[EDITORIAL] #AnimatED: Anti-middle class ang driver-only ban sa EDSA

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] #AnimatED: Anti-middle class ang driver-only ban sa EDSA
Hindi naman tatamaan ang mayayaman na may family driver. Ang tatamaan ay ang middle class na walang driver at pinapang-hatid-sundo ang sasakyan

Araw- araw bumabiyahe si Angel mula Commonwealth sa Old Balara, Quezon City, papuntang trabaho niya sa Ayala Avenue. Nagta-tricycle siya palabas ng village nang alas-singko kuwarenta y singko, makikipag-agawan sa jeep, pagkatapos ay pupungas-pungas na pipila sa MRT sa Quezon Avenue. Tumatagal nang 45 minuto hanggang isang oras at 15 minuto ang pila sa MRT, hanggang sa makasakay sa couch na di mahulugan ng karayom sa siksikan. Sa loob ng 35 minutes, nakakarating siya sa Makati.

Daily torture

Ang suma, nasa dalawang oras at 50 minuto ang biyahe ni Angel. ‘Pag sinusuwerte, dalawang hanggang dalawa’t kalahating oras. ‘Pag minamalas, pati cellphone niya nai-snatch, nahihipuan siya ng manyak, at natatapakan ang hinlalaki niya, bukod pa sa mabaho na siya pagdating ng opisina. Minsan tumitirik pa ang MRT kaya’t naglalakad siya sa graba nang nakatakong patungo sa susunod na istasyon.

Nang na-promote is Angel, nag-ipon siya ng suweldo, kumuha ng loan sa bangko, at bumili ng kotse. Mura ang downpayment at di mabigat ang buwanang hulog. Kulang-kulang dalawang oras ang biyahe niya ‘pag hindi umuulan, hindi araw ng suweldo, at umalis siya bago mag-alas seis ng umaga. Walang ibang daan papuntang Ayala galing QC kundi EDSA. Kapag umuulan, nasa tatlong oras din ang biyahe niya, pero pinagtitiyagaan niya ito – dahil sawang-sawa na siyang maghabol ng jeep, pumila sa ulan, at makipagsiksikan sa MRT.

Ngayong Miyerkoles, mapipilitan si Angel na iwan sa garahe ang pinag-ipunang kotse at makipag-siksikan muli sa dyip at MRT. Dahil ito ang araw na sisimulan ang trial ban sa driver-only cars sa EDSA. Sana’y hindi palda ang uniporme nila sa opisina. Sana’y puwedeng sumabit ang babae sa dyip. Sana’y may CR na malinis sa MRT. Sana. Sana.

Mayroon siyang kaopisinang babae na single mother, si Ate Nicole, na naghahatid ng anak sa paaralan gamit ang kotse bago pumasok sa opisina. Ang bigat pa naman ng bag ng bata sa eskuwela. Paano na kaya ang diskarte ng mag-ina ‘pag naihatid na or susunduin pa lang ang bata sa eskuwela at mag-isa si Mommy sa kotse? Hindi na siya makababiyahe sa EDSA. Ilang oras ang maaaksaya ni Ate Nicole habang naghahanap ng malulusutang kalye? 

The Indonesia experience

Kung titingnan ang karanasan ng Indonesia na may kahalintulad na ban, makikita ang pagsulpot ng car jockeys, o mga passengers-for-hire. Delikado ito sa driver at maging sa mga jockeys, dahil maganda itong pagkakataon sa mga holdaper at manyak.

Mas mainam nang kaunti ang buhay ng commuter sa Indonesia dahil may bus at train system na gumagana.

Dito sa Pilipinas, kulang na ang mga tren ng MRT, tumitirik pa. May mga istasyon na tumutulo kapag umuulan. Walang disenteng comfort rooms. Mapayat na ang isang oras sa pila kapag rush hour.

Kung pinili mong mag-bus, karamihan ay bulok at laging nakapila sa bus stop upang mag-antay ng pasahero.

Ayon sa isang pag-aaral, 16 araw ang ginugugol ng commuter na Pinoy sa trapik kada taon. Pagdating ng 2022, “standstill” na ang trapiko, dahil tantiyang 10 kph na lang ang maitatakbo ng sasakyan.

Ayon kay JC Punongbayan na nagtuturo ng economics sa University of the Philippines, dapat ma-discentivize ang pagbili ng kotse at maging efficient ang mass transit system. Pero tila walang balak ang gobyernong limitahan ang mga multinational sa pagbebenta ng mga kotse. Hitik ng advertisement ng kotse sa TV: mura ang downpayment, maliit ang monthly, maraming promo. Taon-taon, dumarami ang kotse at di naman nadadagdagan ang kalye.

No efficient mass transit

Kung ipagkakait ang murang kotse, o ipagbabawal ang driver-only cars, dapat nakaporma ang mass commuter system para saluhin ang hindi na papayagang magdala ng sasakyan. Dapat ay mas naisin ng mga katulad nina Angel at Ate Nicole na mamasahe kaysa magmaneho ng kotse.

Pero wala pang ipinatutupad na malinaw na istratehiya sa traffic ang gobyerno. Nakalilito pa rin ang iba-ibang traffic schemes ng magkakatabing siyudad sa Metro Manila.

Kamusta na ang phase-out ng mga lumang dyip sa ilalim ng PUV modernization program? Paano ang mga bus na tumatambay nang matagal sa gilid ng bangketa para maghakot ng pasahero? May nangahas na bang bumangga sa makapangyarihang lobby ng mga bus owners? Kumusta na ang ipinangakong improvements sa MRT at LRT? Dumami na raw ang mga tren, pero tila ganoon pa rin kasikip ang biyahe?

Sa MMDA naman, puro pangakong napapako at puro eksperimentong walang katuturan. Andiyang iba-ibahin ang mga U-turn slots. Andiyang lagyan ng physical barrier na naghihiwalay sa pampasahero at pampublikong sasakyan. Makalipas ang ilang buwan ay giniba na naman ang mga barrier. Maya’t maya may kinukutingting, wala namang nagbabago.

Noong siya’y kumakandidatong pangulo, inilahad ni Rodrigo Duterte ang plano niyang bigyang solusyon ang trapik sa Maynila. Ano’ng nangyari dalawang taon ang nakalipas? Kung sana’y tutukan lamang ni Presidente ang problema ng trapik tulad ng gigil niya sa giyera kontra-droga.

Anti-middle class

Sana’y tigilan na ang mga eksperimentong dagdag-parusa lang sa commuter. 

Hindi naman tatamaan ang mayayaman na may family driver. Ang tatamaan ay ang middle class na walang driver at pinapang-hatid-sundo ang sasakyan. 

Kung commuter ka, problema mong makarating sa pupuntahan mo dahil walang iskedyul, lohika, o sistema ang mass commute system sa ‘Pinas.

Isa lang ang batas dito: bahala ka sa buhay mo. Makipagsapalaran lahat sa kalye. At hindi nakakatulong ang mga hindi-pinag-isipang polisiya ng pamahalaan. – Rappler.com 

 

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!