Philippine anti-terrorism law

[EDITORIAL] Batas militar na mismo ang anti-terror law

Rappler
[EDITORIAL] Batas militar na mismo ang anti-terror law
Yinuyurakan ng anti-terror law ang 'inviolable, fundamental constitutional right' laban sa hindi makatarungang pag-aresto
Editorial AnimatEd Esperon Calida Anti Terror Law Supreme Court

Nitong Mayo 12, humantong sa sukdulan ang red-tagging ng gobyerno.

Walang iba kundi si National Security Adviser Hermogenes Esperon ang nagpalabas ng lumang tapes ni Jose Maria Sison at inamin naman nitong front organizations ng Communist Party of the Philippines ang ilang progresibong organisasyon tulad ng Bayan. (Ang aktwal na sinabi ni Sison ay kasama ang mga ito sa “legal democratic forces.”

Samakatuwid, nang-red-tag si Esperon sa harap mismo ng Korte Suprema! At ang mas masakit, hindi siya kinwestyon sa kanyang pahayag.

Sabi ng Free Legal Assistance Group lawyer na si Ted Te, sana’y pinanood muna ng Korte kung may katuturan ang videos at siniyasat ang authenticity nito. Dagdag pa niya, ang “uncontested annotation” ng video ay naging di patas at “prejudicial.” Halos direct examination testimony na raw ang video ng isang taong hindi naman na-swear in at hindi na-cross-examine. (Ibinaba na ni Atty Te ang tweet niyang bumabatikos sa video presentation ni Esperon.)

Sabi nga ng petititioners, isang kabalintunaan na ni red-tag ni Esperon ang mga progresibo sa harap ng Kataas-taasang Hukom, samantalang ito nga ang dahilan bakit binaha ng petisyon ang Korte.

Pero hindi lang ‘yan ang nakagigimbal na nangyayari sa oral arguments. Nahalungkat din ang ilan sa pinaka-delikadong mga aspeto nito:

  • Sa ika-8 araw ng oral arguments sa harap ng Korte Suprema, lumitaw na may kapangyarihan pala ang anti-terror council na ipag-utos ang matagalang detensyon ng isang taong pinaghihinalaang may kaugnayan sa isang umano’y grupong terorista, kahit na ang ibinibintang sa tao ay hind terorismo.
  • Dati, sabi ng mga tagapagtanggol ng batas, ang designation na terorista ang organisasyon ay maaaring mauwi lamang sa pagpi-freeze ng assets. Ngayon, inamin mismo ng Office of the Solicitor General (OSG) na batayan na ito upang makasuhan ang isang myembro. Sa ilalim ng batas, maaaring mag-order ang isang korte ng preliminary order of proscription na kasimbilis ng 72 oras nang walang kahit isang pagdinig.
  • Ipinaliwanag ng OSG na kung nakasuhan ka ng illegal possession of firearms pero hindi ka naman kinasuhan ng terorismo, maaaring ipag-utos ng anti-terror council ang patuloy na pagdetine sa ‘yo.

Sabi ng dating mahistrado ng SC na si Antonio Carpio, sa ilalim ng Konstitusyon, ang karapatan laban sa ‘di makatarungang pag-aresto ay isang “inviolable” o pundamental na constitutional right. Sabi niya, winawasak ng anti-terror law ang “inviolable fundamental constitutional right” na ito.

‘Wag nating ipagkibit-balikat ang Anti-Terrorism Law. Batas itong gagarote sa demokrasya, magkukulong sa mga nagtatanggol ng demokrasya, magpapahintulot ng torture, at magiging sandata laban sa mga kritikong ngayon pa lang ay nababansagan nang pula.

Sabi ng respetadong sociologist na si Randy David, para sa mga ipinanganak matapos ang Martial Law, nasa imahinasyon lang ang batas militar. Ngayon daw, magkakaroon ang kasalukuyang henerasyon ng konkretong ideya papaano mabuhay sa ilalim ng estadong kontrolado ang lahat ng aspeto ng buhay.

Uulitin namin ang sinabi ni Carpio: Kapag may anti-terror law, hindi na kailangan ng batas militar upang magtaguyod ng martial rule.

Paano namamatay ang kalayaan? Kapag nananahimik tayo. #CourageON. – Rappler.com.