Fake Quotes

[WATCH] ’Yung Totoo?: Mga pekeng pahayag na mula raw sa mga opisyal ng gobyerno

[WATCH] ’Yung Totoo?: Mga pekeng pahayag na mula raw sa mga opisyal ng gobyerno
Paano mo malalaman kung totoo ang mga nakikita mo sa social media na larawang may pahayag umano ng mga opisyal?

Maraming umaasa sa social media para sa mga balita at mga anunsiyo mula sa mga opisyal ng gobyerno. Pero paano mo malalaman kung totoo ang mga nakikita mo sa social media na larawang may pahayag umano ng mga opisyal?

I-fact-check natin ang limang pekeng pahayag na galing daw sa mga opisyal ng gobyerno sa kalagitnaan ng pandemya.

Una, sinabi ba ni Presidential Spokesperson Harry Roque na walang karapatan ang mahihirap na pumili ng bakuna laban sa COVID-19? Sinabi rin daw niya na “bawal ang mag-inarte sa panahon ng pandemya.”

Teka, hindi totoo ’yan!

Pangalawa, sinabi raw ni vaccine czar Carlito Galvez Jr na “puwede na” sa mahihirap na Pilipino ang bakunang Sinovac. Hindi rin totoo ito.

Sinabi nga ba ni Bise Presidente Leni Robredo na dapat ay patalikod na lang umangkas sa mga motorsiklo ang mga pasahero para maiwasan ang hawahan ng COVID-19? Hindi!

Pang-apat, bago magsimula ulit ang mga klase noong 2020 sa kalagitnaan ng pandemya, sinabi raw ni Education Secretary Leonor Briones na “matira matibay” na lang sa mga estudyante at “patay kung patay.”

Pero ano ’yung totoo? Edited ang litratong ito.

Panlima, nagbabala raw si Pasig City Mayor Vico Sotto tungkol sa mga kakandidato sa susunod na eleksiyon. Sinabi raw ni Sotto sa isang live video na dapat matuto ang mga botante sa naging karanasan nila sa pandemya, at iboto na lang sa susunod ang mga “hindi sinungaling, hindi rapist, hindi mass killer, at hindi magnanakaw.”

Totoo ba ito? Hindi!

Lima lang ’yan sa mga kumalat na pekeng pahayag ng mga opisyal ng gobyerno sa kalagitnaan ng pandemya. May nakita ka bang kaduda-dudang mga pahayag na sinasabing nanggaling daw sa mga awtoridad? Magpadala ng link at screenshot nito sa factcheck@rappler.com! – Rappler.com