Paano maaaring tumanggap ng tulong mula sa emergency subsidy program ng DSWD?

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay may programang naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa 18 milyong nangangailangang pamilya sa ilalim ng emergency subsidy program (ESP) ng Bayanihan to Heal as One Act.

Batay sa mga pahayag ng DSWD, ang 18 milyon ay mga low-income na pamilyang higit na naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon at iba pang bahagi ng bansa upang makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Sakop ng orihinal na programa ang buong bansa.

Ngunit ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque noong Abril 24, ang makakasama na lamang sa ESP ay mga lugar na nasa ilalim ng ECQ. Hindi na kasama ang mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) na lamang sa buwan ng Mayo.

Ito ang inilabas na proseso ng DSWD upang makatanggap ng tulong mula sa ESP:

Paano ko malalaman kung kasama ang pamilya ko sa pagtanggap ng ESP?

Kung ang pamilya mo ay benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), awtomatikong kasama kayo sa bibigyan ng pondo ng ESP at hindi na kailangang magsumite ng SAC form. Ito ay dapat naka-deposit na sa inyong cash card ng 4Ps na maiwi-withdraw sa ATM ng Landbank.

Kung wala pang cash card, maaaring lumapit sa inyong lokal na pamahalaan.

Ayon sa Joint Memorandum Circular 1 ukol sa social amelioration, ang mga sumusunod ay kasama sa programa ngunit sila ay dapat manggaling pa rin sa mga pamilyang low-income:

  • senior citizens (na hindi nakatatanggap ng pensyon)
  • taong may kapansanan o persons with disabilities (PWDs)
  • buntis o bagong panganak na nagpapasuso
  • solo parents o nag-iisang magulang
  • overseas Filipino workers in distress
  • mga kapus-palad at mamamayang walang tirahan
  • mga maralitang katutubo
  • informal workers (halimbawa, drayber ng tricycle, kasambahay, vendors)
  • barangay tanod
  • barangay health workers
  • barangay day care workers

Kung ikaw o isang miyembro ng pamilya mo ay kasama sa mga nasa itaas, ihanda ang mga dokumentong magpapatunay na ito ang iyong hanapbuhay o estado – mga ID, lisensya, sertipikasyon ng pagkatanggal sa trabaho, overseas employment certificate, at iba pa. Kung walang dokumentasyon, maaaring humingi ng sertipikasyon ng inyong estado sa lokal na pamahalaan.

Ayon sa DSWD, ang mga pamilya na mayroong isang miyembro na kasama sa mga sumusunod ay hindi kasama sa ESP:

  • Mga inihalal o inihirang na opisyal ng gobyerno na permanente, casual, coterminous, o kontraktuwal (nasa ilalim ng memorandum of agreement, cost of service, job order) sa kahit anumang nasyonal na ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, o government-owned and controlled corporation (GOCC)
  • Mga empleyadong nasa pribadong sektor o pormal na ekonomiya, at mga empleyado ng GOCC na walang orihinal na paupahan (charter), kahit mayroon o walang kaugnayan ang empleyado at amo, at kahit mayroon o walang itinatanggap na suweldo
  • Mga retiradong tumatanggap ng pensyon
  • Mga pamilyang may maayos na kapasidad pinansyal
Magkano dapat ang makuha ng aming pamilya mula sa ESP?

Ang mga pamilyang kasama sa ESP ay makatatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 kada buwan nang dalawang buwan.

Ngunit base sa bagong direktibo ng gobyerno, ang mga pamilyang nasa mga lugar na inilagay sa GCQ pagkatapos ng Abril 30 ay hindi na makatatanggap ng ayuda sa buwan ng Mayo. 

Nakatakda ang halagang makukuha ng bawat pamilya base sa minimum wage ng rehiyon kung saan nakatira ang pamilya. Ito ang nailabas na listahan mula sa Joint Memorandum Circular 1:

Ngunit ayon din sa DSWD, nakabatay pa rin sa kalagayan ng bawat pamilya ang halaga ng kanilang matatanggap.

“Ang SAC form ay isang validation tool lamang na naglalayong makita kung sino ang higit na nangangailangan ng madaliang ayuda. Ang lahat po ay nilalayon naming makatanggap ng social amelioration program, subalit ang pamamahagi ay naaayon sa nibel ng pangangailangan,” ayon sa DSWD.

Kung higit pa sa isang pamilya kaming nakatira sa iisang bahay, ilan ang makatatanggap ng pondo?

Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, pamilya ang unit of assistance ng makatatanggap ng ayuda at hindi pisikal na bahay. Kung halimbawa, 3 pamilyang kuwalipikado ang nakatira sa iisang bahay, 3 SAC form ang dapat makuha ng bahay na iyon.

Kami ay nakatira sa malayo o mabunduking lugar at mahirap puntahan ang aming barangay hall. Paano ako magfi-fill up ng SAC form o kaya makatatanggap ng ayuda?

Base sa prosesong inilabas ng DSWD, ang mga opisyales ng LGU ang pupunta sa inyong tahanan upang mamigay ng SAC form. Nairekomenda na rin ni DSWD Secretary Rolando Bautista na sa mga ganitong kaso, pagka umikot na ang mga opisyales upang mamigay ng form ay doon na rin magbibigay ng ayuda. Ang mahalaga raw ay mayroong dokumentasyon ng inyong pagtanggap ng pera.

Wala pang dumarating na opisyales ng barangay sa bahay namin para sa SAC form.

Ayon kay Dumlao, ang lahat ng LGU sa buong bansa ay nakatanggap na ng SAC forms. Dapat na itong umiikot sa inyong tahanan. Kung hindi man, makipag-ugnayan o tumungo sa inyong barangay hall at maghanap ng SAC form. Mag-ingat at mag-obserba ng physical distancing kapag lumalabas ng bahay.

Kulang ang aming nakuhang pera mula sa LGU – pinagdududahan ko ang barangay sa pagbigay sa amin ng ayuda. Ano'ng puwede kong gawin?

Maaaring tumawag sa hotline ng DSWD na 8-951-2803. Sinabi ng DSWD na kakasuhan ang mga lokal na opisyal na nanloloko pagdating sa bigayan ng ayuda mula sa ESP.

Limitado ang mga SAC forms na mayroon ang barangay namin. Paano ito?

Ayon kay Dumlao, nakabase ang 18 milyong pamilya sa 2015 Listahanan – ang sistemang nangongolekta ng datos upang mahanap ang pinakamahihirap na pamilya sa bansa. May 15 milyong pamilya ang nakasama sa listahang ito at idinagdag ng DSWD ang 3 milyon pang pamilya batay sa pagtaas ng populasyon.

Ipinaliwanag ng DSWD na ang bawat lugar ay may "indicative number of target beneficiaries." Sinabi rin ni Dumlao na bawal ipakopya o ipa-photocopy ang mga SAC forms.

Kung hindi naisama ang inyong pamilya sa listahan ng DSWD ngunit nangangailangan ang pamilya ninyo, maaaring magsumite ng apela – makipag-ugnayan sa inyong lokal na pamahalaan o lokal na social welfare offices para dito  o kaya tumawag sa 24/7 hotline na 16545.

Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa kanyang Facebook live noong Abril 1 na kapag kumulang ang mga SAC sa isang lugar ay ibabalik dapat ng LGU sa nibel ng nasyonal na pamahalaan upang patunayang mayroon pang dapat isama sa programa.

“Bago pa umikot ang forms [sa] bawat municipal at city, i-inform na sila na in accordance with government statistics kung ilang households ang nasa kanila. Kung halimbawa, sa Taguig, sasabihin nila 100,000 households ang bibigyan. And then ang nakita namin ang qualified ay 110,000, babalikan namin ang national – paano ang 10,000? Ito ang proof na kasama sila,” ayon kay Cayetano.

Nairekomenda na rin niyang gawing mas simple ang SAC at bawasan ang tinatawag na “red tape” upang mapabilis ang proseso ng pagbibigay ng tulong.

“Let me make it clear na nagkakaisa kami ng DSWD na walang red tape... ‘Yung hangarin nga is that mabilisan ito at magawa kaagad. So siguro doon sa iba na nakapagsalita ng malabo, matagal, etcetera, that’s based on ‘yung pagpapalit-palit ng guidelines, kasi it’s the first time na may ganito kalaking programa na P100 billion a month halos, for 18 million Filipino families,” ani Cayetano. – Rappler.com

(Editor's Note: An earlier version of this story stated that the DSWD has yet to identify specific types of employment that would still be included in the amelioration program. They are mentioned in Joint Memorandum Circular No. 1. We apologize for the error.)

Michelle Abad

Michelle Abad is a researcher-writer at Rappler. Possessing the heart and soul of a feminist, she is working on specializing in women's issues in Newsbreak, Rappler's investigative arm.

image