[OPINYON] ‘Oy, iinterbiyuhin ka raw!’

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] ‘Oy, iinterbiyuhin ka raw!’
Marami akong pupuwedeng ibigay na tips kung paano ko nasasagot nang maayos, if not impressive, ang mga katanungan sa interbiyu. Pero mag-iiwan lang ako ng isa, na ang tingin ko, pinakamabisa.

Ayos, matapos ang kaliwa’t kanang pagpapadala ng resumé at curriculum vitae, may tumawag. Naks. Iinterbiyuhin ka na raw. Ihanda ang pamporma. Ihanda, lalo na, ang angas at gilas sa pagsagot sa mga mag-iinterbiyu sa iyo. 

Gusto mo ng tip, as in mabisang tip? Parang, ano ba, sa tuwing dadako kasi sa paksang ito – itong tip ko na nga – ang pag-interbiyu sa akin dati, ramdam kong may malaking tsansang matanggap ako kung hindi man umakyat sa next step ng interbiyu ng mas mataas na opisyal ng kompanya. Kapag nagsimula nang ma-engage ang nag-iinterbiyu sa sinasabi ko, lalo na iyong magiging immediate boss ko, pasok na, swak. 

Uunahan ko na ang mga taga-human resource office. Wala itong malalim na teorya ng human resource management, o ng psychology. Itong tip ko ay mula sa gasgas na karanasan noong wanderer pa ako. Skillz. Wala akong degree na kaugnay sa psychology o human resources management. Wala akong mapanghahawakan bukod sa personal na karanasan ko sa tuwing haharap sa mag-iinterbiyu sa akin. At marami-rami ito. Lalo na noong bagamundo pa ako, pihikan kung hindi man maselan o sadyang tamad lang magtrabaho. Noon yun. May permanente na akong trabaho ngayon. Pero tamad pa rin.

Heto ang mga naging pormal na trabaho ko nitong huling 19 na taon, since 2000, in chronological order:

  1. Information officer sa lokal na pamahalaan ng isang lungsod sa Camanava area
  2. Barangay secretary sa Camanava area (Nakatapos ako sa kolehiyo noong 2002, matapos ang, hold your breath now, 8 taon.)
  3. Local Legislative Staff Officer III (mataas na posisyon ito sa city hall, huh) ng isang lungsod sa Camanava area
  4. Training officer sa isang sikat na international money transfer firm sa head office sa Makati.
  5. Marketing officer ng isang dating sikat na IT franchise na pabangkarote na, as I predicted, nang pumasok ako sa Ortigas
  6. Project manager sa isang IT e-content engineering BPO sa Ortigas
  7. Faculty sa isang state university sa lalawigan
  8. Faculty at mascot ng isang matandang unibersidad mula 2010 hanggang ngayon. At hopefully, dito, sa trabahong ito na ako tatanda. 

And rakets in between.

Lahat halos ng naging pormal na trabaho ko, ininterbiyu ako ng employer. Minsan nga, panel interview pa. Minsan, 3 siguro, series of interviews. Lahat sila halos, hindi sumilip o hindi masyadong ikinonsidera ang aking karumal-dumal na transcript of records o diploma (or the absence thereof). Otherwise, gulagulanit na ang pagkatao ko kung kinakatawan ito ng aking diploma. Yep, tinanggap ako sa kabila ng batik-batik na record ko sa kolehiyo. Magna – hindi magna cum laude, magna-9 years sana.

Marami akong pupuwedeng ibigay na tips kung paano ko nasasagot nang maayos, if not impressive, ang mga katanungan sa interbiyu. Pero mag-iiwan lang ako ng isa, na ang tingin ko, pinakamabisa. 

Ganito, bago ang interview, inaaral ko ang papasukan kong kompanya at posisyon sa trabaho para mailagay ko ang sarili sa pangangailangan nila. Tingin-tingin sa website nila. Mission-vision ganu’n. Company history. Sino-sino at ano-ano ang tungkulin at katungkulan ng mga opisyal. Y’know, I can do this I can do that because you need this you need that. Aztig, di ba? Pero hindi iyan ang pinakamabisa kong interview tip.

Ipinagtatapat ko ang kahinaan ko, more than the strength to emphasize na may malaking lugar para sa improvement ko, at kapag nag-improve ako, sila ang makikinabang. Naks. Pero hindi dapat to the point na ilalahad mo na ang pinakakasuklam-suklam mong ugali. Tamad, iresponsable, corrupt. Natural, hindi ka tatanggapin. Ano ka, senador? Sasabihin mo ang kahinaan mo na mistulang may pakinabang pa rin. Say, micro-manager ka. O kaya, ang hobby mo ay maging perfectionist, ganyan. Kahinaan pero may pakinabang sa kompanya. Pero hindi pa rin iyan ang pinakamabisang tip ko.

Kapag tinatanong ako tungkol sa salary, ’yan, parang ayos na ang buto-buto. Pero hindi ako magde-demand o magpepresyo unless pilitin ako. Sasabihin ko, karaniwan, “Non-monetary benefit can be way more valuable than the wage package as long as you give me the space to grow and develop professionally.” Cheret. Pero hindi pa rin iyan ang ultimate tip ko. 

Ang ultimate tip ko, kung gusto mo talaga ang trabaho, aralin mo ang kabuuan ng industriya: mula lokal, rehiyon, pambansa, at global. Place it sa context ng pangangailangan pataas hanggang sa mundo, in the lens of globalized economy (kung kaya mo sa konteksto ng pangangailngan ng universe, go). Seryoso. Nasaan sila, ang kompanya nila, sa lahat ng ito, sa lahat ng nangyayari sa mundo? Sunset o sunrise industry ba ito (sinabi ko ito sa 3 trabaho, nag-predict ako na hihina ang industriya, nasaling ko ang kanilang damdamin, ’yung isang HR maluha-luha sa kalungkutan, muntik na akong yakapin dahil hindi nila nakita ang papahinang pangangailangan sa kanilang industriya). Tinanggap ako dahil naghain ako ng solusyon both on my lowly end and on higher level management position’s end. Feeling nila prophet ako. Prophet of doom.

Oo, pinupuri ko ang trabaho at institusyong kukuha sa akin, pero sinasabi ko rin ang kahinaan nang walang alinlangan. At sa pagsasabi ko ng kahinaan, nagbibigay ako ng makabuluhang panukala to avert that weakness. Doable, mapanghahawakan. Minsan, praktikal; madalas, nagkakatotoo.

Napapatagal ang interbiyu. Sa tagal, minsan, to the point na gusto ko nang maningil, “Ahhhh, Ma’am, magdadalawang oras na po tayong nag-uusap, wantawsan po per oras ko.” 

Hindi ito madali, itong placement ng trabaho at industriya sa pangangailangan ng mundo. Dapat may malinaw na pagtanaw ka sa labas, higit sa trabaho at industriyang inaaplayan mo. 

Tapos heto, iparamdam mong kailangan ka nila higit sa pangangailangan mo sa trabaho. Kahit na malapit ka nang magdeliryo sa gutom dahil ayaw ka nang bigyan ng pera ng nanay mo. Magtira ng angas. Konting angas. Konting facial expression na mukhang iniisip mo ang tamang salita para hindi sila masaktan sa sasabihin mong version of vision of doom. Ganyan. Pa-deep. Pero dapat may batayan sa ikukuwento mo, ha? Hindi kuwentong kutsero lang. Kaya dapat kang mag-aral. Well, hindi ba, kaya tayo nag-aaral? 

Kahit pa pinakamababang posisyon ang aaplayan mo, kahit entry level, iyong nasa bottom of the corporate totem, mahalagang alam mo ang trajectory ng iyong trabaho, ng iyong industriya, ng iyong mundo. Uulitin ko, dapat alam mo, hindi iyong nagpapanggap lang na alam mo. At magtrabaho kang mabuti kapag tinanggap ka na. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng Creative Writing, Pop Culture, and Research sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si Joselito D. De Los Reyes, PhD sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at Research Fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. Board Member siya ng Philippine Center of International PEN. Siya ang kasalukuyang tagapangulo ng Departamento ng Literatura ng UST.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!