Ang kalupitan ng tropang Pacquiao

Sylvia Estrada Claudio

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Ang kalupitan ng tropang Pacquiao
Hindi ko pwedeng bigyan ng respeto ang mga taong ginagamit ang relihiyon upang apihin ang kapwa, para bigyan ng katuwiran ang mga maling kaisipan

Hindi ko na sana papatulan ang sinabi ni Manny Pacquiao na higit na masahol pa sa hayop ang mga LGBT.

Nguni’t napansin ko na marami sa mga minamahal ko sa buhay – mga kamag-anak, kaibigan, kasamahan sa trabaho – ang tuluyang nasasaktan. Malalim ang sugat, nagdadalamhati. Napansin ko na hindi lang ang mga LGBT mismo ang lubhang nababahala kung hindi ang mga nagmamahal sa kanila. At hindi maghilom ang sugat dahil kinakalkal pa ito ng iba pang tao tulad ng mga Tulfo brothers at si Juan Ponce Enrile.

Naawa ako sa isang kasamahan namin sa grupo ng Psychological Association of the Philippines na nagtataguyod ng kapakanan ng mga LGBT (PAP LGBT Special Interest Group). Hirap ang batang ito dahil sa loob ng  institusyon niya mismo,  tuloy tuloy pa rin ang mga masakit at ignoranteng mga salita tungkol sa LGBT.

Naluha ako nang mabasa ko ang Facebook post ng nanay ng isang transwoman na magalang na nakikiusap sa mga nagpapalaganap ng anti-LGBT posts. Mahal niya ang anak niya. Mabait at mahusay na bata. Pantay ang pagmamahal niya sa lahat ng anak niya sinupaman ang pinipili nilang mahalin. Respetado naman daw niya ang karapatan nilang magsalita, kaya’t  i-unfriend na lang siya.

GMG

Ano nga ba ang mali sa sinabi ni Pacquiao? 

Una, malayo sa realidad ang sinabi niyang hindi nagkakaroon ng relasyong homosekswal ang mga hayop. “GMG – google mo, gago!”, bulalas ng mga estudyante ko kapag may napapansin silang kabulastugan. At kung nag-GMG si Pacquiao, napansin sana niya na ilang dekada ng may ebidensya na laganap ang mga homosekswal na relasyon sa mga hayop; taon-taon nadadagdgan ang bilang ng mga klase ng hayop na nagpapakita ng relasyong same-sex; at libo-libo na rin ang mga pag-aaral at pagsusuri tungkol dito.

Nguni’t sanay na sanay na ako sa mga taong matitigas ang puso. Kung para kay Pacquiao, katibayan ang (akala niyang) kawalan ng homoseksalidad sa mga hayop ng pagiging masahol ng mga LGBT, yaon namang nakakaalam na laganap pala sa mga hayop ang ganito, ang magsasabing “tignan ninyo, wala kayong iniba sa hayop.” Ang mga tao nga naman, kung gustong manlait ng kapwa, hahanap ng paraan.

Pangalawa, walang batayan ang pag-iisip na dapat kamuhian ang anumang pagkakatulad natin sa hayop o di kaya’y dapat nating madaig ang hayop sa lahat ng bagay. Napakaraming mabuting aral ang matutunan sa kalikasan, kasama na dito ang mga matutunan natin sa hayop. Kunektado ang buhay at kapakanan natin sa sanlibutan. Kaya din naman napakaraming nananakit sa mga hayop at naninira sa kapaligiran dahil sa bangkaroteng kaisipan na palagi tayong angat sa ibang nilikha.

Pangatlo, mahigit na tatlong dekada nang sinasabi ng mga manggagamot, sikolohista at psychiatrists na normal ang ganitong mga relasyon. Walang sakit sa pag-iisip ang mga LGBT at may kapasidad na maging maayos, moral, masaya, mabubuting miyembro ng lipunan. Sa insidente nga na ito, ang mga LGBT at mga nagmamahal sa kanila ang nagpamalas na pagtitimpi at hinahon habang inaatake kami ng mga taong ginagamit ang relihiyon upang maghasik ng di pagkakaintindihan at gulo.

Bigotry

Nagugulat ba kayo sa matatapang kong salita? Sa tingin ba ng mga mambabasa na sumosobra na ako? Oo, galit ako. Sigurado ako na kamangmangan ang ipinamalas ni Pacquiao at yung mga nagtatanggol sa kanya. Nguni’t hindi na ako magsusulat pa kung isip ko lang ang nababahala.  Mabigat sa kalooban kapag nasaktan ang mga minamahal mo.

Marami sa mga LGBT, kasama na ang mga LGBT na mahal ko, ay marangal na tao. Ang tanging pinagkaiba nila sa akin ay ang kung sino ang nais nilang pakasalan. At dahil marunong akong magmahal, sugatan din ang puso ko. Ayon pa sa aking kunsensya kapag nagkaisa ang utak at puso ko, marapat na ako’y kumilos at manindigan. Tama lang na sa harap ng ganitong kalupitan at kamangmangan, magalit ang isang disenteng tao.

Hindi pa ako tapos. Kaya kong punuin ang isang buong libro ng argumento laban sa kahangalan na ito. Nguni’t highlights na lang ang tatalakayin ko dito. At kung ang sa tingin ninyo ay ginagawa ko kay Pacquiao ang panlalait na siya mismong kinaiinisan ko, mali kayo. Kahit kailanman ay hindi ako nang-insulto, nagmataas o naging malupit sa isang klase ng mga tao na ang karamihan ay hindi ko kilala. Wala pa akong nilait dahil sa kanilang relihiyon, idolohiya, kulay ng balat, probinsya, tribu, katayuan sa lipunan, etc. Ito ang ibig sabihin ng  Ingles na salitang “bigotry.” Bigotry, kapag nilalait mo ang mga  tao dahil  mayroon silang katangian na likas sa kanilang pagkatao.

Hindi likas kay Pacquiao ang kanyang kalupitan at kamangmangan. Kaya’t ang sabihin ko na malupit at mangmang ang ginawa niya, ay hindi ito humahantong sa bigotry. Nasa kamay na niya ang lahat ng kailangan upang mag-aral at matuto. Nakakagulat nga na ganyan pa siya hanggang ngayon.

At huwag sanang ipalusot sa akin ng tropang Pacquiao na hindi sila bigoted dahil “I have many gay friends.” Ang masasabi ko lang ay hindi kayo mabuting kaibigan. Di kayo marunong magmahal ng tunay. At dapat siguro, talikuran na lang kayo ng inyong “many gay friends.” Sayang lang ang pag-intindi at pagmamahal na ibinibigay nila iyo. Sinusuklian ninyo ang kanilang kabaitan ng panghuhusga at pagmamataas.  At huwag ninyong palabasin na dahil tumutuloy sa tahanan ninyo ang ilang LGBT, at pinakain ninyo ang ilan sa kanila, ay samakatuwid ay “no hard feelings.” Hindi ko maintindihan ang ganyang ipokrisiya. Kokondenahin mo ang pagkatao, tapos pakakainin mo?

Depensang bulok

Dalawang klaseng pangangatwiran ang ginagamit ng mga tagapagtanggol ni Pacquiao. Sinasabi ng ilan na niyuyurakan daw namin ang karapatan niya na ilabas ang kanyang niloloob kapag binabatikos namin ang sinabi niya. Kami pa ngayon ang human rights violator habang siya itong ayaw bigyan ng pantay na karapatan ang milyon-milyong LGBT! At paano naman ako? Reresputuhin ko ang karapatan niyang magsalita sa pamamagitan ng pagsupil na sariling kong karapatang magsalita? Sisimulan niya ng gulo dahil ianbuso niya ang kalayaan niyang magsalita – at ako ang mananahimik?

Mayroon naman yung mga nagsasabing wala daw kaming respeto sa relihiyon ni Pacquiao, sa bibliyang kanyang pinagbabatayan. Ows. Lahat ng Kristyano’y sumasang-ayon sa inyo? Alam kong maraming Kristyano at mga Simbahang Kristyano ang naniniwalang hindi makasalanan ang mga LGBT.  

Uulitin ko, mataas ang respeto ko sa pananampalataya. Nirerespeto ko ang mga Kristyano at ang kanilang bibliya. Di tulad ni Pacquiao, kaya kong respetuhin at mahalin ang mga naiiba sa akin – magkaiba man kami sa pananampalataya o sa pagmamahal.

Hindi ko pwedeng bigyan ng respeto ang mga taong ginagamit ang relihiyon upang apihin ang kapwa, para bigyan ng katuwiran ang mga maling kaisipan. Nakakawala ng respeto yung mga mayayabang na itinuturing na banal ang mga kinagawian nila at handang husgahan ang kahit sinong naiiba.  Kaming binansagan ninyo na makasalanan, sinusubok po naming mabuhay ng marangal nguni’t hindi po kami handang sabihin na ang amin lang ang tama. Hindi po namin gagamitin ang aming moralidad upang yurakan ang pagkatao ninyo. Kaya’t huwag ninyong isipin na tama kayo dahil lang hindi kami nakikipag-unahan sa inyo na hugutin ang bibliya upang magkahusgahan tayo.

Lahat po ng nag-aaral ng kahit anong dokumento – Quran, Bibliya, Philippine Constitution – ay nagsasabing dapat alamin ang intensyon nito sa kabuuan at hindi maaring kumuha ng isa o dalawang talata at sabihing, “ito ang tama at ito ang dapat gawin.”

Kahit sinabi ng bibliya na makasalanan ang mga LGBT, saan sinabi na “gumawa ng mga batas kung saan ang karapatan nila ay di pantay sa karapatan ng iba”? Saan sinabi ng bibliya na “pilitin mo ang lahat na maniwala sa  bibliyang ito at sa partikular na interpretasyon mo sa bibliya”?  Saan sinabi ng bibliya na sawayin mo ang Konstitusyon ng Pilipinas at isailalim lahat ng Pilipino sa isang sekta ng mga Kristyano kaya’t kung sa tingin ng sektang ito makasalanan ang sinuman,  samakatuwid ay dapat silang parusahan sa ilalim ng batas?” Saan sinabi na “ipamukha mo sa mga LGBT na makasalanan sila dahil sa ganyang paraan mo sila mapapakitaan ng pagmamahal ni Jesus”?

Anong klaseng relihiyoso yaong walang-awang ipagkakait sa kapwa tao ang dignidad, karapatan at kalayaan na tinatamasa niya. Mababawasan ba ang inyong karapatan kung palawakin mo ang karapatan ng iba? Sa pagkaalam ko nag-uutos si Kristo na mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili.  Sa halip ang nakikita ko sa ilang Kristyano ay ang katigasan ng kanilang kalooban sa sariling kamag-anak, kaibigan, kasamahan. Wala ni isa sa atin na hindi nakakakilala sa isang LGBT.  Bakit ang tigas ng kalooban ninyo sa kapwa?

Hindi ko nilalait ang lahat ng Kristyano at ang bibliya, kahit hindi ako Kristyano.  Ang hindi ko kayang respetuhin ay ang kalupitan at kamangmangan ng Kristyanong si Pacquiao, magkapatid na Tulfo, Juan Ponce Enrile at iba pang nagtatanggol sa kanya. – Rappler.com

 

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!