#UnsentLetters: Wala Nang Pamamaalam

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

#UnsentLetters: Wala Nang Pamamaalam
Bibitawan natin lahat ng humahadlang sa atin at magpapasya tayong, "Ito na. Ikaw na. Tayo na."

Unsent  Letters is a newsletter curated by Shakira Sison featuring unspoken sentiments gathered from reader submissions. It features unsent letters to real and imagined lovers. 

Ilang buwan ko nang pilit na tinatakasan ang katotohanang mahal pa rin kita. Kahit anong gawin ko, kahit saan ako magpunta, at kahit sino ang harapin ko, halikan ko, o hagkan ko, ikaw pa rin ang gusto kong yumakap sa akin. Kahit galing sa likod lang, kahit pa hindi mo ako tignan. Kahit wala kang sabihin, basta alam kong andyan ka, mabibigyan ng lunas ang lahat ng bumabagabag sa akin. Ikaw lang ang gusto ko. Ikaw lang ang kailangan ko.

Hindi ko alam kung bakit ko ba pinagpipilitang kaya kong lumigaya na wala sa piling mo. Ang dami kong plano at ang tapang kong magdesisyon. Pero gabi-gabi nangangati ako at nanginginig. Gusto kitang tawagan. 

Gusto kong sabihing, “Sorry, mali ako. Halika na dito at huwag ka nang lalayo pa muli.” Pero nagpipigil pa rin ako kasi takot na takot akong masaktan ka. Ilang beses na ako namaalam, diba? Pinanindigan ko na kasi itong huling pamamaalam ko. Ayoko na kasi magmukhang tanga. Ayoko nang masaktan ka pa.

Gusto ko, kapag magpakita ako sa iyo ulit, yun na. Hindi na ako aalis pa. Hindi na tayo maghihiwalay pa. Bibitawan natin lahat ng humahadlang sa atin at magpapasya tayong, “Ito na. Ikaw na. Tayo na.” Wala nang makakapigil sa atin. Wala nang pamamaalam. 

Kaso hindi pa kasi tamang panahon. Gusto ko mang ipagpatuloy ang sinimulan nating napakagandang pagtitinginan, gabi-gabi man akong tuliro sa pagnanasang ikaw ay tunay na makamtan, alam kong sa sitwasyon nating dalawa, walang pupuntahan ang nararamdaman natin kundi sa kabiguan at pananakit sa isa’t isa. At ayoko nang masaktan ka. Ayoko nang maramdaman mo ulit, kahit saglit lang, na hindi ikaw ang puno’t dulo ng lahat ng liyab at agos ng aking kalamnan. 

Umaasa pa rin akong magkakaroon din tayo ng pagkakataon. Taon man ang abutin. Ilang buhay man ang lumipas. Ilang napakasakit na paghihiwalay na ba ang naranasan natin? Ayoko nang maulit pa iyon kaya mas mabuti pang ganito na hindi na tayo nagkikita at baka sakaling kapwa tayong makalimot.

O lalo lang ba akong nagpapakatanga? Ang bobo ko bang isipin na ang sagot sa isang matinding pagmamahalan ay pilitin ang sariling itakwil ito? Araw-araw kitang iniisip. Huwag na huwag kang magkakamaling isiping kinalimutan na kita. Ilang libong beses ko nang hiniling sa Dios na kahit isang minuto lang ay mayakap kita. Pero parang sinasagot ako ng Dios e. Kung aanhin ko daw yang yakap mo kung hindi ko naman mapanindigan? 

Wala akong masagot sa kanya, katulad ng wala akong masagot sa iyo kundi ang katotohanang parang asin kung magpahapdi sa sugat ng aking pagkawalan: Mahal na mahal kita. Pero hindi ko na kayang mamaalam pa. 

Sana nga, balang araw, maging akin ka, at maging iyo ako. Pangako ko sa iyong babawi ako. Paliligayahin kita. At hinding-hindi na mamamaalam pa. – Rappler.com

Do you have your own Unsent Letter? Send them to unsentletters@rappler.com. Selected letters will be anonymized and edited for clarity and brevity. By submitting to Unsent Letters, you represent that the work is your own and that you waive your rights to it for present and future publication. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!