#AnimatED: Kuwentong may kuwenta para sa climate change

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

#AnimatED: Kuwentong may kuwenta para sa climate change
Kung gusto ng Filipinas na hindi makadagdag sa pagkasira ng kapaligiran, isang determinadong tugon ang kailangan: huwag nang dagdagan ang coal-fired plants at kumilos tungo sa pagpapasara at pagbabaklas ng mga nakatayo na

“Walk the climate change talk.” Ito ang hamon kay Pangulong Benigno Aquino III ng mga environmentalist na dumalo sa United Nations Climate Summit 2014. Mas mabagsik pakinggan sa Filipino: “Panindigan mo.” “’Wag kang ipokrito.” Pero sapul na sapul ng salitang kantong ito: “Sana hindi puro ’wento, wala namang ’wenta.”

Puro kuwento, wala namang kuwenta. Sana ’di salungat ang salita sa gawa. Habang nananawagan ng aksyon mula sa top greenhouse emitters ng mundo, balak ng pamunuan ni Ginoong Aquino na palawigin ang “dirty energy industry” sa sarili nating bakuran. Sa natitirang dalawang taon ng kanyang termino, 40 bagong coal-fired power plants ang planong itayo ng administrasyong Aquino.

Maraming magandang nasimulan ang Filipinas sa larangan ng climate change. Sinsero at masigasig ang mga commissioner ni Aquino, tulad nina Lucille Sering at Naderev “Yeb” Saño.

Sa isang video na ipinakita ni Climate Change Vice Chairman Lucille Sering sa PH+SocialGood ng Rappler, natumbok ang buod ng problema ng climate change: ang walang katapusang pasahan ng gunting ng mga bansa – mauna muna mag bawas ng greenhouse emissions ang mga bansang mas may-sala.

Pasa-gunting din ba ang diskarte ng Filipinas? Sa harap ng masalimuot at komplikadong usapin ang climate change, nakikidagdag ba tayo sa malinaw at mahinahong diskurso, o dagdag-ingay lamang tayo?

Balot ng pulitika ang usapin ng climate change mitigation sa pagitan ng First World at Third World. Ayon sa mga eksperto, tanging isang rebolusyonaryong tugon lamang ang makapagbabago ng landas ng karimlan na tinatahak ng sangkatauhan.

Isang determinadong tugon ang kailangan mula sa Filipinas – hindi iyong iba ang ginagawa sa sinasabi. Huwag nang dagdagan pa ang coal-fired plants at kumilos tungo sa pagpapasara at pagbabaklas ng mga nakatayo na. Sabi ni Dean Tony la Viña, kailangang ang direksiyon ng mga patakaran natin ay tungo sa pagpapababa ng nalilikha nating panira kapaligiran. Sabi nga ni Climate Change Commissioner Yeb Saño, “Walang ibang opsyon.” Endgame na ito. – Rappler.com

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!