online scams

[WATCH] ’Yung Totoo?: 5 pekeng promo at pakulo sa social media

[WATCH] ’Yung Totoo?: 5 pekeng promo at pakulo sa social media
Bago mo pindutin ang link na naglalaman ng mga kaduda-dudang promo at pakulo, suriin muna ang pinagmulan nito

Mula nang magpatupad ng lockdown ang gobyerno dahil sa pandemya ng COVID-19, dumami rin ang mga kumalat na online scam.

Layunin ng mga ganitong gimik na mabiktima ang mga kababayan nating umaasa sa ayuda mula sa pamahalaan at sa pribadong sektor.

Suriin at i-fact-check natin ang 5 sa mga pekeng promo at pakulo na kumalat sa social media.

Una, lumabas ang mga sabi-sabing namimigay ang Social Security System ng P20,000 kada miyembro bilang ayuda. Naku, huwag kayong maniwala rito!

Pangalawa, namimigay daw ang Department of Social Welfare and Development ng P5,500 kada Facebook user bilang “tulong” sa gitna ng pandemya.

Pero, teka, bakit kapag pinindot mo ang link na nasa anunsiyo, hinihingi ng website ang email address at Facebook password mo? Dahil hindi ito totoo.

Pangatlo, kumalat ang tsismis na may inendoso raw na bitcoin trading program si Finance Secretary Carlos Dominguez III. Kaya raw ng produktong ito na gawing milyonaryo kahit sino sa loob lang ng 3 hanggang 4 na buwan.

Kamangha-mangha naman! Pero totoo ba ito? Hindi!

Hindi lang programa ng gobyerno ang ginagamit sa panloloko. Ginagamit din ang pangalan ng mga sikat na negosyo.

Tulad nitong promo raw sa Facebook na nagsasabing namimigay ng premyo ang Palawan Pawnshop chain. Kailangan lang daw i-share ang post at mag-comment ang mga nais lumahok. Hindi rin totoo ito!

At, panlima, kumalat na namimigay daw ang grocery chain na Puregold ng mga kupon para sa isang oras ng libreng pamimili. Teka, hindi rin ’yan totoo!

May nakita ka bang kaduda-dudang post o mga online scam? Magpadala ng link at screenshot nito sa factcheck@rappler.com. – Rappler.com