2022 PH party-list race

[VIDEO EDITORIAL] RIP na ba ito ng tunay na party-list system?

Rappler.com
[VIDEO EDITORIAL] RIP na ba ito ng tunay na party-list system?
Hindi bababa sa 70 ng 177 party-list groups ay may mga nominee na konektado sa mga political clan. Masidhi ang paghamon: lagpas na ito sa do or die, dahil resurrection na ang usapin ngayon para sa mga marginalized sector party-list groups

Noong 2019, malinaw na nagsimula na ang pagkalagas big-time ng base ng progresibong mga grupong party-list. 

Pero humahalakhak papasok ng Kongreso ang labin-limang bagong grupo. Papaano sila nakalusot?

Rewind muna tayo sa Konstitusyon ng 1987. Iniluwal ang konsepto ng party list upang magtulak ng “proportional representation.” 

Para sa mga aktibista, ang party-list system ang tugon sa hinaing ng marginalized sectors.

Ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), hindi bababa sa 70 ng 177 party-list groups ang may mga nominee na konektado sa mga political clan o nakaupong lokal o nasyonal na opisyal.

Pero sabi naman ng mga nainterbyu ng PCIJ, hindi pa huli ang lahat, at sa kabila ng pagiging “bastardized” ng sistema, kaya pa itong maireporma ng Kongreso, Korte Suprema, at ng Commission on Elections.

Ang problema, magkukusa ba ang lehislatura na hitik sa mga dinastiya at trapo na ireporma ang sarili at ibarikada ang access nila sa kapangyarihan? Parang hindi.

May silver lining sa likod ng maitim na ulap, sa kabila ng pagkalipol ng cause-oriented na tropa sa lehislatura.

Umusbong ngayon ang isang mayabong na pink movement na may malakas na 15 milyong base batay na rin sa mga botong nakalap ni Bise Presidente Leni Robredo. 

Ang problema, bigo pa rin ang maka-Kaliwang mga grupo na magpalapad ng impluwensiya sa hanay ng mga moderates.

Imperative na tigilan na ng cause-oriented groups ang sloganeering at lumang mga formula ng pakikibaka. Imperative din ang pagkakaisa sa hanay ng oposisyon.

Hindi ang unity ni Ferdinand Marcos Jr., kundi isang principled and pragmatic unity na nagsaisantabi ng di-pagkakaunawaan at nagpapatingkad ng pagkakaunawaan.

Masidhi ang paghamon: lagpas na ito sa do or die, dahil resurrection na ang usapin ngayon para sa mga marginalized sector party-list groups. 

Muli na namang napatunayan na kahit ang pinaka-progresibong ideya, nababaluktot at nabababoy ng patronage system. 

Ang dating bukal ng pag-asa na party-list system, ngayo’y mabahong esterong bumubulwak ng tubig-kanal at burak. BASAHIN: [EDITORIAL] RIP na ba ito ng tunay na party-list system?Rappler.com