New Bilibid Prison

[EDITORIAL] Ang gangsterismo ni Bantag at impunity sa Bilibid

Rappler.com
[EDITORIAL] Ang gangsterismo ni Bantag at impunity sa Bilibid

Nico Villarete

'The degree of civilization in a society can be judged by entering its prisons.' Kung iyan ang pamantayan, talagang dispalinghado ang ating lipunan.

Bawa’t balita tungkol sa suspendidong hepe ng Bureau of Corrections na si Gerald Bantag ay mala-telenovela – nakayayanig at nakakaloka dahil sobrang mapangahas at over-the-top.

Siya ang hepe na nagpatayo ng napakalalim na swimming pool dahil “master scuba diver” daw siya, at tila afterthought, para daw sa disaster training. Last time we checked hindi disaster response ang mandate ng BuCor.

Ang idinahilan naman niya sa boss niya, si Department of Justice Chief Boying Remulla, ay naghuhukay daw siya ng Yamashita gold. Makes sense di ba? One fake news deserves another.

Ito na nga siguro ang pamana ni Rodrigo Duterte – hinugot sa tadyang niya ang inappoint sa Bilibid na si Bantag.

Ayon sa isang account, si Bantag daw ang hepe na nagbitbit ng dalawang samurai swords at isang Uzi machine pistol nang pinulong niya ang mga NBP guards sa harap ng 28,500 na inmates.

Tila may talento talaga ang Duterte administration sa paghahanap ng pinakabulok na mga pinuno. Akala natin wala nang tatalo pa sa milagrong ginawa ng dating BuCor chief na si Nicanor Faeldon na nagtangkang magpardon sa convicted murderer and rapist na si Antonio Sanchez. Aba here comes Bantag – mas malaki ang ego, mas feeling-diyos.

Speaking of Duterte, naamoy na pala ng mga tao niya sa Presidential Management Staff na nangangalingasaw ang swimming pool kaya’t hindi nila pinapunta si Duterte sa groundbreaking – bakit natapos doon ang pagsilip nila sa anomalya? Bakit sila nagkibit-balikat? Dahil ba susi si Bantag sa mga kasong inimbento gamit ang mga inmates laban sa ikinulong na si dating senador Leila de Lima?

Si De Lima rin ba ang dahilan bakit naging untouchable si Bantag, at mismong si dating DOJ chief Menardo Guevarra ay clueless sa higanteng swimming pool na hinuhukay sa mismong bakuran ng key agency na may oversight siya?  

At mabalik tayo kay Secretary Remulla. Sa kanyang pahayag, tila alam niya ang tungkol sa swimming pool at inorder niya ang agarang pagpapatigil nito noong “Agosto o Setyembre” – pero bakit hindi niya agarang tinanggal sa puwesto si Bantag? (Oktubre na nasuspinde si Bantag dahil naging person of interest sa kaso ng pagpaslang kay Percy Lapid.) Sabagay, masuwerte rin si Secretary Remulla. May sumulpot na isyu na nag-overshadow sa umano’y special treatment ng kanyang inarestong anak. 

At sa gitna ng lahat ng makalaglag-upuang mga rebelasyong ito, ang talo ay si Percy Lapid at ang mga naghahabol ng hustisya para kanya. Inagaw ng excavation sa Bilibid ang atensiyon ng publiko sa pagpaslang sa isa sa kakarampot na matapang na mamamahayag sa bansa.

Nahalungkat ang mga kabulastugan sa Bilibid dahil na rin sa pagpatay kay Percy, dahil ang mga middleman daw ay nasa Bilibid. Opo, dapat po’y walang cellphone sa loob ng kulungan, pero kung nakalulusot ang jacuzzi, flatscreen TV, queen-sized beds, droga, at mga prostitute – bakit hindi makalulusot ang mga cellphones na ginagamit panghanap-buhay ng mga kriminal? 

Muli kitang-kita ang pattern ng impunity na tatak sa noo ni Duterte. ‘Yan ang mafia politics ng dating presidente kung saan ang mga tao niya’y naghari-harian sa kani-kanilang mga ahensiya. Wala silang takot na masita, o makasuhan, kaya’t lantaran ang pambabastos nila sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Sabi ni Raymund Narag at Clarke Jones sa artikulo nila sa Bililbid, ito ang pinakamalaking mega prison sa buong mundo, na may 28,000 inmates. Ang isang guwardiya ay bisor ng 500 inmates, malayo sa 1:7 na ideal na ratio na nais ng BuCor Modernization Law. 

Ang problema raw ay “structural, organization and cultural.” Dahil sa dami ng inmates, ginagamit ang mga mayores at kubol system upang magpairal ng semblance ng kaayusan sa kulungan. Sabi ng mga may-akda, ang kaayusan na ito ay nakabatay sa kapangyarihan, at sinasalamin lamang ang mga di-pagkakapantay-pantay sa ating lipunan.

Bangungot na nga ang overcrowded na mega-prison mula sa isang management perspective, magtatalaga pa ng mga gangster na katulad ni Bantag upang mamuno rito nang walang accountability.

Sa bandang huli, sana’y alam na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Secretary Remulla na hindi uubra ang simpleng pagpapalit ng liderato sa BuCor. 

Kailangan dito ng honest-to-goodness cleansing (ang paboritong salita ng pulisya), pagbabalik ng propesyonalismo sa mga warden, at agarang maibsan ang hindi makataong overcrowding na ugat ng mayores at kubol system.

Hindi inilagay ng lipunan ang mga nahatulan sa kulungan upang kalimutan at paagahin ang kanilang impiyerno. Ang sistema ng hustisya ay hindi natatapos sa korte at pagkukulong – ito’y nasusundan dapat ng rehabilitasyon.

Sabi nga ni Fyodor Dostoevsky, “The degree of civilization in a society can be judged by entering its prisons.” Kung iyan ang pamantayan, talagang dispalinghado ang ating lipunan. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.