COVID-19

[EDITORIAL] Handa ka na bang mabakunahan ng ‘Made in China?’

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Handa ka na bang mabakunahan ng ‘Made in China?’
Sa normal na mga sitwasyon, ang korupsyon at incompetence ay 'sad and bad.' Sa panahon ng COVID-19 ito’y pagtataksil sa bayan.

Handa ka na bang magpaturok? Dumating na sa wakas sa Pilipinas ang 600,000 doses ng Sinovac vaccines  – na donasyon ng Tsina at hindi natin binili. Simula na raw ito ng kampanyang pagbabakuna. 

Pero handa na ba ang mga Pilipinong magpaturok gayong 46% ang ayaw magpabakuna dahil 73% sa kanila’y hindi sigurado kung ito’y ligtas?

Pero hindi ‘yan ang buong kuwento, 15% lamang ang handang magpaturok ng vaccines galing sa Tsina.

Untouchable Mon Tulfo

Enter…Mon Tulfo. Inamin niyang siya ang nagsilbing tulay sa pagpapaturok ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Sinopharm sa panahong iligal pa ang paggamit nito. (Di ba’t ang palusot ni Spokesman Harry Roque kung bakit ayaw magpabakuna in public ng Pangulo ay dahil overaged daw ito.) Inamin din ni Tulfo na nagpabakuna na siya, at iisa ang source ng bakuna niya at ng Presidential Security Group (PSG) ni Duterte.

Umaanggulo kasi si Tulfo, ang Special Envoy for Public Diplomacy to China, na maging local distributor ng Sinopharm. Pera-pera lang naman lahat ‘yan.

Bakit naging Special Envoy ang isang tulad ni Tulfo, hindi natin alam – ang sigurado ay hindi siya kwalipikado sa diplomasya. Bakit siya binibigyan ng kapangyarihan sa loob ng gobyerno ni Duterte na magkonek sa Presidente gamit ang backroom channels para manghingi ng ‘di aprubadong vaccine – mas lalong hindi natin alam. 

Sino ba si Tulfo? Bakit malakas pa rin siya sa kabila ng baho ng kanyang mga kapatid? ‘Di ba’t pinagkakitaan umano ng kapatid niyang si Ben Tulfo ang pagkakatalaga ng kapatid nilang si Wanda Teo na naging tourism secretary? Higit sa lahat, bakit pinapayagan si Mon Tulfo na siraan ang isang pinuno na may mahalagang papel sa paglaban sa COVID-19 tulad ni vaccine czar Carlito Galvez Jr? 

Malinaw na nakatapat si Galvez (isang pinagkakatiwalaang ex-military ni Duterte) ng isang untouchable sa administrasyon. ‘Yan si Tulfo, malakas, madulas, at kahit sinuway niya ang gag order ni Duterte na huwag pag-usapan ang iligal na bakuna – ang tanging masasabi ng Palasyo ay ito, “He can do as he pleases.” Eto pa, wala raw sa posisyon si Pangulong Duterte na pilitin si Tulfo na mag-cooperate sa imbestigasyon ng gobyerno. Talaga? Nasusupalpal ni Duterte ang Santo Papa, pero hindi si Tulfo?

Hindi natin alam kung bakit bentang-benta kay Duterte ang sanggano, snake-oil salesman na si Tulfo. Dahil ba pareho silang sanggano? (Batid ba ng Presidente na minsan na itong tumiklop sa kamao ni Claudine Baretto?) Masyado bang malalim ang pinagsamahan ni Tulfo at ni Presidente, na tulad ng palpak na health secretary, ay hindi matuklap-tuklap sa impluwensya sa Malacañang? At ang pinakamalaking tanong, magkano ang kinita ni Tulfo sa lahat ng ito? 🤑 At sino pa ang ibang nakinabang sa cash-register diplomacy?

Napag-iwanan na naman

Mabalik tayo sa vaccines. Dumating na ang mga ito sa panahong nagsimula nang magbakuna ang mga bansang Bangladesh, Cambodia, and Lao PDR – mga bansang mas mahihirap pa sa Pilipinas. Eto ngang Indonesia, nasa pangalawang yugto na ng mass vaccination

Bakit tayo napag-iwanan? Mukhang sheer incompetence. Papetik-petik ang mga opisyal sa pagbili ng vaccine. Mismong mga taga-Department of Foreign Affairs, nabuwisit at sinabing “we dropped the ball” at sinisi si Health Secretary Franciso Duque. Kahit si Galvez, clueless sa proseso at sa mga papeles na kailangang ma-fill-up. Kailan lang nila napagtantong kailangan ng indemnification fund at batas na magpapatupad dito. [Buntong-hininga.]

Ayon sa The Economist Intelligence Unit (EIU) sa 3rd quarter pa ng 2023 inaasahang makakapagbakuna ang Pilipinas ng 60% ng populasyon nito. Ilang Pilipino pa kaya ang mamamatay sa COVID-19 at sa gutom bago mangyari ‘yan? 

Pagtataksil sa bayan

Ang hirap humugot ng optimism o pag-asa sa gitna ng pandemya gayong malinaw na walang kukote, kasanayan o disiplina ang mga pinuno natin na labanan ang pandemya. 

At ang malaking kalokohan, ang mga bulnerable sa COVID-19 – ang matatanda tulad ni Health Secretary Duque at Department of National Defense chief Delfin Lorenzana – hindi pwedeng turukan ng Sinopharm, dahil hindi kasama ang mga 60 years old pataas sa emergency use authorization (EUA) nito. 

Kaya’t kung akala mo’y mapapabakunahan mo ang iyong senior citizen na magulang o lolo/lola, huwag ka nang umasa. Antayin mo na lang ang susunod na delivery ng bakuna na hindi Sinopharm. 

Sa normal na mga sitwasyon, ang korupsyon at incompetence ay “sad and bad.” Sa panahon ng COVID-19 ito’y pagtataksil sa bayan. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!