[EDITORIAL] #AnimatED: Dapat na ba tayong sumuko?

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] #AnimatED: Dapat na ba tayong sumuko?
Wala kaming nakikitang konkretong salbabida ng pag-asa ngayon...maliban sa isang bagay

Maraming nanlumo sa naging resulta ng eleksyon ngayong Mayo 13.  

Ano ang post-elections big picture? Lalo pang sinemento ang kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte – sa eleksyong naging mistulang referendum sa kanyang kasikatan. Walang balakid ang bagong pangalan o ‘di primyadong apelyido – ‘pag inendorso ng Pangulo, nananalo. 

Tatlong bagay ang nangingibabaw at nakatutulala:

1. Goodbye, independyenteng Senado. Bilangin natin: 4 na lamang ang taga-oposisyon. Nasa 8-10 ang maaaring maging die-hard Duterte. At 10-12 (batay sa kasaysayan ng pagboto) ang sumasayaw sa indayog ng tugtugin. At ‘pag ang tugtugin ay pepedederalismo, aba’y bakit hindi hahataw ang dose? 

Kung dati’y mapusyaw na ang paninindigan ng Senado, ngayo’y maaaring magmistulang rubber stamp ito.

2. Hello, Charter Change (na sumikat sa tawag na pederalismo). Ngayong mukhang walang kahit isang oposisyong makapapasok sa Senado, posible nang makadiskarte ang mga pro-Chacha. Maaari na nilang gapangin ang mga fence-sitters na ‘di man sang-ayon ay takot kumontra. Maaari rin silang pumayag sa mga panghimagas na iaalok ng mga proponent upang mapreserba ang status nila bilang “senador” – na siyang naging pangunahing balakid sa paglalako ng federal form of government.

3. Party-lust ang nanaig sa party-list dahil sa mga kahinaan ng sistema, na tinalikuran na ang orihinal na intensyong maging entry point para sa marginalized na mga sektor.

At dahil dito, baka makapapasok pa sa Mababang Kapulungan ang isang Ronald Cardema, ang nakaupong pinuno ng National Youth Commission na walang delikadezang nag-buzzer beater na substititution bilang nominee ng party-list Duterte Youth.

Si Cardema ang bumubula ang bibig na kalaban ng mga progresibong organisasyon sa kampus. Nais niyang patalsikin ang mga estudyanteng iskolar ng bayan na aktibista.

Mabagsik na alak ang katanyagan at kapangyarihan. Walang duda, lalo pang yayabang ang asta at aarangkada ang mapang-alipusta at bastos na bunganga ng Presidente. Aariba ang giyera kontra droga. Tulad ng nakaraang 3 taon, small-town politics na inexport sa national level ang iiral.

Pero ang dapat nating lubos na katakutan ay ang pagpapalawig ng termino sa loob ng pederalismo at bagong Saligang Batas

Kung ngayon ay bukambibig natin ang “3 taon na lang” at pampalubag-loob natin ang ideyang lilipas din ang bangungot, nagkakamali tayo. 

Sa ilalim ng bagong-balangkas na Konstitusyon, hindi lang masesemento si Duterte sa kapangyarihan sampu ng mga kaanak at alipores niya – maibabaon ang pundasyon ng isang dynasty na mauupo sa tronong bakal. 

At walang dragon o bayaning handang sumalungat sa kanya. 

Siguro gutom lang ito o kulang sa tulog, pero wala kaming nakikitang konkretong salbabida ng pag-asa ngayon. Wala malinaw na silver-lining sa likod ng maitim na ulap. 

Maliban sa isa: kayo. Dito sa Rappler, habang binabasa niyo kami, may pag-asa. Habang may nagpupuso sa mapanuring mga artikulo, may pag-asa. 

Habang may bumubulong, may napapailing, may yumuyuko sa pagdarasal – may pag-asa. 

Habang may nagagalit at nagkikimkim ng poot, may pag-asa.

Habang may kabataang nakakakita ng pagkakamali ng matatanda, may pag-asa. 

Kami sa Rappler ay hindi pa handang iwagayway ang puting tuwalya.

We are Rappler, and we will hold the line. – Rappler.com 

 

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!