COVID-19 vaccines

GABAY: Pagbabakuna sa mga paalis na OFW

Michelle Abad
GABAY: Pagbabakuna sa mga paalis na OFW

VACCINATION. The OVP holds its Vaccination Express program for Pasig City indigents.

OVP

(1st UPDATE) Narito rin ang gabay kung paano makakakuha ng International Certificate of Vaccination mula sa Bureau of Quarantine

Paalis ka ba para maging overseas Filipino worker (OFW), pero kailangan mo munang magpabakuna sa Filipinas?

Kung binabalak mong magtrabaho sa ibang bansa sa loob ng apat na buwan, bahagi ka ng Expanded Priority Group A1 ng gobyerno, ayon sa Department of Health (DOH).

Narito ang mga kailangan mong malaman.

Ano-ano ang kailangang dokumento?

Upang mapakinabangan mo ang pagiging priyoridad sa pagbabakuna, kailangang magpakita ng ebidensiya ng trabahong naghihintay sa ibang bansa o proof of deployment na ibinigay ng recruitment o manning agency.

Puwedeng ipakita ang Overseas Employment Contract/Certificate o Seaman’s Book.

Saan puwedeng magparehistro?

Maaaring magparehistro sa iyong lokal na pamahalaan (LGU) upang maiiskedyul sa pagbabakuna.

Maaari ring ang iyong recruitment o manning agency ang makipag-ugnayan sa LGU at magparehistro para sa iyo.

Saan ako kukuha ng pangalawang dosis?

Inirerekomenda ng DOH na kunin ang pangalawang dosis ng iyong bakuna sa parehong pasilidad o LGU.

Kung kinakailangan, sabi ng DOH, puwede rin namang makuha ang pangalawang dosis sa ibang pasilidad, basta parehong brand ito ng bakuna sa unang dosis, at masusunod ang tamang iskedyul ng pangalawang dosis base sa brand (halimbawa, apat na linggong pagitan para sa Sinovac, at tatlong buwan para sa AstraZeneca).

Paano makakuha ng vaccination card mula sa BOQ?

Para makapasok sa ilang bansa, katulad ng Hong Kong, kailangang magpakita ng International Certificate of Vaccination (ICV) mula sa Bureau of Quarantine (BOQ) ng Filipinas.

Base sa Facebook post ng BOQ, magaganap ang mga appointment sa pagkuha ng ICV sa Sabado, Agosto 28, sa BOQ Manila Main, SM Mall of Asia, at SM North Edsa. Wala pang detalye sa mga susunod pang iskedyul.

Ihanda ang mga sumusunod na dokumento para makakuha ng ICV:

  • Overseas Employment Contract/Certificate (OEC), o kung balik-manggagawa, Certificate of Exemption to OEC
  • Pasaporte
  • Itinerary ng flight

Ipadala ang mga ito sa ofwicvapplication@gmail.com, at tiyakin ang gustong lugar ng appointment sa subject line. Halimbawa: “OFW ICV Application (preferred site location: SM North Edsa).”

Kapag natiyak ng BOQ na beripikado ang iyong mga dokumento, padadalhan ka ng link kung saan magbabayad para sa ICV, na may halagang P370.

Pagkatapos magbayad, makatatanggap ka ng text o email na nagkukumpirma ng iyong appointment.

Kung hindi makatanggap ng text o email, maaaring tingnan ang status ng appointment dito.

Puwede ring kontakin ang BOQ sa mga sumusunod:

Ayon sa BOQ, priyoridad sa paglalabas ng ICV ang mga OFW na may kumpirmadong flight booking.

Karagdagang paalala

May mga bansang pili lamang ang kinikilalang mga brand o tatak ng bakuna ng mga papasok sa kanila. Siguruhin mong katanggap-tanggap ang iyong bakuna sa bansang papasukan mo, kung mayroon mang ganitong patakaran.

Must Read

LIST: Vaccine brands required before travel into specific countries

LIST: Vaccine brands required before travel into specific countries

Nag-iiba-iba rin ang tagal ng quarantine sa bansang papasukan batay sa brand ng bakunang naiturok sa iyo. – Rappler.com

GABAY: Pagbabakuna sa mga paalis na OFW

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Michelle Abad

Michelle Abad is a researcher-writer with the investigative unit of Rappler. She also covers overseas Filipinos and the rights of women and children.