Filipino comic strips

‘Tokhang’: Maililista na kaya sa Oxford Dictionary?

Vim Nadera

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Sino'ng nagsabing ang wikang Filipino ay Tagalog? Umabot na rin tayo sa antas internasyunal. Marami nang salitang Filipino at slang ang tinanggap ng Oxford English Dictionary.

Kung hahanapin ngayon sa mga bagong diksiyonaryong Filipino ang salitang “tokhang,” maaaring mabigo tayo.

Una, pagkat ang “tokhang” ay inimbento lamang.

Sa Ingles, alagad ng sining (at hindi alagad ng batas) ang imbentor ng mga salitang “blatant” ni Edmund Spenser, “blurb” ni Gelett Burgess, “chortle” ni Lewis Carroll, “cyberspace” ni William Gibson, “doublethink” ni George Orwell, “droog” ni Anthony Burgess, “eucatastrophe” ni JRR Tolkien, “intensify” ni Samuel Taylor Coleridge, “robot” ni Karel Capek, “sensuous” ni John Milton, “serendipity” ni Horace Walpole, “tattarrattat” ni James Joyce, at “witticism” ni John Dryden. O kahit ng mga salitang “superman” na isinalin ni George Bernard Shaw mula sa Alemang Übermensch ni Friedrich Nietzsche o “cloud cuckoo land” na isinalin ni Henry Francis Cary mula sa Griyegong Νεϕελοκοκκυγία.

Dito, kilala ba ninyo kung sino ang umimbento ng Textanaga na pinagmulan ng Dalitext, Dionatext, Tan-awit, Textsawikain, Textigmo, at Textpaktakon? Siya rin diumano ang nasa likod ng Araliwan, Awitulansangan, Conspiwriters, Literatour, Panitikabataan, Poetreat, Sangfil, Sawikaan, Sininggaling, at Tanghalinghaga. (Si Vim Nadera po. – Editor)

Ikalawa, pagkat ang “tokhang” ay mula sa pinaghalong Cebuano na “toktok,” na onomatopoeia ng “katok,” at “hangyo,” na ang ibig sabihin ay “hiling” o “patawad” o “pakiusap.”

Sa Filipino, kahanay ito ng “salumpuwit” o chair, “salongganisa” o brief, at “salungguhit” o panty, na nasundan ng mga kahawig nitong “bilnuran” o arithmetic, “haynayan” o biology, “miktinig” o microphone, “panginain” o browser, “pantablay” o charger, “pang-ulong hatinig” o headset,  “pook-sapot” o website, at “sulatroniko” o email.

Ikatlo, pagkat ang “tokhang” ay bagong kampanyang kontra-droga ng Philippine National Police (PNP). Kumbaga, kakambal ito ng bagong pangulo.

Katunayan, hindi lamang sa tabloid kundi sa Twitter ay ginagamit na ring pandiwa ang kanyang apelyido – e.g. na-Duterte o #naduterte – upang sabihin na ang isang tao ay naging bahagi ng operation plan na ito.

Sa pamamagitan nito at ng Project: Double Barrel, may mga napatay nang mahigit 1,000 armadong kampon ng droga na “nanlaban.”

Ayon sa paliwanag ng hepe ng PNP na si Director General Ronald ‘‘Bato’’ dela Rosa, ang “tokhang” ay kulang pa. Kailangang triplehin pa ng kanyang mga tauhan ang kanilang pagsisikap para pasukuin ang target na 1.8 milyong nagdrodroga’t nagtutulak ngayong nasa unang 6 na buwan na ng pamunuan ni Presidente Duterte.

Sa simula, ito ay binabaybay pa nang kapitalisado – TokHang – na parang isang restorang Tsino na ang espesyalidad ay “tokwang maanghang.”     

Pero ito ay naglahong tila file na na-virus!

Dahil kaya sa dalas?

Dahil kaya sa dahas?

Halimbawa, noong Buwan ng Wika, kung IGM, o “i-google mo,” higit sa kalahating milyon, o 700,000, ang resultang makukuha sa loob ng 0.36 segundo. 

Halos kasindami ng pinagsamang 13,000 inaresto at 628,000 sumuko sa pulisyang may 160,000 kawani.

Isa na rin ba ito sa maituturing na bahagi ng “Change Is coming” ng bagong liderato?

Katanggap-tanggap ito, lalo na sa pag-unlad ng wika, sapagkat isa ito sa mga bagong salitang nakapasok sa mas malawak na larang.

Ito rin, kung tutusin, ang layunin ng Konstitusyong 1987 pagdating sa Wikang Pambansa.

Ayon sa Artikulo XIV Seksiyon 6 ng ating Saligang Batas:

“Ang pambansang wika ng Pilipinas ay Filipino. Habang ito’y nabubuo, patuloy itong pauunlarin at payayamanin batay sa mga umiiral na wika sa Pilipinas at iba pang wika.

 At ito nga ang nangyari.

Lalo pa ngayong nasa ilalim ang buong bansa sa pamumuno ng isang presidenteng itinuturing ng higit pa sa 16 milyong botante na isang pangulong “pambansa.”

Bakit?

Sapagkat si Presidente Duterte ay isinilang noong Marso 28, 1945, sa Maasin, Leyte.

Sapagkat noong 1951, ang ama niyang si Vicente Duterte na isang Cebuano at ina niyang Soledad Roa-Duterte na taga-Agusan ay nagpasiyang manirahan sa Davao.

Sapagkat mula sa Sta Ana Elementary School sa Davao, ang batang si Digong ay lumuwas sa Maynila para magkolehiyo sa Lyceum of the Philippines at maging abogado sa San Beda College.

Kumbaga, mulàt siya sa bawat likaw ng bituka, kahit paano, ng mga Filipino mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit ang dating ama ng isang buong bayan ay naging ama ng isang buong bansa!

Malayo na rin ang narating ng “toktok” at “hangyo.” Kung dati ang mga ito ay nasa antas-rehiyonal, ngayon ay pumasok na sila sa antas-nasyonal.

Walang ipinagkaiba sa kaso, halimbawa, ng “sutokil” mula sa sugba, tola, at kilaw.

O ng kasing-klasikal ng kantang “Usahay.”

“Padayon.”

Bukod sa “ambot” na madalas marinig sa radyo at telebisyon na itinatapat natin sa “ewan,” nariyan din ang mga salitang dati-rati mas madalas ay maririnig lamang sa mga Bisdak: “adlaw,” “angay,” “atong,” “atubangan,” “buhi,” “buot,” “balak,” “balay,” “bulawan,” “butang,” “daghan,” “dalan,” “dapit,” “diay,” “diha,” “gani,” “gawas,” “gihapon,” “gugma,” “gyud,” “halad,” “hubòg,” “human,” “kaayo,” “kinabuhi,” “kalinaw,” “kalingawan,”  “kamot,” “kanimo,” “karon,” “kinsa,” “kasingkasing,” “katawhan,” “kinahanglan,” “lawas,” “nasod,” “nawong,” “sugbo,” “sugilanon,” “sulod,” “tanan,” “tingog,” “tinuod,” “tuig,” “ubàn,” “unsa,” “usab,” o “yuta.”

Sa panahong ito ng urbanisasyon, kung kailan kaliwa’t kanang bayan ang nangangarap maging siyudad, di natin dapat kalimutan na Cebuano talaga ang salitang “lungsod.”

Sino’ng nagsabing ang wikang Filipino ay Tagalog?

Walang iniwan ito kay Presidente Duterte na isang “pandaigdig” din.

Ito ay nang una niyang piniling pakasalan si Bb. Elizabeth Abellana Zimmerman na isang stewardess na may dugong Amerikano at Aleman!

Umabot na rin tayo sa antas internasyunal.

Sa tulong pa mandin ito ng wikang ating ikinahihiya.

O sinasalita lamang tuwing Agosto.

O maaaring hindi pa nga.

Noong Hunyo ng 2015, tinanggap ng Oxford English Dictionary (OED) ang mga salita nating “advanced,” “bahala na,” “balikbayan,” “balikbayan box,” “baon,” “barangay,” “barkada,” “barong,” “barong tagalog,” “baro’t saya,” “batchmate,” “buko,” “buko juice,” “buko water,” “carnap,” “carnapper,” “comfort room,” “despedida,” “dirty kitchen,” “estafa,” “gimmick,” “go down,” “halo-halo,” “high-blood,” “kikay,” “kikay kit,” “KKB” (o kani-kanyang bayad), “kuya,” “mabuhay,” “mani-pedi,” “pan de sal,” “presidentiable,” “pulutan,” “sari-sari store,” “sinigang,” “suki,” at “utang na loob.”

Noong Marso ng taong ito, napasama na rin ang mga salitang “kilig” at “teleserye.”

Nitong Setyembre lamang, kabilang sa 1,000 bagong entri sa OED ang 15 sa ating salita: “arnis,” “balut,” “bayanihan,” “kare-kare,” “leche flan,” “lechon,” “lechon asado,” “lola,” “lolo,” “pancit,” “puto,” “tabo,” “tita,” “tito,” at “yaya.”

Sa darating na update sa Disyembre, kasama na kayâ ng “tokhang”? – Rappler.com

Ang TOYM Awardee for Literature na si Vim Nadera ay kasalukuyang direktor ng Philippine High School for the Arts. Ang makatang Nadera ay ilang ulit nang nakatanggap ng Palance Award para sa kanyang mga tula, at nakapaglathala ng ilang libro. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!