#AnimatED: Ano’ng silbi ng boto mo?

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

#AnimatED: Ano’ng silbi ng boto mo?
Hindi laro ang pagpapatakbo ng isang probinsiya, siyudad, o bayan. Kung mataas ang pamantayan natin para sa mga pambansang kandidato, lalo tayong dapat maging mapili sa kampanyang lokal.

Simula nitong Sabado de Gloria, nakisali na sa gulo ng kampanya ang mga kandidato para sa mga lokal na posisyon. Hindi lang ang nakaiistorbong campaign jingles, todo-retokadong tarpaulins, at mabababaw na TV at radio ads ang daragdagan nila. Higit sa lahat, palalakasin nila – sabihin nang nakararami sa kanila – ang ingay sa paligid ng mga isyung gusto sana nating mapag-usapan nang malinaw, diretsahan, at masinsinan.

Saan-saan na nga natin kinakalampag na maglatag ng tiyak na plano ang presidential, vice presidential, at senatorial candidates? Corruption, foreign policy, peace and order, social equality, climate change, peace and development in Mindanao. (Bisitahin ang Rappler #PHvote microsite.)

Ano-ano na ngang posibleng sabit ng national candidates ang sinisilip natin? Kayamanang hindi maipaliwanag, ari-ariang nakatago, nakakaeskandalong luho ng pamilya, mga negosyanteng nagpapahiram ng eroplano at tumutustos sa kampanya, koneksyon sa mga drug lord at jueteng lords.

Ano-ano na ngang kalipikasyon ang sinusuri natin sa mga nais mahalal sa pambansang pamahalaan? Nakapag-aral, may karanasang nababagay sa itinatakbong posisyon, nakipamuhay sa komunidad, nakapagpakita ng malasakit at nakatulong sa ordinaryang mamamayan, may lakas na magtrabaho’t maglingkod nang puspusan kung sakaling mahalal.

Kung sa mga pambansang ehekutibo at mambabatas ay ganito kataas ang pamantayan natin, kung nagsusulong tayo ng matino at malalim na diskusyon ng mga isyu, kung sinasabi nating magbabantay tayo laban sa mga manggugulo at mamimili ng boto nila, lalong lalo nating kailangan ang ganitong pakikilahok sa kampanyang lokal.

Oo’t sagot ng presidente at ng kanyang bise ang bansa, pero ang mga gobernador at alkalde ang magtatakda ng mga prioridad at programang direktang makakaapekto sa ating pang-araw-araw na buhay. 

Oo’t sagot ng mga senador ang mga bago at babaguhing batas para sa buong Pilipinas, pero manggagaling sa ating mga distrito ang mga kongresistang titiyak na maisasaalang-alang ang partikular na interes ng ating probinsiya sa bawat letra at linya ng mga batas na ito. Sa antas na lokal, ang mga bokal at konsehal ang gagawa ng mga resolusyon at ordinansa – mga batas sa probinsiya, siyudad, at bayan – na magpapatakbo ng ating mga buhay.

Oo’t may party-list organizations na sinasabing kakatawan sa mga sektor sa Kamara ng Representante, pero ang sectoral appointees sa mga konseho ang mas kaagad makakokonsulta at magiging boses ng kadalasa’y nakakaligtaang mga miyembro ng komunidad. 

Hindi laro ang pagpapatakbo ng isang probinsiya, siyudad, o bayan. Kapag nangako ng maraming trabaho ang isang “presidentiable,” hindi siya, sa halip ay ang gobernador, ang makikipag-usap sa mga mamumuhunan sa economic zones na siya namang magbibigay ng trabaho sa mga nasa probinsiya. 

Kapag nagyabang ang presidential candidate na patataasin ang kalidad ng edukasyon, hindi siya, sa halip ay ang city mayor, ang sesegurong pumapasok mula sa real estate taxes ang Special Education Fund. 

Kapag naghambog ang national candidate na susugpuin niya ang droga a krimen, hindi siya, sa halip ay ang alkalde, ang araw-araw na uungutan ng dagdag na pondo ng local police para sa kanilang mga operasyon.

Kapag ibinenta ng national government ang natural resources ng isang lokalidad, at binalewala ang kaligtasan ng mga residente at karapatan ng mga katutubo, ang mga lokal na opisyal ang haharang sa paglapastangang ito – sila ang puwedeng umipit sa business permits ng, halimbawa ay, mining companies.

Mahigit 18,000 lokal na posisyon ang nakataya ngayong 2016. Base sa karaniwang bilang ng mga kumandidato nang mga naunang eleksiyon, mababa na ang 3 kandidato para sa bawat puwesto. May mga posisyon nga ngayon na lampas 10 ang kandidato, o provincial board districts na mahigit 30 ang nag-aagawan sa puwesto. 

Huwag nating lahatin na parepareho lang ang mga politikong ito. May talagang magagaling at mga halatang nagmamagaling lang. May mga tunay na nagsilbi na at may mga mukhang mawawalan ng paki kapag nanalo na.

Magkakakilala ang nasa lokalidad, hindi mahirap na maipagtanong o mapatunayan ang kakayahan at karanasan ng mga nanliligaw para sa ating boto. Hindi imposibleng mahalungkat ang mga baho nila. Hindi mapatatahimik ang mga kuwento ng kabutihan o kabuktutan ng mga kandidato. Mas mahirap sa kanilang magkunwari sa pakikitungo sa mga botanteng kamag-anak ng kakilala ng kapitabahay natin. 

May mga listahan din sa Local Government Code ng kalipikasyon at tungkulin ng bawat posisyon – tingnan at ipagtanong din natin ito nang malaman kung kaya ba nila ang trabaho. (Puwede tayong magsimula rito: Local elections 2016: Know your candidates and localities on Rappler)

Huwag nating isuko na hindi naman makikinig ang mga kandidato sa atin ngayong kampanya o kapag nakaupo na. Sinubukan na ba natin?

Mas kinatatakutan ng mga lokal na kandidato tayong mga botante sa kanilang lugar kaysa sa pananakot ng Malacañang o utos ng campaign headquarters sa Maynila. Tayong mga botante ang magluluklok o haharang sa kanilang mga gustong umupo sa kapitolyo at sa munisipyo. Pakikinggan nila tayo – kung didiinan natin silang humarap, makinig, at makipag-usap sa atin. Mapipiga natin silang maglatag ng plataporma at maghain ng mga balak. Hindi, ‘ka ‘nyo, tayo nadadala sa baduy na campaign jingles, photoshopped posters, at scripted na ads.

Huwag nating isantabi na isang boto “lang” naman tayo laban sa nakararami. 

Ano ba’ng silbi ng boto mo at boto ko? Malaki. Kapag pinagsama-sama ang tig-iisang botong ito sa lokal na eleksiyon, ito ang pinakanakakakabang paalala sa mga politiko: “Magsiayos kayo!” – Rappler.com

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!