Fact Checks about ABS-CBN

[WATCH] ’Yung Totoo?: Mga kasinungalingan tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN

[WATCH] ’Yung Totoo?: Mga kasinungalingan tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN
Para sa isang channel lang ba ang prangkisa ng ABS-CBN? Nilabag ba ng ABS-CBN ang Konstitusyon dahil tumagal ito sa ere nang mahigit 50 taon? I-fact-check natin ’yan!

Muling binanatan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ABS-CBN, at sinabing hindi niya aaprubahan ang anumang prangkisang ibibigay ng Kongreso sa network.

Nang mga nakaraang mga buwan, lalo pagkatapos na ipinasara ang ABS-CBN, nagkalat ang mga post sa social media tungkol sa diumano’y mga krimen ng network. Ngunit ano ’yung totoo?

Isa sa mga kumalat na sabi-sabi ay para sa isang channel lang daw ang prangkisa ng ABS-CBN, ayon sa mga kondisyon ng prangkisang natanggap nito noong 1995. Hindi ito totoo.

Sumunod, sinabi rin ni Sagip Partylist Representative Rodante Marcoleta na nilabag daw ng ABS-CBN ang Konstitusyon dahil tumagal ito sa ere nang mahigit 50 taon kahit may kondisyon sa batas na hanggang 50 taon lang ang mga prangkisang inaprubahan ng Kongreso. Hindi rin ito totoo.

Mayroon ding kumalat na post na nagsasabing ilegal daw ang operasyon ng ABS-CBN sa loob ng nakaraang 25 taon. Ginamit ng post na ito ang isang pahayag ni Senator Panfilo Lacson. Ngunit sa pahayag na ito, hindi tinutukoy ni Lacson ang prangkisa ng ABS-CBN, kundi ang bisa ng provisional permit mula sa National Telecommunications Commission kung sakaling hindi agad maaprubahan ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN.

May sabi-sabi rin na kaya raw hindi binigyan ng Kongreso ng bagong prangkisa ang ABS-CBN ay dahil sa pay-per-view service nito. Isa rin itong kasinungalingan.

At, panghuli, may sabi-sabing nahatulan na raw ng Korte Suprema na nagkasala ang ABS-CBN dahil sa patong-patong na kasong kinahaharap nito, at ipinasasara na raw nito ang network. Hindi hinatulan ng Korte Suprema na guilty ang ABS-CBN. Ang NTC ang nag-issue ng cease and desist order laban sa network noong Mayo 2020.

Kaya, kaibigan, mag-ingat ka sa mga panlolokong ganito. May nakita ka bang ibang sabi-sabi tungkol sa ABS-CBN na maaaring hindi totoo? Ipadala ang link at screenshot nito sa factcheck@rappler.com. – Rappler.com