[OPINION] Gising na, anak

Jaime Mendejar

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINION] Gising na, anak
Alam kong takot na takot kang ipaglaban kung ano naman ang dapat sa iyo. Pero andito lang ako, anak.

Gising na, anak. Alam kong pagod na pagod ka na para lang mabigyan mo kami ng magandang buhay. Naplantsa ko na ang susuotin mo, kahit na alam kong magugusot din kaagad pagkatapos mong makipagsiksikan sa jeep. Nailuto ko na rin ang baon mo. Pasensiya na, hindi ko madamihan, mahal na kasi bilihin ngayon. Pero lagi mong sinasabi, “Okey lang ’yan, masarap naman.”

Gising na, anak. Alam kong hirap na hirap ka na sa trabaho mo.  Kuwento mo nga isang araw, iyong pinagpuyatan mo na project, inangkin lang ng mga amo mo ang lahat ng papuri. Hindi ka man lang na-recognize. Sabi mo pa nga, iyong mga sipsip sa amo mo pa ang unang na-promote, sinisiraan ka pa, kahit na ikaw naman ang gumawa lahat. Tahimik ka lang. Sabi mo, “Okey lang ’yan, ganyan talaga minsan.”

Gising na, anak. Alam kong ipit na ipit ka na sa sitwasyon mo. Mahirap na maghanap ng trabaho, mahirap na ring may kaaway.  Ang dami pa naming nakasandal at umaasa sa ’yo. Pero kahit ilang beses ka pang pinahihirapan sa trabaho mo, kahit ilang beses ka na nilang niloloko na ipo-promote ka basta gawin mo ang lahat ng sabihin nila, ayaw mo pa ring magsalita. Sabi mo: “Sila naman ang mas may alam. Kaya ko pa naman.”

Gising na, anak. Alam kong iyak ka nang iyak kasi hindi mo maabot ang lahat ng mga pangarap mo. Pangarap ko rin lahat ang mga iyan eh – sabay nating iniisip lahat ‘yan nung bata ka pa. Malas lang siguro, napunta ka sa malupit na amo, ’yung ayaw makinig, may sariling diskarte, may sariling batas. Tinanong kita, hanggang dito ka na lang ba? Sabi mo, “Siguro. Ano ba’ng puwede kong gawin? Parang wala.”

Gising na anak. Alam kong takot na takot kang ipaglaban kung ano naman ang dapat sa iyo. Pero andito lang ako, anak. Ang buong pamilya mo. Karamay mo kami sa tadhanang ito. Hindi mo kailangang paulit-ulit na gumising sa buhay na bangungot pa rin. Di ba, dati, kapag natatakot ka, makasama mo lang ako, ang tapang mo na? Sabi mo: “Balang araw, ipaglalaban ko rin ang tama. Maaayos din ang lahat.”

Gising na, anak. Andito kaming lahat para sa iyo. Bangon na, anak. Tara, tingnan mo, ang ganda ng sikat ng araw! – Rappler.com

Si Jaime Mendejar ay ehekutibo sa isang bangko. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!