[Bodymind] Is it suicide or not?

Dr Margie Holmes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Bodymind] Is it suicide or not?
Kahit ano ang mga kalagayan, sanhi, o dahilan ng suicide, ang paggalang sa taong nagpakamatay ay napakahalaga at kailangang laging tandaan

Minamahal kong mambabasa ng Rappler:  

Ang pagtatangkang magpakamatay sa sariling kamay ay suicide. Kahit mukhang napakalinaw ng ibig sabihin nito, hindi ganyan kasimple ang magtantiya kung suicide talaga ang nangyari o hindi. Sa huling kolum ko tungkol dito, pinag-usapan natin ang iilang mga sitwasyong hindi mukhang suicide pero sa katunayan ay suicide pala.

Ngayon tatalakayan naman natin ang mga sitwasyong mukhang suicide (dahil kamatayan ang resulta) pero hindi pala, dahil hindi ito ang intensyon ng tao.

Maraming mga kasong ganito. Para sa kolum na ito, babanggitin ko ang 5 sitwasyon kung saan maaari itong mangyari. Ang unang tatlo ay mga sitwasyong hindi ko pa nabasang nangyayari sa Pilipinas. Hindi ibig sabihing hindi pa ito nangyari sa Pilipinas. Masasabi lang natin sigurong mahirap (kung hindi imposibleng) maghanap ng mga nasulat tungkol sa mga kasong ito.

Trigeminal Neuralgia 

Ang Trigeminal Neuralgia o TN ay isang disorder na nakaaapekto ng mga bahagi ng mukha kung saan matatagpuan ang mga sanga ng trigeminal nerve. Kasali rito ang labi, mga mata, ilong, ulo, noo, at buong panga. Napakatindi ng kondisyong ito – kasama rito ang mga matitinding damdaming parang sinasaksak, kinukuryente, o di kaya’y ang tinatawag na mind-numbing na damdaming maaaring bunga ng stimulation na tulad ng simoy ng hangin.

Dahil walang katapusan ang sakit na nadudulot nito noon at walang pagkakataong gumaling ang mga mayroong TN, marami ang nagpapakamatay – hindi dahil ayaw na nilang mabuhay (na sanhi ng suicide) – pero dahil hindi na nila matanggap ang sobrang sakit nito. Iyan ang dahilang tinatawag itong suicide disease.  

Pero ngayon marami ang umaasa sa isang paraan na baka makatulong gawing hindi na ganoon ka-grabe ang sakit. Marahil, sa susunod na mga taon o dekada, hindi na ito tatawaging suicide disease.

Ang parasomnia pseudo-suicide naman ay isang hindi sinasadyang resulta ng mga aksyong may kaugnayan sa pagtulog. Hindi pinaghandaan, hindi planado, at hindi sinadya ng tao ang mga nangyari habang siya’y natutulog. Wala siyang kamalay-malay tungkol sa mga ginagawa niya habang tulog siya. Isang halimbawa ng taong namatay dahil dito si Tobias Wong, isang kilalang New York designer.

Erotic asphyxiation 

Ang erotic asphyxiation naman ang sadyang pagbawal sa daloy ng oxygen sa utak.

Maraming paraan para magawa ito: pagbibitay, paglagay ng plastic bag sa ulo, atbp. Nguni’t ano man ang paraan, pareho ang layunin: para pigain (compress) ang carotid artery sa leeg para lalong tumindi ang pagkalibog habang nagma-masturbate.

Kahit gaano kaingat ang mga gumagawa nito, marami pa ring aksidenteng nangyayari. Ayon kay Dr Uva, mga 250-1,000 kamatayan sa US ang naging sanhi nito.

Isa sa pinakakilalang taong namatay sa ganitong paraan ay si David Carradine. Kinausap ng pamilya ni Carradine Si Dr Baden, isang medical examiner na taga-Amerika, upang suriin din ang dahilan ng kanyang pagkamatay. Pareho ang nakita ni Dr Baden sa dalawa pang medical examiners sa Bangkok: auto asphyxiation.

Mayroon pang dalawang uri ng aksyong pinagkakamalang suicide na hindi naman pala talaga suicide. Binukod ko sila dahil mas may karanasan ang ilang mga Filipino rito – hindi dahil sila mismo ang sumubok sa mga ito, kundi dahil mayroon silang kilala o kaibigang mayroong kilalang sumubok na nito.

Una rito ang pinsala sa sarili (self harm) at ikalawa ang “choking game.” Ang Blackout, Dr Death o Rocket ride ay ibang mga pangalan ng choking game.

Ang “maling pagkalkula” o miscalculation ang pinakapangkaraniwang dahilan (common cause) ng kamatayang may kinalaman sa pananakit sa sarili o sa choking.  

Bagama’t hindi kamatayan ang layunin, ang sobrang diin ng kutsilyo sa paglalayong saktan ang sarili o ang sobrang tagal ng choking game ang nagbubunga ng kamatayan.

Samakatuwid,hindi nakalkula nang sapat o maigi kung hanggang gaano pa puwedeng palalimin ang sugat o hanggang gaano pa puwedeng sikipan ang tali sa leeg bago ito magbunga ng kamatayan. Akala ng tao mayroon pang pasobra – na maaaring mas malalim na pagdidiin pa ng kutsilyo o maaaring mas matagal pa ang pagsakal ng tao – pero labis na pala ito at hindi na kayang tanggapin ng katawan. Kahit na hindi sinasadya, ganun pa rin ang resulta.

Pinsala sa sarili 

Ang pinsala sa sarili (PS), o sa Ingles, self harm ay ang pananakit sa sarili. (WATCH: #AskMargie: Self harm)

Ang paghiwa ng balat na siyang dahilan ng kaunting pagdugo, pero hindi sapat para makamatay, ang pangkaraniwang pinsala sa sarili. (WATCH: #AskMargie: Cutting)

Mayroon pang ibang paraang mag-PS, kagaya ng pagsusunog, pagkakamot, pagbubunot ng buhok na nakasasagabal sa paggaling ng mga sugat.

Ang layunin ng pinsala sa sarili (PS) ay hindi magpakamatay, kahit na ayon sa pananaliksik, nakukumpleto ng 10% ng mga taong may borderline personality disorders ang pagkitil sa sariling buhay sa pamamagitan nito.

Tinitingnan ang pinsala sa sarili bilang isang coping mechanism para makayanan ang pagkabalisa, depression, stress, at kabiguan.  

Ayon sa aking karanasan bilang sikolohista, ang karamihan ng mga pumipinsala sa sarili ay ang mga kabataan (below 25/30). Ayon sa mga sumulat sa akin at pumayag magpa-interview sa akin, ang layunin ng PS ay ang pagkakaroon ng damdaming buhay pa sila.  

Sa dami ng problema, pagkalito at kabiguan nila, namamanhid na raw sila at tila hindi na nila kaya ang anumang damdamin. Ang pinsala sa sarili, lalo na kapag nakita na nila ang dugong umaagos mula sa kanilang sariling katawan, ay isa sa naiiwang paraan para patunayang hindi pa sila tuluyang manhid.

 

Pagwawalang-malay

Iba naman ang layunin ng larong “pagwawalang-malay” (fainting game).  

Wala pa akong nabasang pananalisik sa Pilipinas tungkol sa “pagwawalang-malay” pero ayon sa mga pananaliksik sa ibang bansa, eto ang mga kadahilanan:

  1. Para hindi sila kailangang pumasok sa araw na yon (kasi hinimatay at kailangang pumunta sa clinic)

  1. Peer pressure, lalo na kung ito ay bilang “initiation” para maging kasapi ng isang grupong popular

  1. Para mas maraming malaman (curiosity) tungkol sa altered state of consciousness o para maranas ang isang “near death experience

  1. Paniniwalang ang resulta nito ay isang high o “rush” sa pamamagitan ng pagsasakal ng sarili o ng isang kaibigan na alam ang dahilan ng laro. Kapag panandaliang nawalan ng oxygen ang tao, nagkakaroon siya ng “high” o “euphoria”.

Ayon kay Dr Steve Field, pinuno ng Royal College of General Practitioners ng London, nilalaro ng mga bata ang pagwawalang-malay para magkaroon sila ng high kahit hindi sila bumili ng droga.  

Huwag sana itong mapagkamalang “erotic asphyxiation” na nagdudulot din ng kamatayan nang hindi sinasadya (kaya hindi suicide) at ang kadahilanan ay sekswal. Ang mga laro ng bata sa halimbawang ito ay di para sa sarap ng sex. Hindi rin ito nilalaro ng mga nakatatanda.  

Choking game

Ayon kay Dr David Wolfe, direktor ng Center for Prevention Science, “Hindi bago itong choking game, kaya mas mahalagang may kaalaman ang mga magulang tungkol dito at handa silang kausapin ang kanilang anak tungkol dito at ilan pang mga gawaing mapanganib.”

Ayon pa kay Dr Wolfe, laging naaakit ang mga teenager sa altered state kaya kailangang mag-aral din ang mga magulang nila tungkol sa mga ganitong bagay.

Ang ilang mga palatandaang naglalaro ang mga anak natin ng “choking game” ay ang mga sumusunod: namumulang mata (bloodshot eyes); mga marka sa leeg; madalas na sakit ng ulo; ang pagkakaroon ng maraming mga tali para sa aso, choke collars, lubid, bungee cords, o mga sinturong nakatali sa mga kasangkapan sa bahay (furniture) na walang mabuting paglagyan.

Sa isang pananaliksik noong 2008 ng Center for Addiction and Mental Health, nalamang nasubukan na ito ng 79,000 o higit pa ng mga estudyante sa Ontario (Canada). Nalaman din ng 2006 Youth Health Risk Behavioral Survey sa Williams County, Ohio, na ginagawa rin ito ng 11% ng mga batang may edad 12-18 at ng 19% ng mga batang may edad na 17-18.   

Una kong narinig ang choking game rito sa Pilipinas mula sa isang driver sa ABS-CBN na nagkwento tungkol sa anak ng pinakamalapit niyang kaibigan na nakitang patay na may sinturong nakabalot sa leeg niya.  

Tinanong ko sa kanya kung kamusta na ang mga magulang ng bata at kung nahihirapan ba sila o sinisisi ang kanilang sarili dahil sa nangyari sa anak nila. Yan kasi ang madalas na nangyayari sa mga magulang kung namamatay ang kanilang anak: kahit wala silang kinalaman sa pagkamatay ng bata, madalas nilang tinatanong kung mayroon ba silang ginawang naging sanhi nito o kung mayroon sana silang ginawa para maiwasan ito. Halimbawa: Sana sumama na lang ako sa kanya o sana hindi na lang naging OFW ang nanay niya, atbp.

Pero salamat sa Diyos, mas may basehan sa katotohanan o realistic ang sagot ng kaibigan ng ABS-CBN driver: “Hindi po naman masyado, kasi sabi ng tatay niya laro-laro lang yon.”

Lagi bang kailangang malaman ang tunay na dahilan kung bakit namatay ang isang tao? Para sa maraming mga kaso, ang sagot ay oo. Pero kung ang tanong ay: “Kailangan bang malaman ang mga dahilan ng lahat ng mga suicides na nangyayari? Aaminin kong hindi ko talaga alam.   

Ang alam ko lang ay kung sisikapin nating malaman bakit nagpapakamatay ang tao, mahalagang malaman ang katotohanan, kahit na gaano ito kasakit para sa naiwang mga pamilya at mga kaibigan.  

Ang alam ko rin, kahit ano ang mga kalagayan, sanhi, o dahilan ng suicide, ang paggalang sa taong nagpakamatay ay napakahalaga at kailangang laging tandaan. – Rappler.com 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!