Olympics

#AnimatED: Babaha at babaha na lang

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

#AnimatED: Babaha at babaha na lang
Gumawa tayo ng pamahalaang pang-rehiyon para sa Metro Manila. Bukas-makalawa, haharapin na rin ng mga siyudad sa ibang bahagi ng Filipinas ang ganitong problema.

Magandang balita, ayon sa ilan, nitong huling tinamaan ng kambal na bagyo ang Metro Manila at ang paligid nito. Kakaunti ang nasawi at mas mababa ang tinatayang pinsalang hatid ng Luis at Mario kompara sa bagyong Ondoy, ang disaster noong 2009 na inakala ng marami sa bahaging ito ng Luzon ay katapusan na ng mundo.

Sampu “lang” ang namatay noong Mario, karamiha’y nasa Metro Manila, at “zero” raw noong Luis dahil hindi direktang dulot ng bagyo ang pagtaob ng isang barko kung saan 3 ang nalunod. P1.14 bilyon “lang” ang pinagsamang pinsala ng dalawang bagyo sa agrikultura. Samantalang si Ondoy, mahigit 70 ang binawian ng buhay at P4.6 bilyon ang pininsalang kabuhayan.

Ang masama sa “magandang” balitang ito, ipinapakita nitong kontento na tayo sa umano’y pagiging handa sa disaster kaysa ungkatin ang ugat ng problema at solusyonan ito. Ang problema’y kung bakit ganito kalala ang baha kapag bumabagyo (minsan nga, kahit walang bagyo, magbuhos lang nang saglit ang habagat). Ang nakakaiyak na solusyon natin ay kung gaano kabilis natin maililikas ang mga residente bago maipon ang tubig-ulan hanggang bubong ng mga bahay nila. 

Ang realidad ay, darating ang panahong hindi na natin matatakasan ang baha. At ayon sa mga eksperto sa pagpaplano ng mga komunidad, ang panahong iyon ay bukas o makalawa na hindi lang sa Metro Manila kundi sa Mega Manila – kasama ang mga karatig-probinsiya sa timog at hilaga nito.

Ayon sa urban planner na si Paulo Alcazaren, 90% ng espasyo sa Metro Manila ay okupado na ng mga estrukturang tinitirhan ng 12 milyong tao. Halos 20 kilometro na lamang ang natitirang estero o daanan ng tubig, at karamihan pa rito’y barado o nahaharangan ng isang milyong iskuwater o tinagurian ng ibang “informal settlers” o di kaya’y “urban poor.”

Sa mga natitira pang espasyo, may disenyong lalong haharang o magkukulong sa tubig-ulan ang mga itinatayong gusali at impraestruktura. Tanong nga ni Alcazaren: “At magtataka pa tayo kung bakit bumabaha?”

Nang matakot ang mga tao sa anila’y mala-Ondoy na bilis ng pag-akyat ng baha, pagragasa ng tubig, at pag-apaw ng mga dam nitong bagyong Mario, nilinaw ng weather forecasters na “malayo” ito sa Ondoy; mas kakaunti umano ang ibinagsak ni Luis na tubig sa Kamaynilaan. 

Ang problema nga’y habang sumisikip ang Metro Manila’t mga karatig nito – habang walang habas ang pagpapatayo ng gusali, subdivisions, at commercial establishments na hindi sumangguni sa anumang masterplan ng komunidad, o nanuhol para malibre sa pagsunod sa tamang sona – babaha at babaha, nang mas mabilis at mataas, sa pangulong rehiyon ng bansa.

Nasa pamamahala ang solusyon – pamamahalang nakabatay sa siyensiya, sentido-komon, lakas ng loob, at paninindigan. Gumawa tayo ng regional government para sa Metro Manila. Oo, ‘yung katulad ng kay Imelda Marcos noong araw, pero para sa seryosong pagpapatakbo ng di pangkaraniwang rehiyon at hindi para mabigyan lang ng panibagong pag-aaway-awayan o nanakawan ang kaalyado ng kung sinuman.

Tingnan natin ang Metropolitan Manila Development Authority – ang anak ng Metro Manila Authority na ipinampalit ni Cory Aquino sa Metro Manila Commission ni Governor Imelda. May nakikinig – at nanginginig – ba ritong mayor ng 16 na siyudad at isang munisipyo ng NCR? Wala! Dahil hindi naman halal na opisyal ang MMDA chairman, samantalang dumaan sa balota ang mandato ng mga alkaldeng pinangangasiwaan niya.

Ang resulta, may pagkakataong magbibigay si Mayor A ng permit para sa mall sa kanyang lungsod, kahit na mababarahan nito ang kanal na dadaluyan ng tubig-ulan para hindi bahain ang lungsod ni Mayor B sa kanan at Mayor C sa kaliwa. Hindi susunod si Mayor D at Mayor E sa patakarang pantrapiko ni MMDA kaya may oras ng bagyo na puwedeng dumaan dito ang trak pero hindi puwedeng lumiko roon.

Hindi maiaalis ng pambansang pamahalaan ang mga iskuwater at informal settlers sa estero dahil haharangan ito ng mayor na nakikinabang sa kanilang mga boto. Makakapaglista tayo ng magkakaugnay na epekto ng kanya-kanyang takbo ng mga siyudad na hindi narerendahan ng mas mataas na kapangyarihan.

At bukas-makalawa rin, hindi na lang sa Metro Manila ang problemang ito. Hindi galing sa wala ang matagal nang mga panukalang magkaroon ng awtoridad na mangangasiwa sa Metro Cebu, Metro Iloilo, Metro Davao. Kahit nga walang opisyal na titulo, na “metro” o “mega,” binubuno na ng mga pangunahing siyudad sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas ang responsibilidad ng isang regional authority. Sino ba ang nagsisidagsa sa Baguio, Naga, Legazpi, Imus, Bacoor, Dasmariñas, San Pedro, Batangas, Cebu, Tacloban, Cagayan de Oro, halimbawa, hanggang sumikip na rin sila’t magkaroon ng problemang mala-Metro Manila? Di ba’t ang mga taga-karatig na munisipyo’t probinsiya?

Pero bago iyan – bago makapagtatag ng inihahalal na regional government sa Metro Manila (at susunod siguro’y sa ibang rehiyon din) – kakailanganin ng batas o marahil ay susog sa Konstitusyon. Pero tiyak na aalmahan ito ng mga praning na sektor o pupulitikahin ng mga karaniwang suspek.

Samantala, tumatakbo ang oras, nauubos ang espasyo, nagbabara ang mga estero…at hindi natin mapipigilan ang mga bagyo. Hindi natin gustong hintaying mabura tayo ng isang matindi-tinding delubyo. – Rappler.com 

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!