Philippine basketball

[OPINYON] Industriya sa Buwan ng Wika

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Industriya sa Buwan ng Wika
Nakatutuwang isiping nagkakaroon ng pagtangkilik sa barong tagalog kasabay ng pagtangkilik sa wikang pambansa. Sana lang, hindi ito pang-isang buwan. Sana buong taon.

 Dahil Agosto at Buwan ng Wika, makakaasa na naman kayo ng mga magpapakitang-gilas sa kanilang pagsasalita ng Filipino sa media at sa mga paaralan. Palaliman. Palumaan ng salita. The more amoy tokador the narrative, the better.  

Maging ang mga patalastas sa traditional at new media ay Buwan ng Wika theme din. Pero ang karamihan sa mga pakikiisang ito sa Buwan ng Wika ay hanggang sa ngalan na lang ng novelty. Meaning, nagpipilit, hindi natural. Tulad ngayon, naglipana na naman sa news feed ko ang mga salin sa esoteric natural science terms and jargons na, kung babanggitin nga, can elicit laughter dahil sadyang mahaba. 

Pero mayroon din namang malinis ang intensiyon. Take sipnayan” na salin daw sa mathematics.” miksipat” para sa microscope.” O ilaw dagitab” para sa neon lights.” Bunga ito ng pananaliksik dati ni Gonzalo del Rosario sa kaniyang “Maugnaying Talasalitaan” para bigyan ng tumbas ang mga terminolohiya ng agham at teknolohiya. Ginawa ito noong hindi pa bantad ang bawat isa sa atin sa kakayahan ng internet na buksan ang mundo sa iba’t ibang wika, geographical o cross-sociolect man. Kaya naman lumulutang uli ang mga pagsasaling ito ngayong panahong napag-uusapan, for better or worse, ang isyu ng pambansang wika. Well, at least naitatanghal pa rin ang wika. 

The effort and manner of using and discussing the language in a novelty, sometimes ironic, fashion calls attention, sadly, more than the message. Kumpleto sa ngunit subalit datapwat na pagpapahayag na laging galit kung hindi man nakasimangot, con todo de baro’t saya at barong tagalog, ang industriyang nagtatamasa sa likod ng Buwan ng Wika.

Nabanggit ko itong tungkol sa barong tagalog dahil noong nagdaang buwan, nag-anak ako sa kasal. Kailangan kong bumili ng barong tagalog. Kaya matapos ang trabaho sa unibersidad isang pangkaraniwang araw ng Hulyo, nagsadya ako sa malapit na department store. Maraming nag-asikaso sa akin sa tanyag na department store sa EDSA. Natuwa ako. Apat na sales personnel yata ang nagtulong-tulong upang ipaliwanag sa akin ang bentahe at disbentahe ng ganito at ganoong fabric ng barong tagalog. 

Ipinaliwanag sa akin, in minute details, kung paano lalabhan, patutuyuin, paplantsahin, hihimulmulan at aalagaan ang pinagpipilian ko pa lang noong mamahaling damit. Ipinasukat ang iba’t ibang tabas, porma, kulay ng de-facto national costume sa lalaki. At matagal bago ako nakabili dahil hindi pang-ready-to-wear ang frame ko. Walang magkasya sa akin nang maayos. Either girth is way too big or the length is way too long or the sleeves, again, too long that the excesses can cloth an entire barangay. 

Ano ba ang problema? Sa isip ko, pangkaraniwan lang akong lalaki na may inaarugang tiyan na pinalaki ng unli-rice at beer. Pero bakit walang umakma o sumaktong RTW barong tagalog? Bakit lahat ng pantalon ay napakahaba? Tinanong ko ang mga personnel to solicit their professional opinion regarding the clothing mishap. At kung bakit lahat ng damit ay parang isinukat kay Derek Ramsay o Daniel Matsunaga. Wala silang masabi, except to try my luck more, or to spend a great deal of my fortune sa isang maayos na barong tagalog. Or, sabi nga nila, mag-diet until I reached the RTW’s ramp model specifications.  

Samantala, hindi ganito ang karansan ko pagbili ng longsleeves na batik sa Jakarta at Yogyakarta. Ang tabas ng damit doon ay hindi pang-ramp model. Ang karaniwang sukat ay iniakma sa karaniwang pangangatawan ng Indon na hindi nalalayo sa frame ng katawan ko. Kaya kay sayang mamili ng murang batik long sleeves sa Indonesia dahil ikinonsidera ang maiikling braso ko, ang mabilog na tiyan, at ang maiikli, bordering on punggok, na taas. Sana ganito rin ang sa industriya ng barong tagalog na RTW. Tandaan sana ninyo na hindi mala-Derek Ramsay lahat ang built ng unli-rice-eating Filipino. 

Mabalik tayo sa industriya. Itinanong ko kung mahina ba ang benta ng barong tagalog dahil apat pa silang nagtutulong-tulong sa akin para bilhin ang tig-lilimang libong barong tagalog. Oo raw. Sa araw na iyon, sa buwan ng Hulyo, matumal pa. Lalakas daw ang benta ngayong Agosto dahil maraming bibiling guro, bata, empleyado at mga opisyal ng gobyerno. Buwan daw kasi ng wika. (Alam ko, alam ko, nakasulat lang sa memo na gumamit ka ng Filipino at magsuot ng barong tagalog. Sumusunod ka lang sa memo.)

May epekto naman pala sa industriya ng kinikilala nating pambansang kasuotan ang Buwan ng Wika. Maganda ang bentahan. Tatlo sa apat na nag-asikaso sa akin ay regular sa trabaho sa patahian, ang ikaapat, mare-regular na sa Setyembre. 

May trabahong nililikha para sa kababayan natin. Dahil sigurado akong hindi na natin ito ini-import gaya ng marami nating gamit at damit na galing na sa ibang bansa kung saan higit na mura ang bayad sa trabahador at materyales.  

Tiniyak sa akin ng pinakamataas sa apat, by virtue of being pinaka-senior sa nagtitinda, na puro kababayan natin ang nananahi at nagbuburda ng tela mula sa lalawigan ng Quezon at Laguna. Samantala, sa Quezon City malapit sa mga pinakamalalaking mall sa bansa tinatahi ang mga barong.

Nakatutuwang isiping nagkakaroon ng pagtangkilik sa damit kasabay ng pagtangkilik sa wikang pambansa. Sana lang, hindi ito pang-isang buwan. Sana buong taon. At sana, hindi lang pang-ramp model ang tabas ng mga damit na ito. 

Napag-uusapan din lang, bumabalik ang saknong ng tulang BARONG TAGALOG ni Teo T. Antonio na nalathala kaniyang aklat na Taga sa Bato:

Inang, di sa damit natin tinitimbang 
ang ating pag-ibig sa lupang hinirang.
At hindi, hindi rin ang barong pambansa 
ang siyang sukatan ng bayang malaya. 

Manumbat na sila’t sa aki’y mapoot 
kung damit na iya’y ayaw kong isuot. 
Ang barong umano’y dapat tangkilikin, 
barong noo’t ngayo’y damit din ng taksil.  

(12 Hunyo 1976)

Dahil sa totoo lang, bukod sa pakitang-tao ng pakikiisa sa pagtataguyod ng wika, suot naman talaga ng bayani’t taksil ang ating damit, mas maayos nga lang dahil nakapagpapatahi ng sukat na sukat sa kaniya. At nagsasalita sa ating sariling wika ang, madalas, taksil din sa bayan. – Rappler.com 

Bukod sa pagtuturo ng creative writing, pop culture, research, at seminar in new media sa Departamento ng Literatura at sa Graduate School ng Unibersidad ng Santo Tomas, writing fellow din si Joselito D. delos Reyes, PhD, sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies at research fellow sa UST Research Center for Culture, Arts and Humanities. 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!