[Bodymind] Mga maling akala, paniwala ukol sa suicide

Dr Margie Holmes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Bodymind] Mga maling akala, paniwala ukol sa suicide
Hindi tama ang paniwalang isa sa pinakamalaking dahilan ng suicide sa isang bansa ay ang kahirapan [sa pera]

Minamahal kong mambabasa ng Rappler.com:

Sinubukan kong magsulat sa wikang Filipino dito sa Rappler.com dahil sa maraming mga maling paniwalang (myths) lumulutang ngayon tungkol sa suicide. Inaasahan kong makatutulong ito, kung di man maging daan, upang maisaayos ang iilang mga paniwala, detalye, o impormasyon.

Ang aking karanasan bilang sikolohista (clinical experience) at bilang isang kolumnistang sumasagot sa mga liham mula sa mga mambabasa nang higit na sa 25 taon ang basehan ng aking sinusulat.

Noon, ang mga liham sa akin ay sulat-kamay lamang at pinapadala sa post office – snail mail kung tawagin. Ngayon naman ang karamihan ay email at private message sa Facebook. Kahit na ang karamihan ng mga liham ay tungkol sa pag-ibig at sekswalidad, mayroon ding mga isyu tungkol sa suicide.

Isa pang basehan ng aking kolum ay ang mga pananaliksik (research studies) at mga librong binasa ko tungkol sa suicide. Ang pinakanakatulong sa mga binasa ko ay ang mga sumusunod: Ang una ay sinulat nina DH Granello at PF Granello – Suicide: An Essential Helping Guide for Helping Professionals and Educators (2007). Ang ikalawa ay sinulat ni D. Waserman – Suicide: An Unnecessary Death (2005). 

Maling paniwala #1: 

Kapag tinanong ninyo sa isang tao kung naisipan na ba niyang mag-suicide dahil sa kanyang mga problema, ang maaaring resulta ng inyong tanong ay ang pag-iisip niyang gawin ito, kahit na malayo ito sa kanyang iniisip bago mo pa siya natanong.

Hindi po ito totoo.   

Gaya nga ng sinabi ni Lee Ann Hoff, isang research crisis specialist, “Suicide is too complex a process to occur as a result of a sincere and caring person asking a question about suicidal intent.”  (Ang suicide ay mahirap unawain dahil napakakomplikadong isyu nito. Kapag nagtanong ka sa isang tao kung may balak siyang mag-suicide at ikaw ay isang nagmamahal at nag-aalala sa kanya, hinding-hindi ito magbubunga sa suicide

Sa katotohan lang po, minsan nakakatulong pa nga ang magtanong tungkol rito.

Una, para sa mga taong nag-iisip ng suicideat least ngayon alam nila na mayroong isang taong nakakaunawa sa kanilang kalagayan sa oras ng kanilang kabiguan sa buhay. 

Ikalawa, alam din ng mga taong may ganitong sitwasyon na may handang makinig na hindi matatakot o malilito kahit na ibahagi ang kanilang nararamdaman o saloobin. 

Maling paniwala #2:

Kapag pinag-uusapan ng isang tao ang suicide, ibig sabihin hindi na niya gagawin ito.

Hindi po ito totoo.

Ayon sa pananaliksik, mga 80% ng mga taong sumubok mag-suicide ay nakipag-usap sa ibang tao bago nila sinubukang tapusin ang sariling buhay. Salamat naman at hindi ito nangyari (attempted suicide) o hindi nila kinitil ang sarili nilang buhay (completed suicide).

Hindi ibig sabihin na harapan nilang sasabihin o ipaaalam na magpapakamatay sila. Hindi kailangang ganito ka-diretso ang kanilang sasabihin: “Bukas magpapakamatay ako ng alas-tres ng hapon.”

Maaari nilang sabihing ito ay parang kuro-kuro lamang; halimbawa, “Gaganda kaya ang buhay ng pamilya ko kung wala na ako rito?”

Maaari rin namang na sinyales lamang ito na kunwari’y nakikipagkuwentuhan o magtatanong sila tungkol sa ibang tao; halimbawa, “Ano kaya ang iniisip ng tao bago siya magpakamatay?” o “Mayroon kayang mabubuting dahilan para sa pagpapakamatay ng isang tao?”

Maaari ring hindi pinag-uusapan o naririnig ang salitang suicide o pagpapatiwakal pero sinasabi niyang wala siyang halaga, inutil (worthless) siya, walang pag-asa (hopeless), o nag-iisa at hindi na niya kaya ang mga problema niya, at walang makatutulong sa kanya (helplessness).  

PAALALA LANG: Kapag mayroon kayong kilala o alam na nagsabi ng mga bagay na ito, huwag ipagsawalang-bahala o magbingi-bingihan. Kailangan niyong seryusohin ito.

Maaari kang husgahan o magmukhang katawa-tawa sa harap ng ibang tao kapag ikaw ay mag-aalala sa isang taong nagbibitiw ng mga salitang katulad ng mga halimbawa ko. 

Akusahan ka na nagpa-panic ka sa isang bagay na wala namang basehan; na drama queen o OA ka. Pero kadalasan ang mga huhusga sa iyo ay isa sa mga pamilya o kadugo ng taong nagsasalita ng ganito. 

Ang mga kadahilanang hindi naniniwala ang ibang miyembro ng pamilya ay dahil sa:  

  1. hindi nila inaasahan ang magiging reaksyon mo kaya’y nagulat o nabigla 
  2. hindi nagbukas sa kanila o walang pakialam sa kanila ang nagbukas sa iyo.
  3. hindi matanggap na may isang miyembro ng pamilya ang may nag-iisip o may balak na magpakamatay.  

Posible ring naniwala ka sa sinabi ng isang taong wala namang balak magpakamatay (at nag-panic ka lang). Pero hindi mo malalaman hanggang seryusohin mo ang mga sinasabi niya, di ba? Kung kaya’t hindi ba mas mabuting subukan seryusuhin siya kasi minsan may mga bagay na di natin inaasahan na kailangan palang seryusuhin.  

Maling paniwala #3:

Isa sa pinakamalaking dahilan ng suicide sa isang bansa ang kahirapan (sa pera) 

Hindi rin po ito totoo.

Ang kahirapan ay hindi malaking dahilan ng suicide. Kagaya ng depression, natatamaan ang lahat ng socio-economic status, at ang pagiging mayaman ay hindi garantiyang hindi magpapakamatay o hindi magiging depressed ang isang tao. Kahit po pag-aralan ang mga dahilan ng suicide, hindi sumasang-ayon ang mga pananaliksik na ang kahirapan ay dahilan ng pagpapakamatay ng isang tao.  

Ang kahirapan, kung sa pera lang ang pinaguusapan, ay hindi sapat na dahilan ng pagpapakamatay ng isang tao.  Ang tunay na kahirapan (poverty) na maaaring maging epekto sa mga nagpapakamatay ay ang kakulangan ng gabay at pagmamahal sa kaniya ng pamilya o mga nakapaligid sa kaniya.  

Marahil ang maling paniniwalang ito’y ay dahil sa impluwensya ng media. Minsan ang  ang responsable sa maling paniniwalang ganito.  Isang dahilan ay ang mga kuwento tungkol sa suicide ay siguradong makakakuha ng maraming mambabasa (“good copy”).  Para tumaas ang interes sa storya, naghahanap ang iilang mga babasahin (newspapers, magazines) ng mga storyang talagang nakakaiyak, nakaka awa at tumatama talaga sa puso.  Isa sa mga iyon ay ang sobrang kahirapan ng taong nagpakamatay. 

Maling paniwala #4:

Kapag sinubukan ng isang taong mag-suicide pero nabuhay siya (attempted suicide), ibig sabihin hindi na niya ito susubukang muli.  

Hindi rin po ito totoo.  

Ayon sa mga pananaliksik, nakukumpleto ng mga 10% ng taong sumubok magpakamatay at nabuhay ang plano nila. Nakatatakot talagang pag-isipan ang bilang na ito. Pero puwede rin sigurong tingan sa ibang perspektibo: 90% ng mga nag-attempt ng suicide ay hindi namamatay. 

Kung sumubok nang mag-suicide ang isang tao, risk factor itong susubok siyang muli. Ayon sa pananalisik nina Drs Grenallo, nakukompleto sa loob ng tatlong buwan pagkatapos ng unang subok ang maraming suicide. Mabuti sigurong maging extra alert sa 3 buwang ito. 

Minsan nalilito ang mga tao dahil marami sa nagsusubok ng suicide ay tila may malaking pagbubuti (significant improvement), lalo na sa umpisa.  Ang kabutihang ito ay hindi pagkukunwari. Talagang bumubuti sila pero itong pagbabago ay hindi tumatagal.

Nagugulat ang maraming tao dahil, kinakailangan ang lakas ng loob (inner strength) para sumubok ng suicide, lalo na kapag nakumpleto o nabuo ito, . 

Ang mga may malalalim na depression o kalungkutan ay walang sapat na lakas o tibay mag-suicide. Nakapagtataka para sa marami na kailangan ng sapat na antas ng pamumuhay (level of improvement), bago magpakamatay.  

Marami pang mga maling paniniwala tungkol sa suicide pero ang apat na nabanggit ko ang mga mas pangkaraniwan sa kanila. Inaasahan kong nakatulong ito nang kahit kaunti. Susubukan kong magsulat muli tungkol sa malaking trahedyang ito sa lalong madaling panahon. Ingat – MG Holmes 

– Rappler.com

The Natasha Goulbourn Foundation has a depression and suicide prevention hotline to help those secretly suffering from depression. The numbers to call are 804-4673 and 0917-558-4673. Globe and TM subscribers may call the toll-free number 2919. More information is available on its website. It’s also on Twitter @NGFoundationPH and Facebook.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!