Gusto kong mag-sponsor ng UP boarder

Miriam Grace A. Go

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Gusto kong mag-sponsor ng UP boarder
(UPDATED) May kakilala ba kayong taga-Diliman na may dormitory slots nga pero hindi kaya ang bayad?

UPDATES ngayong Lunes, Agosto 10:

  • Sa ngayon ay may 12 indibidwal at pamilyang nais mag-sponsor ng 14 estudyanteng walang pambayad sa dorms. Iisang estudyante pa lang ang nakipag-ugnayan sa amin; naghahanap kami ng iba pa.

  • Tumanggi ang mga tanggapan sa UP na ilabas ang mga listahang hinihiling natin (siguro’y para sa privacy ng mga estudyante), kaya ang pag-asa natin ay magkipag-ugnayan sa Rappler ang mismong mga estudyanteng nangangailangan ng tulong. Pakihanap at pakisabihan naman sila. Kaagad.

  • Ang mungkahi ko: kapag nakapili na tayo ng tutulungang estudyante, magbayad tayo nang diretso sa UP sa pangalan nila para mas mabilis at malinaw ang transaksiyon.

 

 

MANILA, Philippines – Pasensiya na sa mga kapwa ko taga-Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Nang una kong makita sa Facebook ang retrato ng mga estudyanteng natutulog sa damuhan sa campus dahil hindi natanggap sa mga dormitoryong in-apply-an nila, wala akong panahong mag-emote agad.

Oo, ang instinct ko ay kalampagin ang reporter at desk ng MovePH, ang citizen engagement arm ng Rappler, para isulat agad ang istorya. Ikalat muna ang impormasyon na may ganitong problema. Saka na ang, “Diyos ko, nakakaawa ang mga bata!” at “Grabe itong UP admin! Bakit nyo hinayaang mangyari ito?!” 

Isa ito sa mga klase ng isyu na dapat remedyuhan muna nang mabilisan, kahit pansamantala, bago upuan at pagplanuhan ang sana’y magiging permanenteng solusyon.

Pero hindi tungkol sa akin o sa “how the newsroom works” ang blog na ito. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy: gusto kong mag-sponsor ng UP boarderIto ang sumunod na instinct ko (although hindi ko alam kung instinct pa rin ang tawag kapag hindi una) noong nailuwal na ng MovePH ang unang istorya tungkol sa UP dorm crisis.

Pero nangarag na ang reporter sa kakulitan ko, hindi pa rin ibinibigay ng mga kaukulang tanggapan sa UP ang mga impormasyong hinihingi namin – mga impormasyong alam kong hinihintay, hinahanap din ng iba pang UP alumni na gustong tumulong.

Ito lang ang alam natin sa ngayon, Sabado ng gabi, Agosto 8, halos isang linggo na ang nakalipas mula nang magbukas ang klase:

  • Mahigit 300 estudyante ang hindi naaprobahan ang application para sa bedspace sa dormitoryong gusto nila. Hinuhulaan kong ito yung mga dormitoryong P250 hanggang P500 ang bayad kada buwan.
  • Umapela sila, at naaprubahan ang apela nilang lahat nitong Huwebes ng hapon. Pero ilan sa mga naaprubahang apela ay nangangahulugan lang na may puwesto na sila sa ibang dormitoryo – sa mas mahal na dormitoryo, sa mga dormitoryong P800 ba o P1,500 o P3,000 kada buwan. (Wala naman sigurong na-assign sa Solair dormitory na P7,000 isang buwan?)
  • Dahil dito, may mga estudyanteng nagsasabi na hindi nila kaya ang upa. ’Yung isa, sinabihan na raw ng magulang sa Mindanao na huling semestre na niya ito. ’Yung isa, nagtitiyagang magbiyahe araw-araw mula sa bahay sa Laguna hanggang Diliman, siguro’y dahil mas madaling hagilapin ang utik-utik na pamasahe kaysa biglaang P1,500 sa isang buwan. 

DORM PLEASE. Students demand more affordable student accommodations in UP. Photo by Chester Higuit/Philippine Collegian

Hindi ako mayaman. Single mother ako na bumubuhay at nagpapaaral ng 3 anak. Pero, sabihin na ninyong mayabang, ano ba yung P1,500? Mas malaki riyan ang nagagastos kapag kumakain sa labas ang pamilya twice a month. Isang hardbound na libro lang yan sa Fully Booked kung saan naghahakot ka siguro bawa’t quarter. One-third lang yan ng presyo ng maong o baro sa Muji o Gap na nire-reward mo sa sarili mo paminsan-minsan. Pag sobrang trapik at may hinahabol kang appointment, 3 taxi rides lang ang halagang yan.

Pero sa mga estudyanteng ito – na may talino, may pagsisikap, nasa the best na unibersidad, nasa napakagandang sitwasyon sana para lumawak ang pananaw at lumalim ang pagmamahal sa bayan at pagmamalasakit sa lahi (ayan, emotional na ako) – ang P1,500 buwan-buwan ang magdidikta kung bibitawan nila ang pambihirang oportunidad na makapagtapos sa UP, uuwi na lang sa probinsya, o, wag naman sana, tumigil sa pag-aaral.

(Sa ngayon, may mga nananawagan lang sa mga may maibibigay na temporary accommodation.)

Alam ko, hindi lang naman ang P1,500 na upa sa dormitoryo ang gastos ng nag-aaral: may pagkain araw-araw, gastos sa projects, exposure trips, etc. Pero kung maiibsan nang bigtime ang agam-agam ng isang estudyante dahil may sasagot ng P1,500 sa dormitoryo niya buwan-buwan, malaking bagay yun. Napakalaking bagay. 

Puwede nating dalangan ang pagkain sa labas, wag mag-buying binge ng mga librong next year mo pa naman talaga mababasa, bawasan ang mga damit na bibilhin kasi tataba – o papayat – ka rin naman sang-ilan, o magmaaga papunta sa appointment para hindi laging nagta-taxi.

O baka naman isa ka sa mga UP alumni na highly paid talaga at puwedeng mag-ambag ng P1,500 a month nang hindi naisa-sakripisyo ang iyong lifestyle? O baka isang grupo kayo na puwedeng mag-ambag-ambag para makapag-“ampon” ng isang estudyante?

Kaya, kung puwede sanang tulungan ninyo akong makalap ang mga sumusunod na impormasyon at makabuo ng listahan:

  • Sino-sino ang mga estudyanteng nakakuha ng dorm slots na hindi kaya ang bayad?
  • Saan-saang dormitory sila napa-assign?
  • Ano ang income bracket nila sa socialized tuition system ng UP? (Gusto nating makatiyak na talagang nangangailangan sila.)
  • Ano’ng year at kurso nila? (Para alam natin kung kaya nating mag-sponsor hanggang makapagtapos sila.)

Makatutulong ang mga impormasyong ito para makapili ng beneficiaries ang mga gustong mag-sponsor ng estudyante.

Kung isa ka sa mga estudyanteng ito, o kilala mo ang isa sa kanila, mag-comment ka sa artikulong ito, mag-PM ka sa Facebook page ng Rappler o MovePH, at ibigay ang impormasyon. (Wag kang magtangkang manloko. Hindi ako naging peryodista at naging UP Diliman alumna para magoyo mo.)

Kung madaragdagan pa natin ang listahan, o kung potential sponsor kang gusto ng dagdag na impormasyon na makatutulong sa pagpili mo ng estudyanteng tutulungan, pakisabi na rin. Home province? Religious affiliation? Political leaning? 

Sa mga magsasabing, “This is like taking the burden away from the UP administration that has chosen the path of commercialization, or from the national government whose responsibility it is to spend for everything that state universities need,” saka na tayo mag-usap. Malaking problema’t mahabang diskusyon ito. Tulungan na lang muna natin ang mga bata. Mahirap mag-aral nang walang maayos na tulugan sa gabi. 

Sasabihin siguro ng iba, dapat alam ng mga estudyante na wala nang libre sa panahong ito. Sige na. Pero di natin matatapatan ng halaga ang kapirasong maiaambag natin sa kinabukasan ng ilang Iskolar ng Bayan.

Maraming-maraming salamat ngayon pa lang! Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Avatar photo

author

Miriam Grace A. Go

Miriam Grace A Go’s areas of interest are local governance, campaigns and elections, and anything Japanese.