[EDITORIAL] Bayanihan o babuyan?

Sa unang araw ng evacuation sa mga karatig-bayan ng bulkang Taal, sinabi ng mga residente na sa kabila ng panganib, uunahin nilang tiyakin ang hanapbuhay kaysa lumikas, lalo na sa panahon ng pandemya kung saan laganap ang mga lay-off at walang ayuda.

Nabigla rin kami. Parang lahat ng bagay bumabalik sa pandemya.

Si President Rodrigo Duterte naman, nakuha pang magbiro. “Dumaan man kami kanina. Siguro lagyan ko lang ng cap 'yung butas nitong Taal na 'yan."

Pero ano ba ang bago? Hindi naman siya hinalal dahil sa kanyang empathy. Hindi nga, pero hindi rin naman akalain ng mga botante na siya'y papatay, mambabastos, at magiging ganito ka-imcompetent.

Noong Setyembre 2020, namayagpag ang self-reported hunger sa 30.7%. Ito na raw ang pinakamalalang kagutuman mula nang nagsimulang mangalap ang Social Weather Stations ng ganitong datos. Ibig sabihin nito, may 7.6 milyong kabahayang dumaranas ng gutom.

Kamakailan, inabot na ng Pilipinas ang 1.4 milyong kaso ng COVID-19 cases.

'Yan ang nakita namin sa mata ng mga refugees sa Taal na handang makipagsapalaran laban sa bulkan huwag lang magutom at mapasama sa ibang refugees na walang social distancing. Isang taon na nilang kaulayaw ang hirap, dusa, at kamatayan mula sa COVID-19 – ano ba naman ang isa pang panganib?

Sa National Capital Region bubble naman, kung saan tumanggap ng ayuda ang mga residente, nakaiiyak ang ipinamigay: P1,000 cash o goods bawa't indibidwal, na may maximum na P4,000 kada pamilya. Noong 2020, nakatanggap ang mga low-income families ng P5,000 hanggang P8,000.

Apat na libo bawa’t pamilya? Hindi pa ito sapat ipambayad sa rentang naipon at nagkapatong-patong sa haba ng panahong walang trabaho ang mga haligi ng tahanan. Hindi ito sapat na pambayad-utang sa 5-6. (P6 ang balik ng inutang na P5 – ito ang sistema ng pautang ng mga loan shark sa komunidad.)

Isang linggo lang ang itatagal niyan sa limang-kataong pamilya. At masuwerte pa nga ang mga taga-NCR, ang ibang rehiyon, walang ayuda!

Pero teka, wala bang pera ang gobyerno kaya tipid na tipid ang pag-ayuda?

Hindi po. Ang totoo, may tumataginting na P9 bilyong hindi nagastos ang gobyerno at magiging technical malversation – isang krimen – kung gagastusin pa lagpas Hunyo 30.

Ayon kay Albay Representative Edcel Lagman, patunay daw ito ng kapalpakan ng administrasyong Duterte na sagipin ang mga Pilipino mula sa panganib ng krisis pangkalusugan at pagsadsad ng ekonomiya.

Kaya’t giit ng mga progresibong ekonomista, ipasa na ang Bayanihan 3. Ipinapanukala ni Marikina Representative Stella Quimbo at ng House Speaker, layon ng P420-bilyong economic relief package na akayin ang mga pinakagipit na sektor: ang mahihirap, manggagawa, at maliliit na negosyo.

Nag-adjourn na ang Kongreso at tila walang hakbang na ipasa ang Bayanihan 3.

Sa bawa’t yugto ng pandemya, ipinapakita ng pamahalaang Duterte na inutil itong sagipin ang bayan sa kagipitan. Ang masakit, mahal pa rin ng bayan ang Presidenteng nagpabaya sa kanya.

Dahil kung may pakialam siya, sana'y tinawag niya ang Kongreso upang magdaos ng special session at i-extend ang deadline ng Bayanihan 2. Opo, simpleng batas lang na mag-e-extend ng deadline ang kinailangang ipasa.

Hmm, hindi kaya't may katwiran ang haka-hakang idinedelay ang mga ayuda upang ma-i-timing sa eleksyon para sa panahon ng kampanya, ito ang tatatak sa botante? At alam mo naman ang Pinoy – madaling makalimot, basta nahimas na ng konting tulong at sangkatutak na awit at sayaw sa entablado.

At sa lahat ng ito, ang promotor ng pagkakait ng tulong sa bayan ay ang inutil na economic team ni Duterte. Palpak ang budget na isinumite, inipit ang government spending at itinuloy ang paggastos sa imprastruktura. Iginiit din nila kay Duterte ang maagang pagbubukas ng ekonomiya -- na siya namang nauwi sa dagdag pang lockdown.

Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo, aanhin pa ang kalye kung tirik na ang mata ng babiyahe?

Napakagandang konseptong Pilipino ang "bayanihan," pero salamat kay Duterte at sa kanyang mga inutil na alipores – sa babuyan tayo pupulutin. At makaaasa ka, nilechon na nila ang baboy at wala tayong aabutan. – Rappler.com