Indonesia

#AnimatED: Cha-cha: Pag-usapan na lang sa halalan

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

#AnimatED: Cha-cha: Pag-usapan na lang sa halalan
Tapusin na natin ang paikot-ikot na usapan. Gawin natin itong usapin sa panahon ng kampanya para sa darating na eleksiyon. Magkalabasan na ng tunay na intensiyon.

Katulad ng maraming bagay sa administrasyong Aquino, bigla na lang isinulong ang idea ng pag-aamyenda ng Konstitusyon nang tila hindi pinag-isipan.

Nakakita ang Pangulo ng inaakala niyang problema – masyado raw makapangyarihan ang Korte Suprema, kaya kailangang bawas-bawasan ang “pakikialam” nito sa bagay na may kinalaman sa palakad ng gobyerno (ibang istorya pa ito). Hindi naman daw masama ang posibilidad na magkaroon siya ng ikalawang panunungkulan, kung ito ang gusto ng mga “boss” niyang taumbayan – kahit na malinaw itong ipinagbabawal ng Saligang Batas.

Alam naman ng nakararami na banas lang si Pangulong Aquino sa kataas-taasang hukuman sa mga panahong ito dahil sa pagbasura nito sa DAP na minaniobra ng kanyang administrasyon nang labag sa proseso ng paggugol ng pera ng bayan. Personal ang dahilan kung bakit napapag-initan niya bilang dahilan ng pagkalikot sa Konstitusyon ang umano’y kapangyarihan ng korte na dumawdaw sa lahat ng isyu.

Alam ng nakararami na pambobola na lang ang sinasabing ang taumbayan ang kaniyang amo kaya’t isasangguni ito sa kanila. Bagsak ang approval at satisfaction ratings ng Pangulo ngayon; kulelat sa surveys ang minamanok ng partido niya para sa presidential election. At, tulad ng ilang nagdaan nang sitwasyon, hindi malayong ipilit ni Aquino ang gusto niya kahit malinaw na hindi ito sinasang-ayunan ng nakararami sa kanyang mga bosing.

Wala na siyang pinag-iba sa mga naging pangulo o administrasyon pagkatapos ng diktador na si Marcos – ang nais sanang iwasang maulit ng mga nagsulat ng kasalukuyang Konstitusyon kaya sila naglagay ng limitasyon sa panunungkulan ng presidente.

 

Katulad ng mga nagbulong sa nanay niyang si Cory, ng mga nangalap ng pirma para kay FVR, ng mga sumubok mag-short cut ng proseso sa Kongreso noong panahon ni GMA (Ibang usapin si Erap, pero tumakbo siya ulit sa pagkapangulo, di ba?), gusto ng administrasyong Aquino na maka-Take 2 sa Palasyo.

Wala ring naiba sa reaksiyon at argumento ng mga kalabang kampo – gustong maging diktador ng Pangulo, masyadong nasarapan sa pakinabang ang mga kaalyado niya mula mataas hanggang lokal na pamahalaan, isisingit nila ang pagkalikot sa mga probisyong politikal kapag pumayag tayong simulan sa mga probisyong pang-ekonomya lamang.

Wala pa ring mabuting paraan ng pag-amyenda sa Konstitusyon para sa mga tumatanggi – magastos ang maghalal ng Constitutional Convention, kahinahinala ang igagalaw ng mga mambabatas kung sila’y pupulungin bilang Constituent Assembly, at wala pang batas para sa People’s Initiative.

Wala ring patutunguhan ang usaping ng charter change kung laging ganito natin pinag-uusapan ang pag-amyenda sa Saligang Batas.

Lagi na lang, ipinapanukala ito tuwing patapos na ang panunungkulan ng isang presidente, kaya hindi natin maiwasang maghinala na nagahaman lang ang mga nasa poder, o kinokondisyon nila ang isip natin na hindi pa maisasantabi ang impluwensiya ng paalis na presidente.

Lagi na lang, masyadong malikot ang isip natin (hindi masamang maghinala, ‘wag lang sobra) sa ano’ng kahihinatnan, sino’ng makikinabang, at sino’ng tatamaan sa bawat probisyong pinag-iisipan, sa bawat hakbang nitong pagdaraanan.

Lagi na lang – at maaaring hindi natin namamalayan – natatali tayo sa akalang perpekto’t sagrado ang Cory Constitution (ayan, akala tuloy ng anak niya, siya lang ang may karapatang gumalaw nito). O kaya’y nalalagpasan natin ng tingin ang mga probisyong mas dapat pag-aralang baguhin, dahil abala tayo sa mga probisyong hindi naman dapat galawin.

Lagi na lang, ang charter change ay itinutulak ng personal na motibo ng mga nasa kapangyarihan, at inuunahan ng hinala o kawalambahala ng nasasakupan.

Tapusin na natin ang paikot-ikot na usapan. Halos 3 dekada matapos nating pagtibayin ang Konstitusyon, tunay na kailangan na itong repasuhin para makahabol sa mga dikta ng makabagong panahon. May mga kailangang pasakan sa sinasabi nilang “Saligang Butas.”

Pero ‘wag nating hayaang madaliin ito ng pababa nang administrasyon, o bintangan ng mga kritiko ng makasariling balakin, o mabinbin dahil sa debate sa paraan ng pag-amyenda.

Gawin natin itong usapin sa panahon ng kampanya para sa darating na eleksiyon. Magkalabasan na ng tunay na intensiyon. Hingin nating mga botante sa bawat kandidato sa pagkapresidente, bise presidente, senador, kongresman, party-list representative, gobernador, at mayor: Sang-ayon ka ba’ng amyendahan ang Saligang Batas? Ano-ano ang bahagi nito na isusulong mong baguhin, at bakit?

Pagkatapos, pagkaupong-pagkaupo ng mga bagong halal sa 2016, simulan natin ang pagkalap ng panukala, ang pagsasaliksik, ang debate, ang pag-aproba ng mga ito. May mga magiging negosyasyon, tiyak natin – wala namang nagaganap sa pamahalaan na hindi nahahaluan ng ganitong usapan – pero mababantayan natin sa simula pa lamang.

Kapag ganito, walang pangulo o Kongresong mambubulaga sa atin kapag patapos na sila sa tungkulin. Walang karapatan ang mga kritiko na magbintang ng panukalang makasarili at hindi pinag-isipan. Wala ring dahilan ang mamamayan na hindi makilahok at manguna sa talakayan. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!