[Bodymind] Kung gusto mong mas maintindihan ang suicide

Dr Margie Holmes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Bodymind] Kung gusto mong mas maintindihan ang suicide
May mga insidenteng mukhang suicide pero hindi naman pala. Mayroon din namang kabaliktaran: hindi mukhang suicide sa unang tingin, pero suicide talaga.

Maraming salamat sa mga nagbasa, nag-share at nag-comment sa unang Filipino column ko rito sa Rappler. Marami sa inyo ang nag-private message sa akin sa FB at ang iilan ay sasagutin ko rito sa Bodymind, lalo na yung mga tanong na alam kong makatutulong sa mas nakararami.

Layunin nitong ikalawang kolum kong palawakin ang ating pagkakaintindi ng suicide. May mga insidenteng mukhang suicide pero sa totoo’y hindi. Mayroon din namang kabaliktaran nito: hindi mukhang suicide sa unang tingin, pero suicide talaga.

Bakit mahalagang malaman ang pagkakaiba ng dalawa? Sabi sa Bibliya, “The truth shall set you free.” Pareho rin ang paniniwala sa clinical psychology (at least sa klase ng sikolohiyang sinasanay ko). Mabigat sa puso at nakababagabag sa isip ang pagtatanggi ng katotohanan. Hindi ito mabuti para sa kalusugan.

Hindi ibig sabihin na kailangan mong isigaw sa tuktok ng bundok ang iyong mga damdamin o mga natutunan. Hindi ibig sabihin na kailangang sabihin mo ito sa ibang tao. Pero sa kaibuturan ng puso mo (in your heart of hearts) kapag bumalik ang isip mo sa suicide (tinangka man o di kaya’y naganap) ng minamahal mo, mas mabuting tanggapin ang katotohanan. Kung hindi, lalong iikot ito sa iyong utak.

Hindi 100% na tama para sa lahat ang mga alituntuning ibabahagi ko sa inyo. Dahil tao ang pinag-uusapan natin, walang 100% na kasiguruhan para sa kahit sino. Pero inaasahan ko pa ring maaari itong maging balangkas sa pagpapasya kung suicide ba talaga o hindi ang ikinamatay ng isang tao.

Talakayin muna natin ang pinakakaraniwang nangyayari na hindi mukhang suicide pero madalas ay suicide pala. Mahahati natin ang mga ito sa 3 kategorya:

  1. kamatayang resulta ng aksidente
  2. kamatayang resulta ng maraming taon ng pang-aabuso sa katawan
  3. kamatayang tinuturing ng marami bilang “suicide by cop.”

Ang unang kategorya ay ang suicide na mukhang aksidente na hindi binalak at hindi inasahan. Ang karamihan ng mga ito’y mabilis mangyari at kataka-taka.

Malamang nakagugulat at nakalulungkot para sa maraming tao, pero hindi talaga sorpresa para sa mga kakilala niya. Ang mga halimbawa ng ganitong klaseng suicide ay ang mga sumusunod:

  1. drug overdose – lalo na kung bago nitong “supposed overdose”, laging tama ang kanyang iniinom o ini-iniksyon noon

  2. paghulog mula sa isang gusali, lalo na kung mahirap makapunta sa bahagi ng gusali kung saan siya tumalon

  3. nabangga ng kotse, lalo na kung mag-isa ang driver. Lalo na kung magaling siyang magmaneho at walang malinaw na dahilan kung papaano siya naaksidente. Halimbawa: Paano kayang hindi nakita (ng driver) ang pader/punong binangga niya na nagbunga sa kanyang kamatayan? Bakit kaya hindi siya nagbagal, lalo na’t maraming warning signs sa napakapanganib na bahaging malapit sa talampas na kinahulugan niya? Napakadalas mangyari ang suicide sa pamamagitan ng aksidente sa kotse kung kaya’t may pangalan para rito: autocide.

Ang ikalawang kategorya ay ang tinatawag kong mga “matagalang suicide.” Halimbawa rito ang mga taong may tunay na problema sa alcohol (alcoholic) at di ang taong naglalasing paminsan-minsan.

Isa raw na maaaring halimbawa nito ay ang kamatayan ni Carlos Bulosan, isang tanyag na manunulat. Noong buhay pa si Dolores Feria, isa ring tanyag at kilalang propesora sa UP, tinawag niyang “programmed suicide” ang pag-inom ni Bulosan.

Naakusahan si Ginoong Bulosan ng plagiarism nang matanda na siya. Doon lang siya nagsimulang uminom nang katakut-takot, ayon kay Dr Feria, na para bang pinapatay ang sarili unti-unti sa pamamagitan ng substance abuse.  

Ang terminong “programmed suicide” ay hindi pa ginagamit sa mga ulat ng pulis, atbp; pero marahil mabuting isama rin ito sa lalong madaling panahon.

Panghuli, ang ikatlong kategorya ng suicide na kadalasa’y hindi tinuturing na suicide ay ang tinatawag na “suicide by cop.” Ito ay ang mga kamatayang resulta ng reaksyon ng pulis sa aksyong sinimulan ng tao.

Kapag sinabi ng pulis: “Ibaba ang mga baril ngayon din. Hindi na namin uulitin. Ibaba ang iyong mga baril.”  

Kung sa halip na ibaba ang mga baril niya, sumugod yung tao at pinagbababaril ang mga pulis, military, o NBI agents sa harap niya, maaaring mapuwersa silang barilin yung tao para pangalagaan di lamang ang sarili nila, pero pati ang kapakanan ng iba pang mga taong nasa paligid nila.

Nang pumunta ang NBI sa bahay ng nanay niya, matatawag kayang may layuning mag-“suicide by cop/NBI” ang ikinilos ni Jason Ivler?

After all, maaaring isipin niyang wala nang magandang maaaring mangyari pa sa kanya: dalawa na ang taong pinatay niya at mainit na sa press at pulis/NBI ang kanyang mga ginagawa.  

Ikalawa, maaaring may appeal para sa taong nabuhay “by the gun” ang mamatay nang “by the gun” din. Limang tao ang nakapanayam ko noon para sa isang pananaliksik tungkol sa ibang bagay.

Mailalarawan natin sila bilang mga taong “living by the gun”. Sabi nila, sa kanilang opinyon, mas mabuting mamatay “in a blaze of glory,” (die by the gun) kaysa magkasakit at mamatay nang kinaaawaan ng marami. 

Ayaw na ayaw nilang mahuli at makulong hanggang mamatay sila. Ayaw nilang pagsasabihan sila ng mga guwardiya, binibilangan ng tasa ng kaning puwedeng kainin, atbp. Kung mamatay ka sa away, mayroon pang takot sa iyo.

Inaasahan kong nakatulong ito, kahit papaano, para lalong lumawak ang inyong pagkakaunawa ng napakalalim at napakasalimuot na paksang ito. – Rappler.com

Image of depressed teen from Shutterstock

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!