Budget Watch

Pharmally sa pandemya: Bakit kahina-hinala ang pagkakuha nito ng mga kontrata?

Jodesz Gavilan
Pharmally sa pandemya: Bakit kahina-hinala ang pagkakuha nito ng mga kontrata?
(1st UPDATE) Kulelat ito sa pagiging kalipikado para sa bilyon-bilyong halaga ng kontrata mula sa gobyerno, pero padrino nito si Michael Yang, kaibigan at dating tagapayo ni Pangulong Duterte

Nagsanga-sanga na ang mga imbestigasyon at dagdag na ebidensiya simula nang ilathala ng Commission on Audit (COA) kamakailan ang mga ulat nito tungkol sa mga maling paggasta at mga dapat transaksiyong kailangang ipaliwanag kaugnay ng pondo ng pamahalaan para ng pandemya noong 2020.

Sentro ng kontrobersiya ngayon at ng patuloy na pandinig sa Senado at Kamara ng mga Representante ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM). Pinaboran nito ang isang kompanyang walang track record, at pinagkatiwalaan ng bilyon-bilyong halaga ng kontrata para sa personal protective equipment. Ang lumalabas na dahilan: padrino nito ang kaibigan at dating tagapayo ni Pangulong Rodrigo Duterten na si Michael Yang.

Narito ang anim na dahilan kung bakit kahina-hinala ang pagkakasungkit ng Pharmally Pharmaceutical Corporation ng halos P9 bilyong halaga ng kontrata mula sa PS-DBM.

(Patuloy na ia-update ng Rappler ang pahinang ito tuwing may darating na mga bagong impormasyon.)

Nakakalula ang bulto ng mga kontratang nakuha nito.

P8.68 billion na halaga ng mga kontrata ang nakuha ng Pharmally Pharmaceutical Corporation mula sa gobyerno – ang pinakamalaki sa lahat ng pandemic suppliers.

Ang sumunod nang may pinakamalaking kontrata ay ang XuZhou Construction Machinery Group, na nakakuha ng P1.9 billion – mas maliit pa rin nang halos P7 bilyon kaysa ganansiya ng Pharmally.

Ang pinakamalaking kontrata na naibigay sa Pharmally ay nagkakahalagang P3.82 billion para sa personal protective equipment (PPE) na, ayon kay Senador Risa Hontiveros, ay sobra ang patong sa presyo.

May dalawang kontrata rin ang Pharmally para sa surgical masks na nakuha nila noong April 2020:

  • P54 milyon para sa 2.4 milyong pirasong face masks (P22.50 isang piraso)
  • P220 milyon para sa 4.5 milyong pirasong face masks (P22 isang piraso)

Habang gumastos ang PS-DBM ng ganitong kalaking pera para sa face masks at PPEs mula sa Pharmally, inetsapuwera nito ang local manufacturers na nag-alok ng mas mababang halaga. (BASAHIN: How the Duterte gov’t shut out local PPE producers during a pandemic)

(Basahin ang imbestigasyon ng Rappler na ito para makita ang ilan pang kontrata ng Pharmally.)

Must Read

Financial mystery deepens: Was Pharmally just an agent, not a supplier?

Financial mystery deepens: Was Pharmally just an agent, not a supplier?
Kulelat ito sa pagiging kalipikado.

Kompara sa mga kompanyang dati nang suplayer ng gobyerno, kulelat sa kalipikasyon ang Pharmally. Lumabas sa imbestigasyon ng Rappler at ng ilang senador ang mga sumusunod:

  • Setyembre 2019 lang inirehistro ang Pharmally Pharmaceutical Corporation sa Securities and Exchange Commission (SEC). Ibig sabihin, pitong buwan pa lang ang kompanya nang pagkatiwalaan ito ng gobyerno ng P8.68 bilyong halaga ng mga kontrata.
  • Nagsimula itong ang kapital ay P625,000 lamang. Batay sa procurement law, hindi ito dapat nakakuha ng gayong kalaking kontrata. Isa sa hinihingi ng batas ay dating kontrata o puhunan na kalahati man lang ng makukuhang bagong kontrata. Malayo sa kalahati – P4.34 bilyon – ang paid-up capital ng Pharmally.
  • Walang ibang pinagkakitaan ang Pharmally Pharmaceutical Corporation maliban sa mga kontrata mula sa gobyerno. Ayon sa kanilang financial statements, P7.5 billion ang sales nila noong 2020. Naghihinala tuloy ang isang senador na baka naging ahente lang, at hindi mismong suplayer, ang Pharmally, at kumita ng komisyon.

Ang Pharmally Pharmaceutical ay pinamumunuan ng mga banyaga. May kabuntot na kontrobersiya rin ang mga tao sa likod nito. (BASAHIN: Pharmally executives, Michael Yang associate wanted in Taiwan)

  • Si Huang Tzu Yen, Singaporean na may-ari ng 40% ng Pharmally Pharma, ay wanted sa Taiwan dahil sa stock manipulation.
  • Si Huang Wen Lie, tagapangulo ng Pharmally International Holding Company at tatay ni Tzu Yen, ay wanted dahil sa securities fraud, embezzlement, at stock manipulation.

Ayon sa mga senador, tila hindi binusisi ng PS-DBM kung saan nanggaling ang kompanyang ito bago binigyan ng naglalakihang kontrata. Halimbawa, hindi pala tunay o walang nakatira o nag-oopisina sa address na ipinarehistro nito.

Iimbestigahan na ng Commission on Audit nang mas malalim ang mga kontrata ng Pharmally dahil sa mga lumalabas na bagong ebidensiya.

Must Read

Biggest pandemic supplier has links to ex-Duterte adviser Michael Yang

Biggest pandemic supplier has links to ex-Duterte adviser Michael Yang
Padrino nito si Michael Yang, kaibigan at dating tagapayo ni Pangulong Duterte

Konektado ang Pharmally sa Chinese businessman na si Michael Yang. Sino ba siya?

Paano siya nasama sa isyung ito?

  • Sina Rose Nono Lin at Gerald Cruz, na direktor sa Pharmally Biological Company Inc., ay malapit na katuwang ni Yang sa ibang negosyo.
  • Sina Lin at Cruz ay incorporators ng Philippine Full Win Group of Companies Inc., na ang tagapangulo ay si Yang.
  • Ipinakilala ni Yang kay Pangulong Duterte ang ilang opisyales ng Pharmally International Holding sa isang miting sa Davao City noong March 2017.
MITING. Kasama ni Michael Yang (naka-lila) ang ilang opisyal ng Pharmally International Holdings sa isang pakikipagpulong kay Pangulong Duterte sa Davao City noong 2017.
RTVM screenshot

Itinanggi ng Malacañang na nabigyan ng bilyon-bilyong kontrata ang Pharmally Pharma dahil sa impluwensiya ni Yang.

Dinepensahan ni Duterte si Yang noong August 30, at sinabing ito ay “financial sponsor” ng mga Tsino na gustong magnegosyo sa Filipinas.

Dalawang beses nang naglabas ng subpena ang Senado, pero hindi pa rin nagpapakita sa mga pagdinig si Yang. Nitong Setyembre 7, na-cite in contempt ng Senado ang negosyante at naglabas na rin ng warrant of arrest para sa kanya. (READ: Facing arrest, Michael Yang vows ‘full cooperation’ in Senate probe)

Dating staff ni Senador Bong Go ang pinuno ng PS-DBM na nagbigay ng mga kontrata sa Pharmally.

Nangyari ang mga kahina-hinalang transaksiyong pumabor sa Pharmally Pharma sa ilalim ng pamumuno ni Lloyd Christopher Lao sa PS-DBM. Nagsilbi siya mula Enero 2020 hanggang Hunyo 2021. (BASAHIN: Why is Procurement Service buying on behalf of agencies?)

Davao boy si Lao, na naging volunteer election lawyer ni Duterte noong 2016. Sangkot siya sa ilang kontrobersiya:

  • Itinatanggi ngayon ni Senador Bong Go na malapit at pinagkakatiwalaan niyang katrabaho si Lao, kahit na nanungkulan ito bilang undersecretary sa opisinang binuo noon ni Duterte para kay Go – ang Presidential Management Staff–Office of the Special Assistant to the President.
  • Siya ang pumirma sa isang imbitasyon noong 2017 kay Rear Admiral Robert Empedrad nang gustong pakialaman ni Go ang planong pagbili ng Navy frigates.
  • Inakusahan siyang nangingikil sa socialized housing developers noong siya ay chief executive officer at commissioner sa Housing and Land Use Regulatory Board.

Dinepensahan ni Duterte si Lao, lalo na tungkol sa alegasyon na malakas lang ang kapit nito kaya naitatalaga sa matataas na puwesto sa gobyerno. “Ano’ng masama kung magbayad ako ng utang?” sabi ng Pangulo.

Nakatengga ngayon ang milyon-milyong halaga ng face masks at face shields na binili ng PS-DBM.

Halos P95 million na halaga ng face masks at face shields na binili ng PS-DBM noong 2020 ang nakatengga hanggang ngayon sa mga bodega at depot. (BASAHIN: Audits flag DBM’s procurement service over COVID-19 supplies)

Dahil sa pagbaba ng presyo sa merkado, hindi na maibenta ng PS-DBM ang lagpas sa 15 milyong piraso ng produkto sa halagang kapareho nang bilhin ito sa mga suplayer. (BASAHIN: Tale of pandemic face shields: Costly, overstocked, unauthorized gov’t buys)

Ayon sa COA, halos P100 million sana ang kikitain kung naibenta ang suplay noong mataas pa ang demand para rito. Pinuna rin ng mga awditor na sa kabila ng malaking pondong pinag-uusapan – P41 bilyon – walang tamang dokumento na magpapatunay ng paglilipat nito ng Department of Health sa PS-DBM.  

Sa isang pagdinig sa Senado tungkol sa maaanomalyang transaksiyon ngayong pandemya, inamin ni Lao ang posibleng kapabayaan niya kaya napamahal ang face shields at face masks na binili noong 2020.

Tuloy ang bilyonang pangongontrata ng Pharmally sa 2021 sa kabila ng mga babala ng COA.

Kahit na kahina-hinala ang pinagmulan at kakayahan ng Pharmally, nakakuha pa rin ito ng ilang malalaking kontrata mula sa gobyerno para sa taong 2021. (READ: Pharmally bags P2 billion more deals in 2021)

Aabot sa P2.3 bilyon ang halaga ng apat na bagong kontrata nito. Tatlo sa mga ito ay ibinigay sa kanila ng PS-DBM:

  • P507.3 milyon para sa 517,613 PPE sets (P980 isa) noong Mayo 19, 2021
  • P774.3 milyon para sa 17,000 RT-PCR test kits (P45,550 isang yunit) noong Hunyo 2, 2021
  • P1 bilyon para sa 26,970 RT-PCR test kits (P37,450 isang yunit) noong Hulyo 26, 2021

Nakakuha rin ang Pharmally ng P37.9 million na kontrata mula sa Department of Health para sa 2 milyong face shields (P18.88 isa).

– may kasamang report mula kina Pia Ranada, Lian Buan, at Sofia Tomacruz/Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Jodesz Gavilan

Jodesz Gavilan is a writer and researcher for Rappler and its investigative arm, Newsbreak. She covers human rights and also hosts the weekly podcast Newsbreak: Beyond the Stories. She joined Rappler in 2014 after obtaining her journalism degree from the University of the Philippines.