#AnimatED: Comelec Debate 2, A for Entertainment

Rappler.com
#AnimatED: Comelec Debate 2, A for Entertainment
Nasindihan ba ang kandila sa karimlan? Lumiwanag ba?

Rody Duterte kay Mar Roxas: “This guy cannot handle stress, he’s a weak leader.”

Mar kay Duterte: “Yan ang brand ng Duterte justice, kung ano nasa isip n’ya ‘yan ang kanyang papaniwalaan.” 

Jojo Binay kay Grace Poe: “Hindi ka tunay na Pilipino.”

Poe kay Binay: “Dito ka nga nakatira, nangulimbat ka naman ng pera.”  

Puso vs Karanasan vs Husay vs Pagbabago. 

Kung baga sa boksing, eto na ata ang pinakamakapigil-hiningang laban mula nang magtagpo si Fidel Ramos at Miriam Santiago sa ring ng pulitika noong 1992. At di lang dalawa, kundi apat ang kabayong neck-and-neck. (READ, WATCH: Cebu presidential debate)

Pero ayon sa social scientists na sina Ronald U. Mendoza at Jan Fredrick Cruz, magkakahawig ang policy platforms ng lima (kasama si Ginang Miriam Santiago). Walang black and white, lahat grey. Walang philosophical at policy differences ang napaka-personal na pulitika ng Pilipinas. Sa dinami-dami ng drama, “Revenge of the Clones” pala ito. 

Kaya nga mahalaga ang mga debate. Dito sana mahihimay ang mga kandidato – sino ang tunay na nakakaintindi ng isyu? Sino ang sinsero? Sino ang kabisote? 

Nasindihan ba ng Comelec at TV networks ang kandila sa karimlan? Ewan ko sa inyo, pero ito ang sigurado: umulan ng kwarta para sa network na naunang nag-host ng debate. Sa dalawang oras na debate, nakabenta ang GMA7 ng 48 mins ng ads. Batay sa discounted rate card ng istasyon (approx P580,000/30 sec), maliit na ang kitang P55 milyon! Kaya nga ang taon ng eleksyon ay tinuturing na bumper crop year ng mga TV stations. Walang talo, laging panalo.

Pero ang taumbayan, bitin na bitin. Puro blurbs at soundbites na pinagtahi-tahi ang narinig natin noong CDO debate. Pagalingan ba ito ng platoporma, o pagalingan ng asta?

Dito naman sa debate ng TV5, inasahan natin na natuto na sila sa karanasan ng Ch 7. Pangako ni Commission on Elections Chairman Andy Bautista, “improved” daw ito dahil may 45 minutes na idinagdag. 

Improved nga ba? Hindi biro ang isa’t kalahating oras ng antala. Pinutakti ng netizens ang 3rd top network sa batikos dahil sa delay. Aminado ang hepe ng TV5 News and Public Affairs na si Luchi Cruz Valdes na nagkamali siya sa koordinasyon tungkol sa “notes” ni Vice President Jojo Binay.

Walang duda, mas nakaaaliw ang pangalawang debate. A for entertainment value. Hindi mapuknat ang mga Pinoy na nanood sa balyahan ng mga magkakaribal. Madalas nga off-topic ang mga hirit. Keber, maisingit lang ang tira. 

‘Di namin masasabing ito’y “debate at its finest,” pwede pa sigurong “mudslinging at its finest.” 

Pero di bale na. Ang mahalaga, mas makatas ang debateng ito. Nakita natin na halos walang sense ang depensa ni Vice President Binay tungkol sa umano’y katiwalian sa Makati. Nakita natin na hanggang ngayon, hindi maipaliwanag ni DILG Secretary Roxas kung bakit di s’ya sinabihan ng Pangulo tungkol sa Mamasapano mission. Nakita natin na hindi sinagot ng malinaw ni Senator Poe ang mga tanong tungkol sa bahagi ng coco levy fund na hawak pa ni Danding  Cojuangco. Nakita natin na sa mata ni Davao Mayor Duterte, ang karapat-dapat na presidente ay ang presidenteng handang pumatay.

Nabilaukan ka ba sa hirit ni Duterte? Natawa ka ba nang naipit si Mar? Napa-ismid ka ba sa sagot ni Poe? Napasimangot ka ba ni Binay? Lahat ng ‘yan may katapat na emoji! 

Ito nga ang trahedya ng mga Comelec debates at Eleksyon 2016 – isa itong higanteng labanan ng emoji. Hindi talino ang magpapanalo sa kandidato kundi emosyon. Ayon sa mga pag-aaral, mas naalala ng tao ang mga bagay na kumakalabit sa damdamin. 

Sana lang, naalala rin ang mga botante ang mga pagkakataon na nagpamalas ng dunong ang mga kandidato: ang plataporma ni Poe sa Freedom of Information bill; ang plano ni Binay sa pag-abolish ng income tax for P30,000.00 below wage earners; ang plataporma ni Mar Roxas sa clean energy; ang balak ni Duterte sa climate change mitigation.

Sabi ng Rappler adjudicators, may tatlo silang pamantayan sa paghusga sa mga kandidato sa larangan ng debate: matter, manner and method. ‘Wag lang tignan ang manner at method. Tignan din ang matter — ang sustansya ng kanilang sinabi. 

Kaya nga ang kampanya ng Rappler ay pinamagatang #TheLeaderIWant – hindi #TheLeaderILike. Sinong kandidato ang magsusulong ng interes mo? – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.