Yolanda: Isang paggunita

Sylvia Estrada Claudio

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

'Mahalagang mabatid na halos lahat ng nagkakamalay tungkol sa isang kalamidad ay mga biktima – iba't-ibang antas lamang ang tindi ng pagkakapinsala at pagdadalamhati'

Naiyak ako habang binabasa ang balita nitong nakaraang Sabado, Nobyembre 8. Iyon ang unang anibersaryo ng pagragasa ng bagyong Yolanda (Haiyan) sa Filipinas. 

Iyakin talaga ako – hindi ko dapat ikinagulat ang mapilitang itigil ang pagbabasa upang magpunas ng luha. 

Sa nakaraang taon, naging malaking bahagi ng buhay ko ang magdaos ng mga pagsasanay sa pagbibigay ng suportang sikolohikal sa mga nasalanta. Kapag nagbibigay kami ng pagsasanay, ang unang prinsipyong ipinapaliwanag ko ay, “Lahat ng tao ay biktima – iba’t-ibang antas lamang ang tindi ng pagkakapinsala at pagdadalamhati.”

May mga pangunahing biktima. Sila ang mga nakatira sa mga lugar na dinaanan ng bagyo. Sila ang mga namatayan, nawalan ng tahanan at ari-arian, dumaan sa ilang araw o linggo bago nabigyan ng relief goods. Nandiyan din ang mga kawani ng pamahalaan at NGO, mga volunteer, mga kaibigan at kamag-anak ng mga nasalanta. Saksi sila sa malawakang kamatayan at pagkawasak ng mga pamayanan. Saksi sila sa hirap, sakit, at pagdadalamhati ng mga pangunahing biktima.

Ngunit mas nakararaming biktima ang katulad kong nabalitaan lang ang nangyari. Nung unang linggo pagkatapos ng bagyo, nahati ang oras ko sa relief at panonood ng TV. Oras-oras akong nanood ng TV, at kapag humahagulgol na ako, papatayin ko ito…para buksan din lang agad. Lahat ng usap-usapan sa pamilya at sa mga kaibigan ay tungkol sa Yolanda. 

Mahalagang mabatid na halos lahat ng nagkakamalay tungkol sa isang kalamidad ay mga biktima. Sapagkat, batay sa tindi ng pagkakapinsala, may tungkulin din tayo sa sarili at sa kapwa. Alam ng lahat na dapat tulungan ang mga pangunahing biktima, ngunit itinuturo namin sa mga tumutulong na hindi nila dapat kaligtaan ang sarili, na dapat ding bigyang pansin ang sariling niloloob. Itinuturo namin na kung bumibigay na ang kanilang  isip at damdamin, dapat na silang sumangguni sa mga sikolohista. Trabaho ng lahat na alagaan din ang mga nagbibigay ng tulong.

Tamang mensahe sa tamang panahon

Mahalagang intindihin na lahat ay nakakaramdam ng takot at lungkot – na sa ganitong sitwasyon, dapat tama ang mga mensahe sa publiko upang lumakas ang loob ng mga dapat tumulong, umigting ang pagkakaisa, at kumilos ang lahat nang sabay-sabay. 

Kaya nabahala ako nung panahong iyon sa mga kritikong agad sinisi ang pamahalaan dahil wala raw itong ginagawa. May isang gabing hindi ako makatulog sa inis, kaya bumangon ako’t nagsulat ng sagot. Sabi ko, hindi pa panahon para sa pagbabatikos, lalo na’t wala namang batayan. Ito ang unang pagkakataong naranasan ng sangkatauhan ang ganoon kalakas na bagyo. Walang karanasan ang sinoman sa ganoong kalawak na pagkasira, sa milyon-milyong biktimang nangangailangan ng agarang ayuda.

Ibinahagi rin sa iba ng aking mga kaibigan ang sama ng loob na ibinahagi ko sa kanila. Tila marami-rami ang sumang-ayon, kaya’t  inilathala ito ng isang news site. Marami siguro ang mga tulad kong ang pakiramdam ay dagdag lamang na pasaning emosyonal ang makinig sa batikos. Karamihan naman talaga ay nakatutok sa relief at walang ibang gusto pang pag-isipan. Dapat lang. Katangi-tangi ang naging tugon ng mga Filipino sa pangangailangan ng mga kababayang nasalanta. Manghang-mangha ang mga batikang volunteer mula sa ibang bansa sa kapasidad nating tulungan ang kapwa at sarili. Ibang klase raw ang mga Filipino. Hindi tayo nawawalan ng sigla at pagsusumikap sa  harap ng pinsala at pagsubok.

Sa paggunita sa madilim na panahong iyon, dapat ipagdiwang din ang ipinamalas ng bayan. Sa harap ng matinding hamon, nagpasensya at tumulong ang karamihan, sa halip na magalit, mainis, o mamulitika. Madalas kong marinig ang kung anu-anong puna tungkol sa pagkatao ng Filipino: palaasa raw ang masa, madaling mabayaran, madaling malinlang, makasarili – kaya raw pawang magnanakaw, bobong aktor, at huwad na bayani ang inihahalal na lider. Dapat daw turuan.

Iniiisip ko ang daang libong taong hanggang ngayo’y nakatira sa mga tent – binuhay at binubuhay ang sarili at pamilya nila. Sila ba ang tatawaging palaasa? Iniisip ko ang milyon-milyong nagbigay nang kusa upang tulungan ang mga taong di nila kaano-ano. Ito ba ang tatawaging makasarili? Sabihin pang may pagkukulang ang  sistemang pulitikal dahil walang daluyan ang kabayanihan ng karamihan.

Panahon na 

Nangako ako noon sa mga kritiko ng administrasyon na, kapag tama na ang oras, sasama ako sa paniningil at pagbatikos. Sa tingin ko, oras na nga naman. Sa puntong ito makakatulong sa paghilom ng lahat ang malaman kung ano ang ginawang tama, ano ang mga pagkakamali, at, kung may gumawa man ng katiwalian, ay kasuhan ang mga ito. Sa ngayo’y dapat maliwanagan ng mga nasalanta kung bakit daang libo pa ang naghihintay ng pabahay at hanapbuhay.

Nguni’t tulad ng ibang biktima, hindi ko pinapansin ang mga balita tungkol sa napipintong anibersayo ng bagyong Yolanda hanggang bigla na lamang akong napaiyak. Nakakainis na naman kasi. Pagtatalo na naman ng mga opinyon na may halong pansariling interes. Lalo na kung ang argumento ay kung gaano na kaganda o kasama ang buhay ng mga nasalanta ngayon. 

Totoo ang dalawang larawan. Sa dami ng mga nasalanta, may mga pamilyang nakaahon. Nguni’t tanong pa rin kung dahil ito sa sariling sikap o sa tulong ng pamahalaan. Tanungin din dapat kung gaano kabuti ang pag-ahon. Prinsipyo ng rehabilitasyon na hindi sapat na maibalik ang mga biktima sa dating kahirapan bagkus ay  tulungan silang umahon mula sa kahirapan. At marami sa mga biktima ng Yolanda ang higit na naghihikahos at lalong nababaon habang hindi dumarating ang tulong. 

Totoo, napakarami ng dapat gawin at sa tamang paraan. Hindi ito matatapos sa loob ng isang taon. Nalampasan na natin ang yugto ng agarang relief. Nasa yugto na tayo ng rehabilitasyon. Ang mga papuri ng mga eksperto sa kagalingan ng pagtugon sa yugto ng relief ay hindi garantiyang magiging mabilis at sapat ang rehabilitasyon. 

Oras na ng pagtatasa, pagsusuma, at muling paglano. Ngunit, sa halip ng masusing pagsusuri, ang bara-barang sagutan ng nagtatalong panig ang naibabalita sa madla.  Ayan na naman at hindi tinututukan ang pangangailangan ng biktima. Ayan na naman ang ginagamit ang pangyayari upang mamulitika. Halimbawa nito ang karumaldumal na komersiyal sa radyo ng isang pulitiko na nagpapasalamat  sa ngalan ng mga Waray. Kasukdulan na ito ng pagkaepal!

Tamang paraan ng pagsusuri

May tamang paraan ng pagtatasa. Kapag tama ang proseso, angkop ang nagiging rekomendasyon upang mapabuti ang gawain. Kapag tama ang proseso, natutukoy ang mga dapat purihin at ang mga dapat parusahan. Ang isang halimbawa ay ang ulat ng Oxfam, isang internasyonal na NGO.

Nguni’t tungkulin ng pamahalaan ang pangunahan ang pagsusuri. Hindi kayang ipagpalit ang pagsusuri ng isang NGO sa pagsusuri ng pamahalaan. Kung magsisimula man ako ng pagbabatikos, ito ang unang hakbang ng aking paniningil: nasaan ang ulat ng pamahalaan? Sapagka’t hanggang hindi nakikita ito, hindi maiiwasan na sumama ang loob ng mga naghihikahos at magduda ang madla sa mga salita at pangako.

Katahimikan sa panahon ng paggunita

Ayon sa mga dalubhasa, mahalaga ang mga anibersaryo. Sa mga pagkakataong ito, manunumbalik ang lungkot at pighati. Masakit ang mga alaala, lalong mahirap ang hindi bigyang daan ang mga ito. Kung tama ang mga kaparaanan ng paggunita, napapadali ang paghilom. Kung mali ang paraan, lalong magnanaknak ang sugat . Hindi nakakatulong ang magtalo tungkol sa mga nagawa at mga hindi nagawa nang walang malinaw na batayan. 

Kung may magsasalita man sa atin, bigyan natin ang taumbayan ng mahinahon, malalim, at siyentipikong pagsusuri. Batay doon, magmungkahi ang mga kritiko ng mga kongkretong hakbang. Sa panig naman ng pamahalaan, mag-ulat na si PNoy at linawin na ang mga pagkukulang at tagumpay ng nakaraan. Matapos ang ganitong paglilinaw, ipaabot sa lahat ang mga susunod na hakbang:

Ipaalam sa taumbayan  ang malinaw na time frame kung kailan sila mabibigyan ng mga bagong bahay.

Saan, kanino, at kailan puwedeng umutang nang wala o mababang interes?  

Kailan mapapasakanila ang mga bagong punla, bangka, at iba pang kagamitan sa trabaho?

Kung hindi naman mag-uulat ng ganito ang pamahalaan, kung babanat lang ang mga kritiko na walang pagbabalangkas ng batayan ng kanilang puna, mano man lamang ay manahimik na lang.

May panahon kasi na angkop ang manahimik upang bigyang daan, kahit pansamantala, ang kapayapaan. Bigyan natin ng respeto ang paggunita sa mga yumao. Hayaan ang pagbabalik-tanaw sa dating buhay na hindi na mababalikan. Bigyan ng pagkakakataong ipagdiwang ang isang taon ng matagumpay na pakikipagsapalaran. Payagang  tumulo muli ang mga luha at kapag natuyo na naman ito, sariwain ang paninindigang magtulungan at umahon. – Rappler.com

 

 

 

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!