[OPINYON] Edukasyon at pagsasakapangyarihan ng mga botante

Mark Anthony Abenir

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Edukasyon at pagsasakapangyarihan ng mga botante

Angie de Silva

Nakasalalay ang kinabukasan ng ating bansa sa pagboto natin sa darating na halalan kung kaya't nararapat na imulat din natin ang ating mga kapwa-botante

Tuwing napapanahon ang eleksyon dito sa Pilipinas, popular ang tinatawag na voter’s education. Layunin nito na bigyan ng kaalaman at buksan ang isip ng mga botante patungkol sa tamang pagboto, pag-alam sa mga katungkulan na kailangang gampanan sa pamahalaan, pagtalakay ng mga plataporma at posisyon sa mga isyu ng mga kandidato, at pagdiskurso sa mga katangian ng isang kandidato na karapat-dapat na iluklok sa puwesto. (READ: [OPINION] The revolution Filipinos must uphold)

Malawak ang saklaw ng voter’s education. Ang mga halimbawa nito ay maaaring sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pormal na porum, pagpunta sa mga miting de avance, panonood at pakikinig sa mga pormal na balitaktakan, at sa mga panayam kasama ang mga kandidato. Ang pinakapilosopiya nito ay naka-angkla sa paniniwalang laging pipiliin ng mga tao na gawin ang tama sa pamamagitan ng pagboto ng karapat-dapat na kandidato kapag sila ay may sapat na kaalaman at kamulatan. (READ: First-time voters: ‘As young people, we could change something’)

Epektibo ba ang voter’s education?

Sa aking pakikipanayam at pakikipaglakbay sa mga kapwa Pilipino na nabubuhay sa mga laylayan ng bansa, ang labanan ng tamang pagboto ay hindi lamang sa pamamagitan ng voter’s education, kundi sa mas higit na kakayahan ng mga kandidato na “ligawan ang masa” sa pamamagitan ng pagpapasikat ng kanyang mukha at pangalan sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas, pagpunta nang personal sa mga nagdarahop at nagdadalamhati, pangangako at pamimigay ng panandaliang tulong-pinansyal at serbisyo sa mga nangangailangan, at epektibong pagbabahagi ng kuwento na sila ay naging mahirap, para sa mahirap, at malinis ang hangarin para sa mga Pilipino. (READ: [OPINYON] Voters’ (mis)education)

Dagdag na puntos dito ang pagiging sikat na artista o anak ng artista na iniidolo ng masa dahil madali na lang maipakikilala ang iyong sarili sa publiko. Isang puntos din kung ikaw ay may kakayahan na ipakita sa masa na ikaw ay kinawawa at nagkaroon ng inspirasyon na tumakbo at ipagtanggol ang mga inaapi.

Lahat ng pamamaraan na ito ay hindi tumutugma sa layunin ng voter’s education ngunit sila ay epektibo upang maluklok ang kandidato sa puwesto. Kaya nga umabot na tayo sa punto na pinagtatalunan pa natin kung dapat nga bang tapat, marangal, at may integridad ang ating iboboto. (READ: 25% of Filipinos want candidates who ‘will not be corrupt’ – SWS)

Ang mga nabanggit na pamamaraan upang ligawan ang mga botante ay nangangailangan din ng malaking salapi at mga backer na may malalim na bulsa upang maitawid ang mga kandidato sa ganitong istilo. Kaya masasabi natin na dehado talaga ang mga kandidato na pasok sa pamantayan ng voter’s education ngunit walang malaking pantustos upang ligawan ang masa. (READ: #PHVote: Campaign rules for 2019 midterm elections)

Bakit laging nakatuon sa masa?

Dahil sa mas maraming mahihirap na Pilipino ang may posibilidad na magluklok ng sikat o baguhang kandidato sa kapangyarihan, laging nakatuon ang usapan sa mga ordinaryong mamamayan. Kung gayon, maliit lang ba ang kakayahan ng masa upang makapili ng mga tamang tao na dapat iluklok sa puwesto?

Para sa akin, pumipili ng tamang taong iboboto ang masa dahil ang tamang tao para sa kanila ay ang may kakayahang ibsan ang kanilang kumakalam na sikmura at maibigay, kahit na panandalian, ang kanilang pangangailangan para sa araw-araw. Bagkus, ang dapat itanong ay hindi patungkol sa kung maliit ba ang kanilang kakayahan, kundi malaya nga ba talaga silang nakakapili ng iboboto? Hangga’t sila ay nakagapos sa tanikala ng kahirapan, ang sagot ay hindi.

Ano na ang dapat nating gawin para maging malaya ang pagboto? Ito ay nangangailangan ng matagalang solusyon. Pangunahin dito ang kolektibong pagtugon sa pangangailangan ng mga tao upang mabuhay nang may dangal. Bahagi rito ang pagkakaroon ng mga basic services mula sa pamahalaan at lipunan. Kailangan din ng kolektibong partisipasyon para sa malinis, tapat, at huwarang pamahahala dahil hindi nagtatapos ang katungkulan natin sa pagboto. Panghuli, kakailanganin ng kolektibong pagmamanman at regulasyon sa galaw ng mga dambuhalang korporasyon upang masupil ang kanilang pagkahumaling sa ganansiya. 

Nalalapit na ang araw ng eleksyon, ngunit marami ang nadismaya sa resulta ng isang electoral survey. Ano ang dapat nating gawin upang hindi maluklok sa puwesto ang mga taong sinasamantala ang kahirapan ng ating mga kababayan? Panahon na upang hindi lamang ang pribadong konsensiya ang maisaalang-alang sa pagboto dahil kung ‘yun ay tama, bakit ganito ang mukha ng politika natin ngayon? 

Dapat tayo’y lumabas na sa ating pagtatago upang makausap ang mga indibidwal sa lahat ng antas ng buhay. Kailangan nating maipaliwanag sa kanila sa pamamagitan ng taos-puso at magalang na  pakikipag-usap ang ating mga paraan sa pagpili ng mga karapat-dapat na iboto. (READ: Cebu youth to fellow voters: Research on Senate bets)

Kung tayo nga ay tunay na mulat, tulungan rin nating mamulat ang iba dahil nakasalalay na ang kinabukasan ng bansa sa pagboto natin sa darating na halalan. – Rappler.com

Mark Anthony Abenir, DSD, is an associate professor and the director of the Simbahayan Community Development Office of the University of Santo Tomas, Manila. He is a development worker and currently serves as chair of the Community Development Society of the Philippines. You may follow him o Twitter @mark_abenir.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!