Bakit walang galang sa Filipinas ang ibang bansa?

Nelson Forte Flores

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

'Lantaran, walang takot, at sabay-sabay tayong sinasamantala ng Tsina, Malaysia, Vietnam, Hapon, at Taiwan dahil mahina tayo'

Patuloy na yumayabong ang ekonomiya at lumalakas ang puwersang militar ng Tsina. Hindi na siya ang “Sick man of Asia” na pinagsamantalahan ng bansang Hapon at iba’t ibang mga kanluraning bansa noong 1800 hanggang 1900.

Sa kabila ng kanyang mga rebolusyonaryong ugat na namukadkad nang itayo ni Chairman Mao Zedong ang People’s Republic of China noong 1949, naging tila katulad na rin siya ng mga bansang nang-abuso sa kanya.

Naging isang mang-aagaw na rin ng mga likas na yaman ang Tsina. Sa pamamagitan ng kanyang “9-dash line” ay inaangkin niya ang halos buong South China Sea o West Philippine Sea. Kabilang sa mga ito ang maliliit na isla-islahan na tradisyonal na pag-aari natin, katulad ng Ayungin Shoal, Panatag Reef, at Kalayaan Islands Group. ‘Ika nga sa wikang Ingles, “China has become what she hated most.”

Kasabay ng unti-unting pagkawala ng ating mga teritoryo dahil sa Tsina, sinasamantala naman ng Malaysia ang pagkakataon. Hindi kaila sa ating intelligence community na tinutulungan ng Kuala Lumpur ang Moro Islamic Liberation Front at ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa kanilang pangunahing layunin na ihiwalay ang Mindanao sa ating republika. Ginagamit ito ng Malaysia upang kalimutan natin na pag-aari ng Sultante of Sulu ang Sabah at dapat ay nakapaloob ito sa ating teritoryo. Sa madaling salita, ang MILF at BIFF ay naririyan para huwag na nating habulin ang Sabah.

Kasabay ng mga  banta sa atin ng Tsina’t Malaysia ay inaagawan naman ng yamang dagat ng mga Taiwanese, Hapones, at Vietnamese ang ating mga mangingisda. May mga pagkakataon pang itinataboy ng Taiwanese Coast Guard ang ating mga mangingisda habang nakatanaw lamang ang mga miyembro ng ating Philippine Coast Guard.

Lantaran, walang takot, at sabay-sabay tayong sinasamantala ng mga bansang ito dahil mahina tayo. Higit sa kung ano pa man, ang kahinaang ito ay nakaugat sa halos kawalan natin ng pambansang kaakuhan o national identity, na nagpapahina naman sa pamahalaan.

Sa katunayan, ang napakanipis nating pambansang kaakuhan ang isang malaking dahilan kung bakit napakadali para sa marami sa atin ang magpalit ng citizenship, kung bakit walang hirap tayong mag-adopt ng mga banyagang kaugalian, o kaya’y bulgarang mangarap ang ilan na maging ika-51 estado ng United States ang ating republika.

Ang totoo niyan, sa kabila ng mukhang pagiging moderno at lantarang pagyakap natin sa mga kaugaliang kanluranin, lalo na sa ideya ng nation-state, ay nananatiling tribal o makatribu ang pananaw natin sa buhay. Ang pagkakaroon ng napakaraming mag-kakakumpetensyang tribal-based Filipino associations sa ibayong dagat ay matibay na patotoo ng ating pagiging “nationally fragmented.” Dahil sa ating pagiging makatribu ay nagiging napakadali para sa mga dayuhan na tayo’y pag-away-awayin o manipulahin.

Tama man o mali ay pinalalala ng pamahalaan ang ating kahinaan sa pamamagitan ng pagkiling nito sa mga polisiya na:

  • harang sa tunay na industriyalisasyon
  • lalong nagtutulak sa atin para umasa sa speculative foreign investments
  • ma-addict, ika nga, sa Overseas Filipino Workers remittances
  • hadlang sa paglaganap ng siyentipiko at makabagong edukasyon

Patuloy ding sinusuportahan ng ating mga pinuno ang pyudalismo na ugat ng pagkakaroon ng political dynasties at patronage politics o padrino system.

Lalong sumasama ang sitwasyon dahil sa pananatili ng ating client relationship o ang neo-kolonyal na relasyon sa United States. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit hirap na hirap tayong pandayin ang isang pambansang kaakuhan at kung bakit kumikiling ang pamahalaan sa mga patakaran na humahadlang sa ating industriyalisasyon.

Ang neo-kolonyalismo rin ang ugat kung bakit ang ating foreign relations policy ay kopya, kundi man kahimig, ng mga ipinalalabas ng American State Department sa Washington.

Sa ganitong kalalagayan ay hindi kataka-takang walang galang sa atin ang maraming bansa, at kung bakit mapang-insulto nila tayong tinatawag na “little brown Americans.” 

Mantakin na lamang na sa kabila ng pagiging non-aligned ng ating bansa ay malinaw na hindi pambansang interes ang tinutugunan ng ating foreign relations policy. Pansinin na sa mga kritikal na yugto ng kasaysayan ng mundo ay palagiang nakatugon ang ating foreign relations policy sa geopolitical interest ng Amerika gayong hindi sa lahat ng panahon ay pareho tayo ng pangangailangan o interes.

Hitik sa ebidensya ang ating kasaysayan ng pagkakaroon natin ng client relationship sa US. Halimbawa, ito ang nagtulak sa atin para tanggapin ang mga saliwang probisyon ng 1951 RP-US Mutual Defense Treaty (MDT) na basehan ngayon ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Ang hindi pantay na ugnayang ito rin ang dahilan din kung bakit nilululon natin ang mga anti-mamamayang panukala ng International Monetary Fund at World Bank. Ang mga ito ang siyang naglulubog sa atin sa utang at nagpapalaganap sa privatization ng mga pampublikong institusyon. Malinaw na ngayon na ang privatization ang nag-aalis sa responsibilidad ng pamahalaan na kalingain ang mga mamamayan. Ito naman ang nagiging kagyat na ugat ng ating kahirapa’t kahinaan.

Malinaw na masyadong tayong nabulagan sa ating pagiging kliyente ng US. Ang status na ito ay nagpakitid sa ating pananaw kaya hindi natin nakikita ang kahalagahan nang pagtindig ng Tsina bilang ikalawa sa pinakamalaking ekonomiya ng mundo at ang patuloy na paglubog naman ng US bilang pangunahing puwersa sa daigdig.

Nakalulungkot na hindi kinikilala ng US ang mga ating sakripisyo nang mga nagdaan panahon. Halimbawa, ppuro sa salita lamang nakasalalay ang kanilang garantiyang ayuda kung sakaling tayo’y may makadigmang ibang bansa. Walang nakasulat sa papel na awtomatiko at kategorikal na garantiyang ayuda ang US sa atin katulad ng ibinigay nito sa Japan o mga bansang nakapaloob sa North Atlantic Treaty Organization o NATO.  

Ayon sa Article III ng 1951 MDT, bago tayo tulungan ng pamahalaang Amerikano ay kailangan muna nilang konsultahin at hingan ng permiso ang kanilang kongreso. Mag-uusap muna ang mga opisyal ng ating republika at US kapag sa kanilang “opinyon ay may banta sa territorial integrity, political independence, o seguridad ng alin man sa kanila.”  

Ang  sabi naman ng susunod na artikulo ay ganito: “Each party recognizes that an armed attack in the Pacific area on either of the parties would be dangerous to its own peace and safety and declares that it would act to meet the common dangers in accordance with its constitutional processes.

Ang ibig sabihin ng mabubulaklak na probisyong ito ay: aanihin lamang natin ang karapatang kumonsulta sa mga Amerikano kung sakaling sa opinyon natin ay nanganganib ang ating teritoryo o kalayaan dahil, halimbawa, sa Tsina. Gayon man, ibabatay sa mga “constitutional processes” ang kanilang magiging tugon sa ating pagkonsulta. Ibig sabihin, maaaring wala tayong aasahang tulong kung “sa palagay” ng kanilang kongreso ay hindi pabor sa kanilang interes na tayo’y tulungan. Lumalabas na ang katagang “constitutional processes” sa probisyon ng 1951 MDT ang maaring emergency exit ng mga Amerikano para umiwas sa kanilang obligasyon.

Malinaw pa sa sikat ng Haring Araw na ang kasalukuyang ugnayang pang-ekonomiya ng US sa Tsina ay napak-halaga. Ang  pagiging mabuting kliyente ng ating pamahalaan ay hindi sapat para tapatan ang kahalagahan ng relasyon ng US at Tsina. Kailangan ng US ang Tsina dahil sa pera nito at kailangan naman ng Tsina ang US bilang merkado ng mga produktong kanilang iniluluwas. Sa ngayon ay halos imposibleng tumakbo ang kanikanyang mga ekonomiya kung wala ang isa’t isa.

Maliban sa pagiging sunod-sunuran o subservient ng ating foreign relations policy, ang ating ugnayang panlabas ay OFW-centric. Ito sa aking palagay ay salamin ng ating pagiging alila ng mga Kastila, Amerikano, at Hapones sa loob ng mahigit na 400 taon.

Ayon kay Professor Walden Bello, dating miyembro ng Kamara bilang kinatawan ng Akbayan: “Today, a huge chunk of our foreign policy is centered on the concerns of our OFWs in their respective country of employment and somehow a mere extension of the Department of Labor and Employment. From protecting our OFW’s against injustices endured by our countrymen under the hands of abusive employers, opportunistic middlemen, and dubious recruitment agencies to exhausting our diplomatic missions by shaking hands and greeting Sheiks in the Middle East and thanking them for ‘welcoming’ the very people, which are contributing to the development of their economies. As a result, our foreign policy outlook and energy has been confined to a specific set of issues and has hardly evolved beyond.”

Ang pagiging subservient at mendicant ng ating mga foreign policy makers ang dahilan kung bakit tayo ay nasa isang sulok ngayon, at kung bakit tila wala tayong epektibong nagagawa laban sa Tsina, Malaysia, Vietnam, Hapon, at Taiwan kundi ang patuloy na lumilim sa pantalon ni Uncle Sam. Ang totoo, sa kabila ng mga salitang pampalakas loob ng US ay nag-iisa tayo sa pakikibaka laban sa Tsina. Malinaw na hindi sasangkot ang Amerika sa ating laban dahil ayon sa kanila ay hindi sila nakikialam sa mga “territorial dispute.” Alam at inamin din ito kamakailan ni Armed Forces chief Gregorio Catapang.

Hindi rin natin maaasahan ang Association of Southeast Asian Nations o ASEAN sapagkat sila’y nakikinabang sa pakikipagkalakal sa Tsina. Tayo lang at wala nang iba pang papasan sa isyung ito. Kung ano man ang nangyayarng girian ng US at Tsina ngayon sa Pacific Ocean ay tiyak kong wala tayong kinalaman doon. Iyon ay pormahan ng US at Tsina para sa pamamayagpag sa Dagat Pasipiko; iyon ay tunggalian ng isang tumitindig at hinahamong bansa.         

Kailangang maisalba ng administrasyong papalit kay BS Aquino ang ating foreign relations policy upang hindi tayo maipit sa nag-uumpugang mga bato. Kailangang ang ating magiging bagong foreign policy ay para sa ating interes at hindi sa geopolitical security ng US. Hindi natin kailangang manlimos ng tulong o maging tagapagluwas ng mga alila sa mundo. Ang kailangan natin ay isang malaya, makabayan, intelehente’t mapanuring ugnayang panlabas. – Rappler.com

Nagtapos si Nelson Flores ng kurso sa pamamahayag sa Pamantasang Santo Tomas at kurso sa batas mula sa Pamantasang Adamson. Dating mamamahayag ng Philippine Daily Inquirer at dumating noong 2006 bilang immigrant sa Estados Unidos, kasalukuyang aktibo si Nelson sa binubuong Filipino Ministry ng Simbahang Episcopal sa Houston, Texas. Tinatalakay niya doon nang manaka-naka ang mga usaping panlipunan sa Pilipinas at ilang bahagi pa ng Timog Silangan at Silangang Asya.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!