2022 Philippine Elections

[EDITORIAL] Ang gulong ng palad ni Bongbong Marcos

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Ang gulong ng palad ni Bongbong Marcos
Ano ang mensahe ng madreng humarap sa tangke para sa iyo, Bongbong Marcos?

Gusto nating kutusan ang spokesman ni Bongbong Marcos na si Vic Rodriguez na nagpupumilit na hindi lahat ng electoral protest ni Marcos laban kay Leni Robredo ay ibinasura ng Korte Suprema. Pati ba Kataas-taasang Hukom, babaliktarin mo? Eto ang pamasahe, pumunta ka na lang sa barangay – doon ka magreklamo.

Sabagay, mismong kasaysayan nga ng Pilipinas, nagawang baliktarin ng mga Marcos. Wala raw namatay? Wala raw natortyur? Golden age daw ng Pilipinas ang pamumuno ni Ferdinand Marcos? Naku! Gold ba kamo? Tanso, siguro. Ang dami niyong natanso. Ang dami niyong nagoyo sa pekeng Camelot. (BASAHIN: One fiction ends but false narratives remain)

Masakit ba, Bongbong, ang matalo ng tatlong beses? Natalo ka sa eleksyon. Natalo ka sa recount. At natalo ka mismo sa desisyon ng Hukom. Sorry, hindi namin mabura sa aming mga mukha ang ngiti.

‘Yan ay sa harap ng walang patid na maniobra niyo sa Presidential Electoral Tribunal (PET). Andiyang ipa-inhibit lahat ng naupong mahistrado sa PET. Mismong Solicitor General, nag-abugado pa para sa inyo. Nagsumite pa kayo ni SolGen Jose Calida ng carbon copy na mosyon. (Psst, Manong Bongbong, uubra lang ang copy-paste sa social media, hindi sa hudikatura.)

Naudlot na tadhana?

Si Ferdinand Marcos sa mga Pilipino ay katumbas ni Adolf Hitler sa mga Aleman, at ni Benito Musollini sa mga Italyano. Pinangibabawan ng Batas Militar ni Marcos at ng inyong pamilya ang buhay pulitika ng mga Pilipino nang higit na 5 dekada, at hinugis niyo ang kamalayan namin sa maraming masamang paraan.

Kaya’t nitong 2016, nang payagan ng bagong upo na Pangulong Rodrigo Duterte ang paglibing sa inyong ama sa banal na lupa ng mga bayani, nanlumo ang mga lumaban at nanindigan laban sa diktador.

Marami sa mga Pilipino, kalaban o kakampi, ang naniwalang hindi mapipigilan o “inevitable” ang pagbabalik ng eredero. Kaya’t kamangha-mangha na sa dami ng hidden wealth ng mga Marcoses, natalo ka pa, Bongbong. May sagot diyan ang lola namin: Ang gulong ng palad, umiikot.

Di ba’t ikaw itong may pekeng degree mula sa Oxford University? Tulad ng kapatid mong si Imee na may pekeng degree mula sa Princeton? Tulad ng nanay niyo na may pekeng British accent? At tulad ng tatay niyo na may pekeng US war medals?

Ano ba ang ginto sa dulo ng bahaghari mo, Bongbong? Aba’y Malacañang, ano pa? ‘Yung anak nga ni Lee Kuan Yew, walang kahirap-hirap, nagmana ng trono ng Singapore. Ang anak ni Diosdado Macapagal naging presidente na, ‘yung anak ni Cory at Ninoy Aquino, nahalal na ring pangulo – bakit ikaw na lang ang hindi pa tumutupad sa iyong pakikipagtagpo sa kasaysayan? Tsk, tsk.

[EDITORIAL] Ang gulong ng palad ni Bongbong Marcos
Marcos ❤️ Duterte

Sabi nga ng istoryador na si Leloy Claudio, ang “pinaka-importanteng tactic na ginawa ng mga Marcos ay sumakay sa fans ni Rodrigo Duterte.” Dalawang taon bago ang 2016 elections, gamit ang disinformation network, pinaugong na ng mga Marcos ang narrative na pinakamahusay na presidente si Makoy at tiger economy na raw dapat tayo ngayon kung nagtuloy-tuloy ang kanyang pamumuno. (BASAHIN: Networked propaganda: How the Marcoses are using social media to reclaim Malacañang)

May kaunting problema ka lang, BBM. Kung kaalyado mo si Duterte, ang isa sa pinakapalpak sa COVID-19 management sa buong mundo. Lumipas na ang kalagitnaan ng Pebrero na siyang pinangakong unang delivery ng bakuna sa Pilipinas, nakatunganga pa rin tayo. Gusto mo ba talagang maka-tandem sa 2022 ang anak niyang si Sara at manahin ang lahat ng sablay ng administrayon niya?

Ang mensahe ng madre at tanke

Bongbong, ngayon ang linggo ng paggunita ng People Power revolt na nagpatalsik sa inyong pamilya. Totoo, hindi natupad ang pangako ng EDSA. Sabi ng mga nagsusuri ng kasaysayan, naisalin lamang ang poder mula sa isang paksyon ng mayaman at makapangyarihan patungo sa iba pang paksyon ng mayaman at makapangyarihan. 

Pero kasalanan ba iyon ng EDSA People Power, o kasalanan ng henerasyong nagwaldas ng pagkakataong ireporma ang lipunan sa paraang makikinabang ang busabos at inaapi?

Sa inyo, mga kapwa ordinaryong Pilipino na nakasaksi sa 1986 EDSA, buksan natin ang baul ng alaala at ikwento sa buong mundo. Sa pagitan ng mga bulaklak na tangan ng mga madre at mga tangke ng sundalo, nakaipit ang walang kupas na tapang, kagitingan, at pagpupursigi laban sa tiranya. 

‘Yan ang tunay na pamana ng EDSA. ‘Yan ang baon natin patungo 2022.

At ang gulong ng palad mo, Bongbong, ay ito: Lagi’t lagi, may babangga sa pagbabalik mo. Lagi’t lagi, may mga Pilipinong nagmamahal sa kalayaan na sisira ng iyong engrandeng iskema. Lagi’t lagi, may kandila sa dilim. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!