[PODCAST] Beyond the Stories: Bakit may pondo na hindi nagastos laban sa pandemya?

Subscribe to Newsbreak: Beyond the Stories podcast on SpotifyApple Podcasts, and Anchor.

Ilang bilyong pisong pondo na nakalaan sa bisa ng Bayanihan 2 ang hindi nagastos ng national government para tulungan ang mga mamamayan sa gitna ng pandemya.

Dahil hindi napahaba ang panahon ng paggasta, ibinalik ang pondo sa National Treasury. 

Sa podcast episode na ito, tatalakayin nina Rappler columnist at economist JC Punongbayan, economic reporter Aika Rey, at researcher-writer Jodesz Gavilan kung paano umabot sa ganitong kalaking halaga ang hindi nagastos.

May kakayahan si President Rodrigo Duterte na i-extend ang Bayanihan 2, ngunit hindi niya ito ginawa. Ang maaapektuhan tuloy ay ang mga Pilipino, ayon kay Rey:

Kung tutuusin, meron talagang calls hindi lang [mula sa] Congress, pati advocacy groups. Talagang sinasabi nila na dapat i-extend, dapat magpatawag na si President Rodrigo Duterte ng special session para ipasa ang extension ng Bayanihan 2. Kaya lang, wala namang nangyari. Kung gusto naman ni Presidente ay p'wede siyang magpatawag. Pero up until the last minute, wala talagang narinig sa kanya.... At the end of the day, ang mga tao na nagbe-benefit [sana] from it ang talo kasi hindi na-extend. Ang malungkot pa roon, halata mo talaga na merong pagkukulang sa ating executive department kasi hindi talaga nila kinaya na gastusin ang pera. Sayang. Imbes na iyong mga Filipino naka-benefit sa pondo na inilaan, wala. Pera na, naging bato pa.

Ayon kay Punongbayan, importante na talagang bigyang-pansin ng mga mamamayan hindi lamang ang pagtatalaga ng pondo, pati na rin kung paano ito ginagastos:

Unang-una, napakaimportante na bantayan natin lahat ang 2022 budget season.... Kailangan nating masiguro na ipa-prioritize ang pandemic response na, unlike noong 2021, na nakita natin wrong priorities. Kailangang itama ang priorities this time around. Pero mahirap iyon kasi paparating na ang 2022 elections at baka biglang makita natin na biglang bubuhos na ang pera para sa ayuda at bakuna, para pogi points para sa mga politiko.

Isa pang challenge ay hindi masyadong nag-e-engage ang mga Filipino sa budget process.... Actually, doon sa Bayanihan 2, 'di ba kailangang may regular report ang executive sa kung paano nagagastos ang pera, pero hindi ito nasusunod? So I think dapat may ganoong klaseng follow through. Kailangan dapat ma-account din kung saan napupunta ang pera ng taumbayan. At, lastly, napakaimportante na ang mga Filipino ay bumoto ng maayos na leader sa 2022 para siguruhin na ipagpapatuloy ang ayuda as well as magkakaroon ng mas mabuti pang pandemic response for next year para matapos na ang pandemya.

Anong mga parte ng pandemic response ang naapektuhan ng pagkawalang bisa ng Bayanihan 2? Pakinggan ang podcast.

Ang Newsbreak: Beyond the Stories ay podcast series ng Rappler tungkol sa mahahalaga at malalaking isyu sa Pilipinas. – Rappler.com

Pakinggan ang latest episodes ng Newsbreak: Beyond the Stories: