Ilang Moro pa ang kailangan mo para maging Pilipino ka?

Rogelio Braga

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

'Hindi ko alam kung nakalimutan mo na: na tao ka bago ka naging Filipino. Na hindi dapat mahirap sa iyo ang makipag-kapwa-tao'

Ang mga Pilipino ang pumapaslang sa mga Moro. Ang Pilipinas ay isang bayan ng mga mamamatay-tao, pumapaslang mula katawan hanggang kaluluwa, at sa pagitan ng dalawang ito ang mga pangarap, pagkatao, dignidad bilang isang tao. 

At kahapon, sa Batasang Pambansa ng mga Pilipino na huthutan ng yaman ng mga pulitikong Pilipino (na gagawin ang lahat protektahan lang ang interes nila sa kapangyarihan at ang yaman ng kanilang mga pamilya), napatunayan na naman na talagang bukod sa boksing, basketball, beauty contest, pulitika, pambansang past time na talaga sa atin ang pumaslang ng Moro, mula katawan hanggang kaluluwa.

Ilang Moro pa ang kailangan mo para maging Pilipino ka?

Pagdadalamhati

Nagising na lamang ako isang umaga sa hindi matapus-tapos na pagdadalamhati, panghihinayang, lungkot ng mga Moro sa Facebook sa kinahinatnan ng Bangsamoro Basic Law sa Batasang Pambansa. 

Wala akong mahanap na pinakatamang mga salita para isiwalat sa daigdig ang aking nararamdaman. Para magdulog sa kanila ng mga magaganda at mababangong mga salita na hindi ko tatakpan sa hiya ang aking mukha.

Dahil paano mo nga naman isusulat ang isang damdamin na hindi mo kayang pangalanan? Bakit nagawa ito ng mga Pilipino sa mga Moro? Bakit natin inuulit ang ginawa ng mas mga nauna sa atin? Bakit natin hinahayaan na paslangin sa ating harapan, diyan mismo sa ating mga harapan, ang mga itinuturing nating “atin”, ni hindi nga kapwa, kundi pag-aari?

Ang hinihiling lamang nila ay ang nalalabi na sa kinamkam natin. Ang kapiraso matapos ang walang habas na panggagahaman ng isang sistema na kung tawagin ay kolonyalismo, pandarambong ng mga naghaharing-uri sa bayang ito na sila ring mga pulitiko at may hawak ng ekonomiya ng sambayanan.

Pandarambong na may lehitimasyon ng nasyunalismong Pilipino na nakatuntong sa ideyolohiya ng iilang pamilyang nagpapatakbo nitong bayan.

Ilang Moro pa ang kailangan mo para maging Pilipino ka?

PILIPINO. Ipinapakita ba ng pagturing sa Bangsamoro Basic Law na walang pakialam ang mga Pilipino sa mga Moro? Image courtesy of Alejandro Edoria

Limos at nalalabi

Kahit kailan hindi ko itinago ang mga pagdududa ko sa Bangsamoro Basic Law. Dahil hindi pa rin nagbabago ang pananaw ko sa isang katotohanan: na habang ang Bangsamoro ay nasa kamay ng mga Pilipinong pulitiko at nasa pulitika ng kasalukuyang Pilipinas na pinatatakbo ng iilan, hindi nila mahahanap ang liwanag.

Nais kong isipin na mali ako, pero paano ko ngayon ito itatanggi sa aking sarili?

Kung tutuusin, ang BBL ay isa lamang limos ng mga Pilipino sa mga Moro. O abuloy ng sambayanan sa daan-daang buhay, pangarap, kinabukasan, at kapanatagan ng loob na walang habas na pinaslang ng mga Pilipino, mapanatili lang ang imahinasyon ng pagiging isang Pilipino at iisang Pilipinas.

Hindi kasi ako naniniwala, bilang isang tao at makatao, na hindi dapat nililimos ang matagal na sanang naririyan – ang kalayaan ng mga Moro sa mga Pilipino, ang pangarap at karapatan nilang itakda ang kanilang kinabukasan.

Kung tutuusin, ang pagtanggi ng mga Pilipino sa BBL ay pambansang pagpapakita ng takot at kahihiyan: ang takot ng mga Pilipino sa kalayaan. Iyong isang uri ng kalayaan na walang kulay, walang bahid ng alinlangan. Iyong uri ng kalayaan na itinindig sa dignidad bilang tao at makatao.

Ang kahihiyan na kayang ipaglaban ng mga Moro ang isang uri ng kalayaan na hindi kayang gawin ng mga Pilipino sa sarili nilang bakuran. Ang takot sa kalayaan ng mga mas pinapaburan ang pagsandig sa Estados Unidos, sa mga maperang pulitiko na mula sa mayayamang pamilyang nagpapatakbo nitong bayan simula’t sapul na aminin nito sa sarili na isa pala itong bansa.

Kahihiyan dahil ikinatatakot pa rin nating maukilkil ang pamamaslang natin ng mga Moro mula kay Marcos hanggang sa kasalukuyan. Sabagay, hindi mo nga naman kayang ibigay ang mga hindi mo kailanman nakamtan.

Tao bago Pilipino

Hindi ko alam kung nakalimutan mo na – na tao ka bago ka naging Pilipino. Na hindi dapat mahirap sa iyo ang makipag-kapwa-tao

Ilang Moro pa ang kailangan mo para maging Pilipino ka?

Hindi pa Pilipinas ang Pilipinas, naririyan na sila. Hindi pa Pilipino ang Pilipino, may dignidad na sila bilang pamayanan. Ilang daang taon na silang nakikipaglaban para sa kalayaan at kapayapaan – sa mga Kastila, Amerikano, Hapones, at sa mga Pilipino.

Hindi katulad ng mga nasyunalistang Pilipino na parang kabuteng nagsilabasan nito lang. Daang taon ng pakikipaglaban sa kapayapaan at kalayaan, hindi sila nagsimula at magtatapos sa Mamasapano.

Sila ang tahimik na boses sa mga pahina ng history textbook mo sa paaralan. Sila, ang Bangsamoro, ang salaming hawak mong patuloy na magsasabi sa iyo ng napakaraming katotohanang kay hirap tanggapin dahil sa pait, suklam, rimarim – ang katotohanan kung gaano kababa ang bayang ipinagmamalaki mo at kung gaano ka kalungkot dahil sa kinasadlakan mo, ang katotohanang naghahanap ka ng kasama o karamay, sa iyong pagkabusabos.

Ilang Moro pa ang kailangan mo para maging Pilipino ka? – Rappler.com

Si Rogelio Braga ay mananaysay, kuwentista, at mandudula. Inilimbag ng Ateneo de Naga University Press ang kanyang aklat, Sa Pagdating ng Barbaro at Iba Pang Mga Dula, kalipunan ng kanyang mga dulang naitanghal ng UP Repertory Company sa Virgin Labfest ng Cultural Center of the Philippines. Kasalukuyan siyang guro ng Panitikan sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!