yang gawin sa korte. May mga paraan na ganoon, mga traditional.

CORNELIO: Para sa Iglesia ni Cristo?

RAPPLER: Traditional na modes of accountability, like susulat ka. Paano naging iba sa social media? 

CORNELIO: Kasi ngayon, meron nang role… social media has democratized accountability in many ways. Sa pamahalaan, malinaw ang accountability structures. Sometimes they don’t work but anyway they’re there, ‘di ba, checks and balances between the executive, the judiciary, the legislative. 

Sa Iglesia ni Cristo, wala eh. Wala. Mahalaga ang pagkakaisa ng simbahan. Mahalaga ang pagsumite o pagrespeto sa pamunuan. So wala kang checks and balances doon. Doon pumapasok ang social media. 

RAPPLER: Democratizing accountability?

CORNELIO: Democratizing accountability. Ibig sabihin, magkakaroon ng lakas ng loob to hold the leadership accountable by bringing it to the public through social media. Kasi wala silang ibang avenue. 

Social media allows people who are voiceless to have a voice this time around. ‘Yun ang ibig sabihin ng democratizing accountability. This time, they’re calling on religious leaders to hold themselves accountable, to explain themselves to the public.

RAPPLER: To allow the voiceless to have a voice, even without a face.

CORNELIO: Even without a face. Yes, oo. ‘Yun naman ang kagandahan sa social media. You can hide behind pseudonyms and all that. 

Of course, it also raises a whole new set of questions – credibility of the people who raise these questions. Integrity, anong layunin nila? Pabagsakin lang ba ang simbahan, gumawa lang ba ng chismis? ‘Yun ang nangyayari sa democratization of accountability. Who is accountable to whom?

RAPPLER: And even the people who are holding authorities accountable, can also be held accountable?

CORNELIO: ‘Yun ang nangyayari sa social media. Ang problema lang, dahil hindi nga malinaw kung sino ang arbiter, nagiging “he says, she says.”

RAPPLER: Napakarami ng mga blog, YouTube video, Facebook post. 

CORNELIO: Kaya nga eh. Kaya nga, the onus is now on the leadership of Iglesia ni Cristo. Hahayaan ba nito na magpatuloy ang ganoong klaseng tsismisan sa social media? 

RAPPLER: Saan maniniwala ang miyembro kung kunyari ako ay miyembro ng Iglesia ni Cristo, eh ang dami kong naririnig na iba-ibang bagay?

CORNELIO: Naku, para sa akin pasya ‘yan, pansariling pasya ‘yan ng isang mananampalataya. Naiintindihan ko na marami sa mga miyembro ng Iglesia ni Cristo, talagang gusto nilang ipanalangin na maging maayos ang lahat at magbalik-loob ang mga tumuligsa sa simbahan o sa pamunuan. 

But that seems like an easy solution, to be honest. Too easy. Bati lahat tayo. Pero hindi nito sinasagot ‘yung mga katanungan ng marami pang mga tao. Allegations of corruption, allegations of power, tensions over who would be in control. 

RAPPLER: Huling tanong ko na. Saan tingin mo patungo ang Iglesia ni Cristo pagkatapos ng krisis na ‘to?

CORNELIO: Magtatagumpay ang Iglesia ni Cristo, wala akong duda doon. But it will come out of this fire a very different institution. 

It has to confront… in fact, ang nakikita ko, ang Iglesia ni Cristo ay nasa isang fork in the road. It has two choices. The easy way out is to show power and silence the opponents. It will show power, it will show unity, it will show resilience. The other way out, or the other road, is the road of humility, for lack of a better term. A road of humility in which the church can decide to confront the issues, and hold themselves accountable not just to God but to its members and to the greater public that it purports to serve. 

Tandaan natin, ang Iglesia ni Cristo, naglilingkod-bayan. May medical missions ‘yan, may dental missions ‘yan. So marahil, kung nais ng Iglesia ni Cristo na makita na isa itong marangal na organisasyon, kailangan nitong harapin ang mga katanungan na ‘yon.

RAPPLER: Sinabi mo kanina na may dalawang choices ang Iglesia ni Cristo. Pero sinabi mo rin na sigurado kang magtatagumpay ang Iglesia.

CORNELIO: Yes. Either way, it will succeed. 

RAPPLER: Bakit?

CORNELIO: Kasi hindi naman ito rin ang unang pagkakataon na dumaan ang Iglesia ni Cristo sa matinding pagsubok. Kapag binalikan natin ang kasaysayan ng Iglesia, nag-struggle ‘yan under Felix Manalo. Naging matagumpay ‘yan. Nagkaroon ‘yan ng maraming mga kongresasyon at mga parishes all over the Philippines bago magkaroon ng giyera at pagkatapos nito, pero nag-struggle talaga ang Iglesia ni Cristo. It was under the second leader, si Ka Eraño Manalo, na ito ay talagang umusbong at naging matagumpay. Naipatayo ang New Era University. Naipatayo ang kanyang headquarters dito sa Commonwealth. 

Pero bago marating iyon, marami itong pinagdaanan na mga struggles financially, in terms of making its reputation acceptable. Tandaan natin na hindi madaling tuligsain o kalabanin ang isang majority Catholic population. Ngunit nagtagumpay sila. Masasayang ba ‘yon? Sasayangin ba nila ‘yon? Marahil hindi.

RAPPLER: Maraming salamat, Jayeel.

– Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Avatar photo

author

Paterno R. Esmaquel II

Paterno R. Esmaquel II, news editor of Rappler, specializes in covering religion and foreign affairs. He finished MA Journalism in Ateneo and MSc Asian Studies (Religions in Plural Societies) at RSIS, Singapore. For story ideas or feedback, email pat.esmaquel@rappler.com