Isang babala tungkol sa Sehat Badan coffee

Sylvia Estrada Claudio

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Isang babala tungkol sa Sehat Badan coffee
'Habang isinusulat ko ito, may nakaratay sa ICU dahil sa kaiinom ng Sehat Badan coffee. Para 'nyo nang awa, huwag uminom ng kapeng ito! Maaaring ikamatay 'nyo po ito.'

Mahirap talaga ang trabaho ng mga kawani Department of Health (DOH) at ng iba pang manggagawang may tungkuling protektahan ang buhay at kalusugan ng bawat mamamayan.

Halimbawa, may paulit-ulit na kwento tungkol sa malubhang pinsala, o di kaya’y pagkamatay, na dala ng pag-inom ng mga mapanganib na bagay. Ang pinakahuling halimbawa nito ay ang kapeng “Sehat Badan” na galing sa Indonesia. Sa Filipinas, unang inilako ito ng mga street vendor sa Cagayan de Oro.

Noong Enero 2014, naglabas na ang Food and Drug Administration ng babala laban sa kapeng ito. Pinag-utusan ang mga kawani ng FDA na kumpiskahin ang lahat ng pakete ng Sehat Badan. Pinakiusapan na rin ng FDA ang lahat ng pamahalaang lokal na kumilos upang matigil ang pagbenta nito.

Malinaw ang naging batayan ng utos ng FDA: walang salin sa Ingles ang mga impormasyong nakasulat sa pakete ng Sehat Badan. Ayon sa ating batas, dapat na may impormasyong Ingles ang anumang gamot o produktong kinakain. Pangalawa, marami kunong sakit na nagagamot ang kapeng ito, tulad ng hika, urinary stones, impotence, at iba pa. Ngunit ayon ulit sa batas, dapat irehistro muna sa FDA ang Sehat Badan kung ibebenta ito bilang lunas sa mga partikular na sakit na iyon.

Madali namang maiintindihan ng ordinaryong tao kung bakit ganito ang batas. Ano mang ipinapasok natin sa ating katawan, dapat ay alam natin kung ano ito. Dapat din, kung may iinumin tayo dahil ito’y gamot para sa anumang sakit, may kasiguruhang ligtas at epektibo ito.

Mahaba at masalimuot ang proseso ng drug testing – isang bagay na aking pinaliwanag sa isang dating kolumn. Ngunit mahalaga ito dahil ang isang gamot na hindi naman pala epektibo ay maaring magdala ng pinsala o kamatayan. Ako’y isang hikain, halimbawa, at kung uminom ako ng Sehat Badan, malamang patay na ako ngayon dahil hindi pala ito epektibo laban sa hika.

Dapat ding pagdudahan agad ng publiko kapag napakaraming sakit ang ginagamot kuno ng isang bagay. Halimbawa, ayon sa Facebook page ng Sehat Badan, nagagamot nito ang “asthma, kidney stones, allergy, impotence, rheumatism, ulcer, tumor, insomia (sic), hypertension, tonsilitis, heart disease, goiter, stroke, migraine, poor appetite, gouty arthirtis, increase endurance, liver disease, anemia, sinusitis.” Nang mabasa ko ito, naisip kong kulang na lang ay ilako nila ang kapeng ito bilang gamot sa lahat ng problema ng lipunan. Aba’y halos lahat na lang ng sakit ay kaya palang gamutin! Dapat lahat ng award ay igawad sa gumawa ng kape: Nobel Prize, Ramon Magsaysay, Pulitzer Prize, FAMAS, Urian, at Miss International.

Panganib hanggang ngayon

Nguni’t hindi lamang ito ang mapait na kabanata ng kuwento. Kahit kaduda-duda naman ang gamot, kahit nagbabala na ang FDA laban dito, pero dahil sa kawalan ng aksyon ng awtoridad, tuloy tuloy pa rin ang pagbebenta ng Sedan Bahat. At ikinatatakot ko, sampu ng ibang doktor, na dumami pa ang mga biktima. Aktibo hanggang ngayon ang Facebook page ng Sehat Badan Manila. Mayroon pang nagtanong, “Is it ok to take sahat badan coffee for lactating mother?” Scary.

Naglabas na ang FDA ng isa pang advisory o babala noong July 2014. Ayon sa pangalawang advisory na ito, na-testing na ng FDA kung ano nga ang laman ng Sehat Badan. Ang laman nito’y Diclofenac sodium, Paracetamol, at Ibuprofen – napakalayo sa sinasabi ng FB page na “Zingiberis Rhizoma (Ginger)-15%, Retrofracti Fructis(Cabe Java)-30%, Nigellae Sativa Semen(Sativa Seeds)- 15%, Piperis Nigri Fructus(Black Pepper)-25%, other Indonesian herbs.”

Di nakakapagtaka kung ang mga uminom nito ay “feeling better” ang report. Kung uminom ka ng diclofenac sodium, ibuprofen, at paracetamol araw-araw, bubuti ang pakiramdam mo sa simula bago ka magkasakit nang malubha.

Ilang pasyente na ang natatanggap sa mga ospital dahil sa masamang epekto ng Sehat Badan. Batay sa mga sintoma, may hinala ang mga doktor na may lamang steroids ang “herbal” na kapeng ito. Habang isinusulat ko ito, may nakaratay sa ICU ng Philippine General Hospital dahil sa kaiinom ng Sehat Badan.

Sa ngayon ay hindi pa nakukumpiska ng mga kawani ng FDA ang lahat ng Sehat Badan. Kapuri-puri ang mga unang hakbang ng FDA, ngunit hindi sapat ang magbabala lamang. Nasa batas din naman ang kumpiskahin ang produkto at hulihin ang mga nagbebenta. Dahil wala rin itong permiso mula sa gobyerno, tiyak na ang mga nagbebenta ng mga ito ay smuggler, at may iba pang batas na maaaring gamitin upang ipakulong ang mga ito.

Bilang isang kawani ng gobyerno, alam ko ang mga bahay sa burukrasya na nagiging hadlang sa pagpapatupad ng mga batas. Hindi ako naghahanap ng sinumang masisisi. Nguni’t ipinapakiusap ko na gumawa ng agarang hakbang ang FDA upang mawala na ang gamot na ito sa merkado.

From Sehat Badan's Official Facebook page.

Sama-samang aksyon

Kailangang pagtulungan ng pamahalaan at ng publiko ang pagsugpo sa problemang ito:

  • Una, ipaabot po sa lahat ng inyong kilala ang tunay na impormasyon tungkol sa Sehat Badan. Nagkalat po ito sa Mindanao, kaya’t ipaabot sana ang impormasyon sa mga kababayan doon.
  • Pangalawa, inireklamo ko na ang mga Facebook page ng Sehat Badan. Sana’y magreklamo rin kayo upang pansinin ito ng mga namamahala sa Facebook at tanggalin ang mga pahina na ito.
  • Pangatlo, ipaalam sa pamahalaang lokal at sa FDA kung may nagbebenta nito sa inyong lugar. May Facebook page po ang FDA kung saan maaaring mag-iwan ng ulat. Kung may report na, singilin ang mga opisyal na ito kung hindi pa sila kumikilos.

Panandalian ang mga hakbang na ito upang maitigil ang isang panganib. Napakaraming dapat gawin para sa pangmatagalang solusyon.

Dapat intindihin ng bawa’t mamamayan ang ilang simpleng kaalaman upang hindi sila maging biktima ng mga mamahalin, peke, at mapanganib na mga gamot, herbal, supplements, procedure, atbp. Kung may duda po tayo, siguraduhing pumasa sa pagkilatis ng FDA ang gamot at alamain ang kanilang mga babala. Madali naman pong puntahan ang kanilang website.

Dapat din tayong maging mapagmasid, at tulungan ang awtoridad sa pamamagitan ng pag-uulat sa kanila tungkol sa mga ganitong produktong. Sa totoo lang, ordinaryong mamamayan ang nagreklamo sa FDA tungkol sa Sehat Badan. Higit sa lahat, kung walang aksyon ang awtoridad, dapat natin silang kulitin at singilin.

Naiintindihan ko rin naman kung bakit desperado ang mga Filipino para sa abot-kayang gamot. Malalim na reporma sa sistemang pangkalusugan ang kinakailangan upang hindi matakot ang mga mamamayan na pumunta sa ospital, upang madaling makapunta sa ospital, upang madali silang mabigyan ng lunas NA LIBRE PARA SA LAHAT AT PARA SA LAHAT NG KLASENG SAKIT.

Opo. Capitalized po ‘yung libre para sa lahat. Hindi po ito imposibleng gawin. Kaya po natin ito. Ito po ang bago kong ipinaglalaban. Kung magawa po natin ito, mababawasan ang mga taong bumibili ng mga mapanganib na gamot.

Pansamantala, iba na lang ang aking ipagsisigawan, PARA ‘NYO NANG AWA, HUWAG UMINOM NG SEHAT BADAN COFFEE! Maaaring ikamatay ‘nyo po ito. – Rappler.com

 

 

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!