[OPINYON] Kung paano dapat tangkilikin ang SONA

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Kung paano dapat tangkilikin ang SONA
Usisain ang sarili. Ano ba ang sitwasyon mo habang pinanonood ang State of the Nation Address? Kumakain? Nagugutom? Bumibiyahe? Nagmamadali? Ihing-ihi? Binubulyawan ng boss mo?

 Tulad ng maraming produksiyong palabas sa telebisyon at pelikula, communication and visual spectacle din ang State of the Nation Address o SONA ng Pangulo. Bukod sa mismong mensahe o ang mismong address, ang daming layers na puwedeng paghugutan ng kahulugan, ng ibig sabihin sa atin.  

Hindi na lamang tungkol sa kung ano ang mismong sinasabi sa SONA – ang talumpati ng Pangulo na asahan nating positibo hinggil sa kaniyang pamamahala at hinog sa pangakong parang nangangampanya pa rin with a little sprinkle of bira at mura to boot sa kaniyang mga kritiko – sa halip ay tungkol na rin sa kung paano ito tinatanggap o ipinatatanggap sa maraming tagapanood at tagapakinig. Layering pa rin.  

Dahil kung tungkol lang ito sa ulat talaga ng Pangulo, bakit pa kailangang i-televise? Iparinig na lang sana o ilabas at ilathala ang teksto ng address para mabasa, gawing meme o status, then share. O kaya ilagay sa lahat ng bulletin board ng barangay hall at paaralang pampubliko. 

Pero dahil nga nakatadhana sa Saligang Batas na dapat berbal na mag-ulat sa Kongreso ang Pangulo hinggil sa estado o kalagayan ng bansa, at dahil naka-telecast, maaari nang mapanood at mapakinggan ito ng kahit sinong may access sa mass media.  

Dito na naghalo ang balat sa tinalupan.  

May iba’t ibang layer na kasi ng pagpapakahulugan ang SONA na ang mismong Palasyo ay conscious na rin dito. Hello, kaya nga kinuhang direktor ng dalawang huling SONA ang award-winning filmmaker na si Brillante Mendoza at, ngayon, ang box-office hit director na si Binibining Joyce Bernal. Sabi nga ng kaibigan kong beki in a manner of alliteration: tiyak pak na pak ang production.

Hindi na bago ang ganitong produksiyon ng mga gawaing pampulitika ngayong panahon ng sinasabi ng popular culture scholar ng Harvard University na si Kiku Adatto, “picture-perfect mentality, the self-conscious attention to the construction of images, and the focus on gaffes that reveal the artifice of the pose figure prominently.”  

Mula nang maimbento ang broadcasting, ipina-package na ang mga pulitiko bilang produkto, kaya dapat bigyan ng maayos na imahen o image para tangkilikin, para pagkatiwalaan o iboto kung panahon ng eleksiyon. Pero may pasintabi, paalala, babala ang lodi kong si Adatto. 

Sinabi ng iskolar buhat sa kaniyang trailblazing na aklat na Picture Perfect: Life in the Age of the Photo Op na inilathala ng Princeton University Press: “[Such] television and newspaper coverage conveys, in effect, a paradoxical message: Behold these striking pictures. But as you behold them, beware of them, for they are not real. They are setups, the products of politicians, media consultants, and spin-control artists who are trying to move you or manipulate you or persuade you. So do not take these pictures at face value. They are photo ops, contrived for the sake of our television cameras, and in this sense, our cameras lie.”    

Kontrolado ng Palasyo ang mapapanood sa loob ng Batasan; alam nila kung saan ipupuwesto ang camera; pati anggulo at liwanag, masusing kinikilatis ang mga posibilidad. At tulad ng sinabi ni Direk Joyce Bernal sa isang panayam hinggil sa kaniyang pagdidirehe ng SONA: “Gusto ko sana ‘yong ano, magandang sequencing ng shots niya, na in 3 shots, makukuha n’yo na paano ‘yong pagmamahal niya sa Pilipinas.”  

Di ba? Kaunting pihit ng camera, dagdag ng ilaw, sequencing, puwede nang ipakita ang pagmamahal sa bansa, well, na sana makuha nating tatangkilik sa SONA sa Lunes, Hulyo 23.

Layering ng kahulugan 

Tandaan: nasa loob din ng Batasang Pambansa ang mga kongresista at senador sa mismong oras ng SONA. Well, sila kasi ang pangunahing audience ng Pangulo tuwing magsasagawa ng SONA, sa kanila nag-uulat. Nanonood at nakikinig sila. O mistulang nanonood at nakikinig, madali kasi silang i-direct. Papalakpak sila kada minuto ng talumpati, kada comma o period ng talumpati. Puwedeng kada mura. Naroon kasi sila, primarily, para pumalakpak. Secondary na lang ang manood at makinig. 

Pero hindi lang din sila ang nasa loob ng bulwagan. Naroon din ang Gabinete, mga dating pangulo ng bansa, mga ambassador, taga-simbahan, militar, at iba pang kumakatawan sa anumang sektor ng buhay natin. Kumakatawan sa atin, not necessarily nararamdaman din ang nararamdaman natin.  

Pero hindi lang din sila ang nasa loob ng bulwagan. Naroon din ang mga asa-asawa ng mga senador, mga congressman, Gabinete’t opisyal na mistulang paparada o rarampa, itatanghal ang trahe, barong tagalog, amerikana na idinisenyo ni ganoon at ganitong signature designer. Mahabang oras ang iuukol dito ng mainstream media. Dito lulutang ang maluluhong kasuotang sa sobrang mahal, kulang ang tatlong buwang suweldo ng kontraktwal na obrerong binabayaran ng minimum wage.  

Sa pageant that is SONA makikita ang malaking discrepancy ng luho ng namumuno sa karukhaan ng kaniyang pinamumunuan. Karukhaan natin. Mensahe rin ito, natural. 

Habang pinanonood mo, naka-simulcast din sa mga television network ang kilos-protesta ng mga militante sa Commonwealth Avenue. Ibig sabihin, bersiyon pa rin ito ng state of the nation: may tumututol at kumokondena. Hindi lahat masaya tulad ng nasa loob ng guwardiyadong Batasan. 

Basta, tandaan: bersiyon na lamang ng tunay na state of the nation ang mapapanood at mapapakinggan mo sa Lunes. Bersiyon ng Palasyo, bersiyon ng media, bersiyon ng mga militanteng magra-rally sa Commonwealth Avenue. Mayroon ka ring sariling bersiyon, sigurado. 

Paano? Makinig kang mabuti, manood. Panoorin ang lahat ng inihahain sa iyo hindi lamang ng Pangulo, pati kung paanong gusto itong ipapanood sa iyo ng Palasyo at ng mass media. Tapos usisian mo ang sarili mo. Umayon sa napapanood kung akma sa iyong sitwasyon ang laman ng talumpati, maging kritikal kung hindi. Kuwestiyunin kung bakit hindi. Mag-usisa. Maging kritikal sa anggulo kung paano ito gustong ipapanood sa iyo ng direktor at ng network.  

Huwag ibuntong-hininga sa pagsasabing, “Pare-parehong lang naman ’yan, puro pangako ng ginhawa.” O iba pang bersiyon mo ng kawalang pag-asa. 

Usisain ang sarili. Ano ba ang sitwasyon mo habang pinanonood ang SONA? Kumakain? Nagugutom? Bumibiyahe? Nagmamadali? Ihing-ihi? Binubulyawan ng boss mo? 

Ano ang nagyayari sa iyo habang nagsasalita ang Pangulo nang mistulang wala na sa iskrip – o iyon mismong hindi pagsunod sa iskrip ang iskrip? Baka hindi na talaga scripted ang nangyayari sa bansa? Ibig sabihin, wala sa plano. Baka bersiyon din ito ng tunay na estado ng bansa.  

Muli, ihambing mo sa iyong sarili, kung nasaan ka man sa SONA, kung ano ang kinakain o iniisip mo habang nagso-SONA. Paano mo nilalaro ang impormasyon sa karanasan mo sa oras na iyon? O kung nagdedeliryo ka na sa gutom habang umeere ang produksyon ni Direk Joyce?   

Dahil, sa totoo lang, bersiyon at bahagi lamang ng tunay na state of the nation ang SONA sa Lunes ng hapon. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, and research sa Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!