[EDITORIAL] Bibliya ng Facebook: OK lang magsinungaling, basta may K ka

Humiliating’ treatment of Duterte at Japan enthronement rites? MALI.

PNR Bicol Express ‘reopened’ in September 2019. PEKE.

De Lima ‘rushed to hospital,’ wears neck brace. PEKE.

Sex video of Ateneo priest and college student.’ PEKE.

Lahat ng nakalilitong impormasyong ito ay nanggaling sa Facebook. Ang mga ehemplong ito ay kinalap at na-fact-check ng Rappler.

Lima-singko ngayon ang pekeng memes, dinoktor na video, paninirang-puri, at lantarang maling impormasyon sa social media, lalo na sa Facebook, ang pangunahing pinagkukunan ng balita ng mga Pinoy. 

Ito ang kompanyang nangongolekta ng iyong data, ang nagmamay-ari ng baby photos mo, alam kung kailan ang iyong birthday, anibersaryo, kung ikaw ay may karelasyon, at siyang nagpapasya kung ano ang laman ng news feed mo.

Ito rin ang kompanyang yumaman sa impormasyon mo – nitong nakalipas na quarter kumita ito ng $8.8 billion.

Nabibilang sa users nito – 1.86 bilyon – ang kalahati ng populasyon ng mundo .

Sabi ni Mark Zuckerberg, CEO ng Facebook, sa isang liham noong 2017 na naglatag sa mala-gobyerno nitong papel: “Develop the social infrastructure to give people the power to build a global community that works for all of us.” Dagdag pa niya, ito'y isang global community that “prevents harm, helps during crises and rebuilds afterwards.”

Kamakailan lang sinabi rin niya: “I believe deeply in the social good that journalism provides. Today, it’s more important than ever: We need the news to scrutinize the powerful, reliably document major events, and uncover new truths.

Ang labo naman nito! Bakit? Kamakailan din lang, nilagom ng mga mamamahayag ang pattern na makikita sa mga polisiya ng Facebook at Twitter. Lumilitaw na may dalawang klase ng free speech” – ang binibigkas ng sikat at ang sinasabi ng di sikat. Puwede ring tingnan na ganito: ang sinasabi ng may kapangyarihan at ng wala.

Sa bagong panuntunan, puwedeng angkinin ng isang pulitiko ang kahit na anong tagumpay o karangalan, kahit na hindi totoo. Halimbawa, kung ngayon sinabi ni Bongbong Marcos na grumadweyt siya sa Oxford at Wharton, lusot ito sa Facebook.

Nang bumili ng ad space ang kampanya ni Trump para sa 2020 US elections at naglako ng kasinungalingan tungkol sa kalabang si Joe Biden, dinedma lang ng Facebook ang reklamo ni Biden.

Si Senadora Elizabeth Warren naman, tinest ang sikmura ng Facebook para sa fake news. Bumili siya ng ad na nagsasabing inendoso ng Facebook ang reelection ni Trump (na hindi naman totoo) – at batay sa bagong panuntunan, hindi ite-takedown ang ad. Basta binili mo, lusot (maliban sa ilang alituntunin). 

Ganito rin ang Twitter. Kahit na nag-post ng kasinungalingan ang isang world leader,” hindi ite-take down ang tweet dahil sa “newsworthiness” nito.

Ang lumilitaw ay isang “new world order” kung saan social media platforms ang hari. At sino ang nagsisilbing check and balance sa mga platforms? Wala.

Walang hangganan ang kapangyarihan ng Facebook – na ginagamit ng halos 100% ng populasyon sa Filipinas. Minamanipula nito ang pananaw natin sa buhay dahil alam ng Facebook ang mga personal nating impormasyon, at pinagkakakitaan pa ito.

Minsan nang sinabi ng CEO ng Rappler na si Maria Ressa na “Facebook broke democracy in many countries around the world, including in mine.

Sinabi rin niya: “If you don’t have facts, you can’t have truth. If you don’t have truth, you don’t have trust. If you don’t have these two things, you don’t have democracy.”

Sa makatuwid, sinasabi ng Facebook at ni Zuckerberg: OK lang magsinungaling. Lalo na kung makapangyarihan ka. At nagbayad ka. – Rappler.com