Hinihintay kong mabura na ang Buwan ng Wika

Rebecca T. Añonuevo

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Hinihintay kong mabura na ang Buwan ng Wika
'Kung naririnig natin at ginagamit ang Filipino hindi lamang para sa malulubhang damdamin kundi para rin sa mga karaniwang gawain – magiging yugto na lamang sa kasaysayan ang Buwan ng Wika'

Napangiwi ako nang makatanggap ng imbitasyon para sa isang miting upang pagplanuhan daw ang pagdiriwang para sa Buwan ng Wika. 

“Buwan-buwan ng Wika, eh nilusaw nga ng administrasyon ang Departamento ng Filipino,” himutok ng premyadong manunulat at kapuwa-gurong si J. Iremil Teodoro. 

Isa si Iremil sa 21 gurong aalisin ng Kolehiyong Miriam sa 2016, dulot ng desisyong ipatupad ang Early Separation Program para sa General Education faculty. 

Pero hindi lang pag-alis sa mga guro ang malubhang lumiligalig sa institusyon. Isa sa mga dagok sa aming mga manunulat na matagal nang naglilingkod sa kolehiyo ay ang walang kaabog-abog na streamlining na nangyari noong tag-araw, na mairerespeto sana bilang management prerogative nguni’t sa kasamaang-palad ay malabnaw na pag-iisip, dahil sa muli ay kawalan ng konsultasyon: ang Departamento ng Filipino, Department of English, at Department of Humanities and Foreign Languages ay ipinailalim sa Language Learning Center (LLC), at kasalukuyang tinatawag ngayon bilang Department of Languages, samantalang ang LLC ay binuo para sa remedial na pagtuturo sa mga estudyanteng Koreano at iba pang dayuhang estudyante. (READ: What is wrong with Miriam College?

Paanong ang mga akademikong departamento ay ipaiilalim sa isang tutorial center ng kolehiyo? 

Ipinaalám ng administrasyon ang desisyon samantalang nagdiriwang ang mga guro sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad dahil sa TRO na ibinaba ng Korte Suprema kaugnay ng CMO 20, na nagpapatupad sa bagong General Education kurikulum na tahasang nag-alis sa Filipino bilang kurso sa lalong mataas na edukasyon. (READ: Filipino in college: What are you afraid of?)

Naalala ko ang Pambansang Alagad ng Sining Rolando S. Tinio nang ipahayag niya sa kaniyang kolum noon na walang karapatang maging unibersidad o kolehiyo ang isang institusyong walang Departamento o Kagawaran ng Filipino. 

Hindi pakonsuwelo ang departamentong walang taimtim at matiim na pagtuon sa Filipino. 

Hindi lamang isa sa mga wika ang Filipino, kundi ang wikang pambansang kinikilala ng ating Konstitusyon, samantalang may panawagan sa paglilinang sa iba’t iba pang mga wika ng Filipinas.

Buwan ng Wika at ang selebrasyon kaugnay nito

Kaya paanong ipagdiriwang ang Buwan ng Wika kung paimbabaw muli’t muli ang pagharap dito? Ang pagbibihis ng baro’t saya, pagtatalumpati, sabayang pagbigkas, ang mga katutubong awit at mga sayaw ay mananatiling malayo sa bituka kung gagawin lamang dahil bunsod ng okasyon. Ito’y samantalang hindi naimumulat ang mga bata sa Filipino bilang wikang pambansa at sa marami pang wika ng bansang Filipinas, dahil Ingles ang pinaiiral sa batayang edukasyon at iyon ang iginigiit ng mga magulang na gamitin ng kanilang mga anak. 

Ang resulta: mga paslit na may twang at madulas sa pagi-Ingles, pero namamaluktot at bumabagsak sa Filipino. 

“Malayo sa bituka” ang malimit kong naririnig sa aking lola kapag nadapa ako at nagkagalos sa tuhod, at magtatangkang umatungal: Tumayo ka, maláyo ‘yan sa bituka. 

Malayo sa bituka kapag hindi mo ikamamatay ang isang bagay. Malayo sa bituka kapag hindi mo ipagtatanggol ang sarili para mabuhay. 

Isipin na lang ang sinapit ng mga manunulat sa panahon ng kolonisasyon, lalo na sa ilalim ng Estados Unidos, na nagsabatas na gawing midyum ng pagtuturo at pagkatuto ang Ingles sa mga eskuwelahan.  Sa tulang “Muted Cry” ay kuhang-kuha ni Trinidad Tarrosa ang pananangis ng tinig ng nagsasalita:

“They took away the language of my blood,
Giving me one “more widely understood.”
More widely understood! Now Lips can never
Never with the Soul-of-Me commune…”

Sa tulang sinipi ay maririnig na hindi maláyo sa bituka ang wika, kung isasaloob natin. Iyon ang kaluluwa ng may katawan. 

Kayâ nagtatalo pa rin ang mga wika, dahil naniniwala tayo sa identidad natin bilang mga mamamayan mula sa iba’t ibang pulo, na hinahati ng tubig. May kani-kaniya tayong dala-dalang puntó o diin, at may púnto namang di matatawaran, kung hindi natin isusuko ang liko at likaw ng ating dila.

Kung noon pinagtatawanan ng isang taga-Maynila ang probinsiyanong may puntó, ngayon baligtad na: ang katawa-tawa, kung di man kaawa-awa, ay ang taga-Maynila na may ganoon pa ring asta sa mga taga-probinsiya. Iyon ang joke na nag-time freeze – tulad ng mga rehash na palabas at game show sa TV na hindi umaangat ang kalidad kahit panibagong henerasyon na ng mga artista ang nagsisiganap. 

Pero hindi lamang tayo hinahati ng tubig kundi tinitighaw nito. Ang mga pulo-pulo ay magkakapatid sa ilalim ng marikit na iisang bansa, na noong nakaraang taon ay pinagtalunan pa nga kung Filipinas o Pilipinas. Hindi ako nabahala sa pagtatalong ito, dahil ito ang kailangan natin bago humantong sa malinaw at mapayapang pagkakasundo at pag-uunawaan. 

Epekto ng ASEAN integration

Kailangan tayong mag-usap nang may husay at yabang sa wikang Filipino bilang wikang pambansa, at mag-aral ng iba pang mga wika ng ating bansa bukod sa nakagisnan natin sa pagkabata. Hindi iyon ang Ingles ng Nickelodeon at Disney Channel. Sa panahon ng ASEAN integration, hindi sapat na maging matatas tayo sa Ingles sa pakikipag-usap sa ating mga kapitbahay. 

Mahalaga din, at marahil nga’y mas mahalaga, na kaya nating magsalita sa isa’t isa sa Filipino at sa marami pa nating mga wika. Naglalayong patatagin ng ASEAN integration ang mga ugnayang pang-seguridad, pang-ekonomiya, at pangsosyo-kultural. Mahirap magpalalim ng pagkilala sa sarili kung sa maraming bagay ay makaungos tayo, maliban sa paggamit nang maalam sa sariling wika o mga wika. Para tayong fantastic fish sa kuwento ng isang guro, na nakagagawa ng maraming kagila-gilalas na  bagay – maliban sa paglangoy. Wala tayong karapatang maging isda. Malansa, oo. 

Kayâ laksa ang bumatikos sa isang editoryal ng isang pahayagan nang punahin nito ang paggamit ni Pangulong Aquino ng Filipino sa kaniyang SONA (State of the Nation Address). Hindi kakaunti ang maipupuna kay PNoy sa kaniyang pamamalakad lalo na sa bandang huli ng kaniyang termino, pero hindi ang pagpapasiyang magsalita sa Filipino. Pinatunayan ng Pangulo na kayang iangat ang Filipino hanggang Malacañang at Batasang Pambansa, at dapat siyang sundan ng kaniyang gabinete at mga opisyal ng gobyerno lalo’t nagbibigay ng pahayag sa taumbayan. 

Kung ginagamit na ng mga nakaluklok at namumuno ang Filipino hindi lamang sa panahon ng eleksiyon kundi sa mga gawaing may kaugnayan sa serbisyo publiko, kung naisasabuhay natin ang atas ng Konstitusyon sa wikang pambansa at mga wika ng bansa matuloy o hindi ang K to 12, kung maituturing natin ang ating kapwa bilang mga kapatid saan man sila naninirahan sa loob at labas ng bayan nating sawi, kung naririnig natin at ginagamit ang Filipino hindi lamang para sa malulubhang damdamin kundi para rin sa mga karaniwang gawain – magiging yugto na lamang sa kasaysayan ang Buwan ng Wika. Hindi na mauuwi sa palabas ang mga pagdiriwang. 

Bawa’t araw ay tunay na pagdakila sa Wika. – Rappler.com 

Si Rebecca T. Añonuevo ay guro at makata, at naglingkod bilang tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Kolehiyong Miriam. Maraming beses na siyang nagwagi ng Palanca at binigyang-pagkilala ng SEAWrite Awards sa Bangkok, Thailand noong 2013. Siya ang kasalukuyang pangulo ng College Faculty Association, at kasama sa General Education faculty na sapilitang tatanggalin ng Miriam College sa 2016, bilang pagtalima sa ganap na pagpapatupad ng gobyerno sa K to 12. 

 

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!