[EDITORIAL] Ano ang gintong aral ng mga gintong medalya?

Rappler.com
Another gold that the SEA Games can bring – the cautionary tale of entrusting our national pride and coffers to power brokers and slick politicians


Napakatamis ng tagumpay na inihatid ng mga atletang Pinoy sa SEA Games at maaga pa lang ay nangunguna na ang Pinas sa medal tally! Andyan ang gintong hinakot ng gymnast na si Carlos Yulo, mga triathlete na sina John Chicano at Kim Mangrobang at mga mananayaw sa dancesports.

Isang masigabong palakpakan at pagsaludo ang ipinapaabot ng Rappler sa mga atletang nagsikap at nagtiyaga sa kabila ng kalunos-lunos na supporta ng mga komite sa sports (na pinagharian ni Peping Cojuangco nang ilang dekada).

Napaluha rin kami sa tuwa nang nagmartsa ang mga batikang atleta tulad nina Lydia de Vega, Akiko Thomson, Eric Buhain, Alvin Patrimonio, Bong Coo, Efren ‘Bata’ Reyes, Onyok Velasco, at Paeng Nepomuceno. Ang paghihirap at tagumpay nila ang naging pundasyon at inspirasyon sa mga sumunod na henerasyon. 

Nakakambiyo rin ang mga organizers sa engrandeng opening ceremony, na nagpatingkad sa husay ng mga Pinoy sa pag-awit, pagsayaw, at pagtatanghal. 

Malaking palaisipan nga lang bakit kailangang i-pretape ang pagsisindi ng kawali sa New Clark City sa Capas, Tarlac – isang bagay na taliwas sa “live” na diwa ng palaro. Kinakabahan ba ang mga organizers na baka hindi sumindi ang kawa na kung susuriin sa video ay electronic naman ang trigger? 

Sa halagang P50 milyon, nakapagtatakang hindi kinayang gawing live ang pagsisindi. Ano’t ano man, sana’y inanunsyo na walang sindihang magaganap dahil may mga manonood na nagtungo sa Clark City upang masaksihan ang cauldron lighting. Ang masakit, pinaalis pa sila sa lugar. 

Pero hindi ‘yan ang pinakamasalimuot – at nangangamoy malansang isda – sa buong SEA Games. Ilista natin dito:

  • Bakit sinusundan ng pondo ng SEA Games si Speaker Alan Peter Cayetano saan man siya ma-appoint? Nasa Department of Foreign Affairs pa lang si Cayetano nang ipinanganak ang kasunduang magiging host ang Philippine Sea Games Organizational Committee (Phisgoc) at ang Philippine Olympic Committee (POC) ng palaro.  (BASAHIN: Multi-billion SEA Games 2019 fund follows Cayetano where he goes)
  • Pero malinaw na red flag ang tangkang ilagay ang budget na dapat ay nasa isang sports body papuntang DFA. Tinawag ni Senador Franklin Drilon na “misallocation” ito dahil walang mandato ang DFA na paunlarin ang sports sa bansa. Napansin na lang ito ng mga senador sa plenaryo matapos maaprubahan ang badyet. Mismong ang nakaupong kalihim ng DFA ay humiling na tanggalin ang P7.5 bilyong alokasyon sa kanyang departamento.
  • At paano naman nangyaring walang bidding para sa P1.5 bilyong kontratang ipinasok ng Phisgoc? Dahil wala na umanong panahon at kakayanang mag-bidding, ipinasa ng POC at PSC sa Phisgoc ang direktang kontrol sa pera sa ngalan ng “financial assistance.” Komento nga ni Senador Panfilo Lacson, nangangamoy pork barrel funds ang diskarte sa mga pondo. 
  • Malaking tanong din bakit naging chairman ng Phisgoc si Cayetano, gayong isa siyang miyembro ng Gabinete nang nabuo ang kasunduan, at pagkatapos naman ng eleksyon, ay naging congressman at Speaker. Labag ba ito sa Konstitusyon at nararapat ba ito?
  • Ukol sa appointment ni Cayetano, ayon sa constitutional law professor na si Tony La Viña, kung hindi man nito nilalabag ang batas, nilalabag nito ang diwa ng batas. Paano na ang check and balance sa pondong parang tutang susunod-sunod sa amo nito?
  • Tungkol naman sa higanteng kaldero: paliwanag ng POC na siyang may hawak ng higanteng pondo, Phisgoc daw ang nagpasya sa disenyo at konstruksyon ng kawa sa New Clark City – at naglabas lang ng pera ang POC. 

Sa kabila ng kaliwa’t kanang palpak sa opening at mga venue na hindi pa tapos isang linggo bago ang games, nanatiling protektado si Cayetano. Mismong si Presidente Rodrigo Duterte ang nagsabing hindi siya sangkot kung may anomalya man.  

Panahon ngayon ng pagdiriwang at pagbigay papuri sa magigiting na atleta.

Hanggang ngayon, umaalingawngaw pa rin ang hysteria ng mga fake accounts na kumuyog sa mga kritiko ng organizers. Hindi raw makabayan ang pamumuna ng mga kritiko.

Sino ang hindi makabayan? ‘Di ba’t ang mga pumalpak sa simpleng pagsundo ng mga banyagang atleta at pag-book ng mga hotel nila? Makabayan ba ang lumustay ng singkwenta mil sa isang kawang ni hindi masindihan nang real time?

Sa kabuuan, simbolo ng takbo ng utak ng mga organizers ang naka-record na pagsisindi ng kaldero: bingi, sensitibo sa kritisismo at peke. 

Pero kapag winawalis na ang mga confetti, tapos na ang mga martsa at nanahimik na ang palakpakan, tiyakin nating bantayan ang auditing ng pondong ipinangako ni Cayetanong masusuri ng Commission on Audit.

Pinalitan lang ba natin ang palpak na rehimen ni Cojuangco sa sports ng isang Cayetano – na ayon sa kanyang mga kritiko ay mas tuso, mas nakadikit sa Malacañang, at mas bihasa sa diskarte sa pondo?

Habang nagdulot ang SEA Games ng gintong medalya, maghatid din sana ito ng gintong aral: na maging mapagbantay at mapanuri tayo sa galawan ng pera sa kaban ng bayan. Ang susunod nating aasahang bayani? Ang mga auditors ng COA. – Rappler.com