International Criminal Court

ANG LASCAÑAS AFFIDAVIT | ‘Inutusan akong pumatay ni Duterte’

Rappler Investigative Team
ANG LASCAÑAS AFFIDAVIT | ‘Inutusan akong pumatay ni Duterte’

Graphics by Emil Mercado/Rappler

Tugma ang mga isiniwalat ni Arturo Lascañas sa International Criminal Court sa mga impormasyong naunang nakalap ng Rappler tungkol sa umano’y mga pagpatay ng Davao Death Squad at sa sinasabing kaugnayan ni Pangulong Duterte sa pinaghihinalaang drug personalities

Abangan sa pahinang ito ang listahan ng mga istorya pagkakalathala namin simulang Huwebes, Nobyembre 11.

Mahigit 100 katao – kasama ang isang batang nagkataon lang na kasama ng tinarget na magulang – ang ipinapatay ni Rodrigo Duterte, ayon sa bilang ng Rappler, nang siya’y alkalde ng Davao City hanggang 2015, bago siya tumakbo sa pagkapresidente, bunyag ng isang umaming gunman niya.  

Sa kanyang 186-pahinang affidavit, na tinanggap ng International Criminal Court (ICC) para sa imbestigasyon nito sa mga pagpatay na utos ng estado sa ilalim ni Duterte, sinabi ng dating pulis na si Arturo “Arthur” Lascañas na kabilang sa mga pinatay nila ay mga taong pinangangambahang magsisiwalat ng pangangalakal ng ilegal na droga ng negosyanteng si Michael Yang, na protektado ni Duterte. 

Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Filipinas na madawit ang pangulo sa imbestigasyon ng ICC, at walang pang katulad ang naging pagtanggap ng korte sa affidavit ni Lascañas.

Ayon kay Lascañas, na halos 35 taong naging pulis-Davao at isa sa mga orihinal na miyembro ng Davao Death Squad (DDS, na naunang tawaging Duterte Death Squad), ang mga utos na pagpatay ay nanggaling mismo kay “Superman” – ang code name nila para kay Duterte – o minsan ay ipinaparaan sa mga pinakapinagkakatiwalaan nitong alalay o tauhan.

Sa mga pagkakataong ipinahahatid lang sa mga tauhan ang utos, paano natitiyak ng mga gunman na galing nga ito sa mayor? Ito ang sukatan, ayon sa dating hitman: sa bawat operasyon nila, gumagamit sila ng mga sasakyan at pera ng city hall, pinagtatakpan sila ng mga aktibong pulis, may pabuyang malaking halaga ng pera pagkatapos, at walang napananagot na “suspek.”

Pinangalanan ni Lascañas ang ilan sa mga umano’y kasabwat ni Duterte, at marami sa kanila ay naitalaga o naihalal na sa mga posisyong nasyonal nang maging pangulo ang kanilang amo, katulad nina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher “Bong” Go at Philippine Drug Enforcement Agency Director General Wilkins Villanueva. 

May mga paratang din siya sa mga anak ng Presidente, ngunit hindi namin agad mapatotohanan ang mga akusasyong ito.

Sa seryeng ito, ipakikita ng Rappler kung paanong tumutugma ang mga isiniwalat ni Lascañas sa mga impormasyong nauna naming nakalap tungkol sa umano’y mga pagpatay ng DDS at sa sinasabing kaugnayan ni Pangulong Duterte sa pinaghihinalaang drug personalities. Ang mga nabunyag kamakailan lamang sa mga pagdinig ng Senate blue ribbon committee tungkol sa negosyanteng si Yang at ang impluwensiya niya kay Duterte ay kapareho ng ilang pahayag sa Lascañas affidavit. 

Kinumpirma ng ibang mamamatay-tao ng DDS ang mga detalyeng isinalaysay ni Lascañas tungkol sa mga partikular na kill mission, at sa pangkalahatang pagtatrabaho ng death squad.

Sinimulan ng Rappler Investigative Team ang pagsisiyasat sa bandang dulo ng 2020 matapos makakuha ng kopya ng affidavit ni Lascañas noong Oktubre. Bago noon, may iniulat na kami tungkol sa mga inilabas na niyang impormasyon sa Senado noong Marso 2017, at ininterbiyu rin namin siya pagkaraan ng ilang araw. Patuloy namin siyang sinubaybayan, at inalam ang kanyang kalagayan at kinaroroonan matapos siyang lumisan ng bansa dahil sa takot na siya’y ipapatay. 

Nang mabalitaan naming maaari siyang maging witness sa ICC laban kay Duterte, hinanap namin siya at muling kinapanayam nang remote noong Oktubre 2020. Noong panahong iyon, kasalukuyan pang nakikipag-usap ang kanyang kampo sa ICC, at naghahanap naman kami ng kumpirmasyon sa kanyang mga sinabi. Ininterbyu naming muli si Lascañas sa ikatlong pagkakataon noong Setyembre 23, 2021. Nang panahong iyon, naaprubahan na ng ICC ang pagsisiyasat sa mga pagpatay ng DDS.

Nakipag-ugnayan ang Rappler Investigative Team sa mga indibidwal na pinangalanan ni Lascañas, at binigyan namin sila ng sapat na panahon para sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila. Karamihan sa mga nakontak namin ay tumangging magbigay ng pahayag. May mga iba kaming kinausap upang magpatunay sa ibang impormasyon o pangyayari pero nagsabing hindi na nila matandaan ang mga detalye ng umano’y mga pangyayari. Hindi rin mahanap ang ilan sa mga dating pulis. Maaari kayong mag-email sa amin sa investigative@rappler.com kung may impormasyon kayo tungkol sa kanila. 

Kinapanayam namin ang di bababa sa 25 katao at binusisi namin ang ilang transcripts, affidavits, nakaraang interviews, mga dokumento mula sa Commission on Human Rights at ICC, at mga intelligence at classified na report upang mas maintindihan at mapatotohanan ang mga impormasyon sa affidavit ni Lascañas.

Binalewala ni Presidential Spokesman Harry Roque, isang dating human rights lawyer, ang nakasulat na testimonya ng dating DDS insider. “Sabi-sabi” lamang daw ang affidavit at walang halaga, aniya, hangga’t di nalilitis at napatotohanan sa hukuman. 

Ayon naman sa abogado ni Yang na si Raymond Fortun, walang basehan ang mga paratang. Sinabi aniya ni Yang na dati nang nalinis ng mga awtoridad ang pangalan niya na di siya sangkot sa droga.

Idaragdag ng Rappler sa mga ulat sa seryeng ito ang anumang pahayag na ibibigay pa ng mga indibidwal na pinangalanan sa Lascañas affidavit. 

Malinaw na ang affidavit ni Lascañas ay isa sa mga patotoo na pinagbasehan ng desisyon ng ICC pre-trial chamber noong Setyembre 15, 2021, na pasimulan ang imbestigasyon sa mga pagpatay sa Davao sa ilalim ni Mayor Duterte at sa mga pagpatay sa ngalan ng giyera kontra-droga ng Pangulo.

Lumisan ng bansa si Lascañas noong Abril 2017 matapos niyang idawit si Duterte sa mga pagpatay na ginawa ng DDS. Pinirmahan niya noong Nobyembre 11, 2020, ang “Third Agreement on Limited Use of Information” ng ICC na nagsasabing “hindi gagamitin ng Office of the Prosecutor (OTP) ng ICC bilang ebidensiya laban kay Arturo Lascañas ang anumang impormasyong ibibigay niya alinsunod sa kasunduang ito.”

Ayon din sa kasunduang ito, maaaring gamitin ng OTP ang impormasyong ibinigay ni Lascañas “bilang ebidensiya sa anumang paglilitis sa ICC…at upang masundan ang anumang impormasyong makakapagpalawig ng imbestigasyon o di kaya’y makatutulong sa pagkalap ng karagdagan pang impormasyon o ebidensiya.”

Basahin at panoorin ang mga istorya sa seryeng ito: 

Rappler.com 

Mga nagsulat para sa seryeng “THE LASCAÑAS AFFIDAVIT | ‘I KILLED FOR DUTERTE’”: Lian Buan, Jodesz Gavilan, Glenda M. Gloria, Chay F. Hofileña, Pia Ranada, Rambo Talabong 

Must Read

THE LASCAÑAS AFFIDAVIT | ‘I killed for Duterte’

THE LASCAÑAS AFFIDAVIT | ‘I killed for Duterte’