Philippine agriculture

[EDITORIAL] Linisin, kung ’di buwagin, ang Sugar Regulatory Administration

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Linisin, kung ’di buwagin, ang Sugar Regulatory Administration

Emil Mercado

Sa imbestigasyon ng Senado, sana’y huwag makaligtaan ng mga mambabatas ang mga kailangang ayusin sa sistema at industriya.

Ang nararamdaman lang natin bilang mamimili ay ang nakalulula nang presyo ng asukal (kasabay ng nagtataasang halaga ng iba pang batayang pangangailangan ng mga tahanan). 

Hindi lang asukal na ikinukutsarita sa kape sa umaga ang pinag-uusapan dito. Kasama sa apektado ang asukal na sangkap sa mga inihahanda ng mga panaderya para sa tinapay ng mag-aagahan at cake ng may handaan; ng mga gumagawa ng softdrinks na pangmeryenda at juice na pambaon ng mga bata sa eskuwela; ng mga karinderya at maliliit na restoran na takbuhan ng mga manggagawa at pamilya. 

Ang resulta: lalong nagigipit ang gipit nang mga pamilya; nagbabantang magbawas ng operasyon at magtanggal ng mga manggagawa, kung hindi malugi o tuluyang magsara, ang mga negosyo.

Ang dapat nating makita – nakapapagod at nakapanghihina mang isipin – ay ang mas malawak at malalim na ugat ng problema ng Pilipinas sa suplay ng asukal. Deka-dekada itong salimuot na binalangkas, kinunsinti, at prinotektahan ng pamahalaan at malalaking negosyante. Sumambulat lang ang lahat sa harapan natin ngayon. 

Ang hard facts, ayon kay dating socio-economic planning secretary Cielito Habito: Ilang dekada nang mas mataas ang presyo ng asukal sa Pilipinas kaysa sa ibang sugar producers. Sinalag kasi ng gobyerno ang mga puwersa ng pandaigdigang kompetisyon para maprotektahan ang mga lokal na mangangalakal. Ang resulta, naging kampante ang lokal na merkado sa kung gaano lang karami ang ipo-produce na asukal at hindi na nakisabay sa pag-usad ng productivity sa buong mundo. 

Ngayong 2022, higit na mas mataas ang presyo ng asukal natin kaysa ibang bansa. Dahil naman ito sa kakulangan ng suplay sa lokal na merkado. Isang realidad itong inaamin naman ng millers at sugar federations, pero hanggang nitong huli ay sinubukang pagtakpan ng pamahalaan. Kaya nga nagkaroon ng Sugar Order No. 4, ang utos na umangkat tayo ng 300,000 metric tons ng asukal ngayong third quarter ng taon, na biglang ipinabawi ng Malacañang dahil ilegal daw, pero sinundan naman ng pahayag ni mismong Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangan na ngang umangkat ng Pilipinas ng kahit 150,000 metric tons ng asukal sa Oktubre. 

Malaking bagay sa lumobong problemang ito ang tinatawag na “quedan system” na dekada nang ipinatutupad sa industriya ng asukal. Sa ilalim nito, nakikialam ang gobyerno sa suplay sa merkado: saan mapupunta dapat ang asukal na nalilikha sa bansa (sa Amerika, sa iba pang bansa, sa reserba, at sa lokal na merkado), at gaano karami o kakaunti lang ang suplay na papayagang pumasok mula sa ibang bansa. 

Dahil sa kapangyarihang ito, na nagsimula noong 1930s pa at ipinagpapatuloy sa ilalim ng Sugar Regulatory Administration (SRA), parang bineybi ng pamahalaan ang sugar industry sa Pilipinas, ingat na ingat hanggang (hindi malayong) nakikipagsabwatan na sa mga baron at haciendero para protektahan ang kanilang interes bago ang ginhawa ng consumers.  

Nang magdesisyon si Pangulong Marcos na maging kalihim din ng agrikultura, sinabi niyang dahil ito sa kagustuhan niyang pasiglahin ang sektor, hindi lang ang industriya ng asukal. Pero dahil sa bawian ng sugar order, turuan ng sino ang nagbigay ng awtoridad na pumirma, at ang pakitang-gilas na inspeksiyon ng customs official sa mga imbakan na halos palabasing smuggled ang legal na local inventory, hindi maiwasang maghinala ang ilang tagamasid: may mga negosyante bang bumubulong sa Presidente, o may mga interes bang iniikutan siya sa pamamagitan ng mga opisyal na pinagkatiwalaan niya ng kapangyarihan? 

Naniniwala ang kolumnista ng Rappler na si Val A. Villanueva na “knee-jerk reaction” lang – pagkakamali ng isang bagito – ang ipinamalas ni Marcos, posibleng kapos sa impormasyon tungkol sa imbentaryo ng asukal sa bansa at tungkol sa masalimuot na isyu at kalakaran sa industriya. 

Sana nga ay ganoon ang nangyari. Ang desisyong umangkat ng kahit kalahati ng orihinal na isinulong na sugar order ay pag-amin na may kakapusan nga sa lokal na suplay. Ang pagbabalak na ireorganisa ang SRA ay pagkilala sa mas malalim na problemang pinag-ugatan ng mahal na presyo ng ating asukal. 

Sa Martes, Agosto 30, ipagpapatuloy ng Senado ang pagdinig nito sa gusot sa importasyon ng asukal. Sana’y mabungkal sa imbestigasyon kung ano-anong interes at sino-sinong magkakasabwat ang naghihilahan kaya nahihirapan ang mga mamimili at maliliit na negosyo. 

Pero higit sa pagpapanagot sa mga taong ito, huwag sanang makaligtaan ng mga mambabatas ang mga kailangang ayusin sa sistema at industriya. Ang pinagtatalunan na ngayon ay: dapat bang ireorganisa lamang ang SRA at palitan ang mga opisyal? Baguhin ang balangkas ng ahensiya at diretsong ipailalim sa Kagawaran ng Agrikultura sa halip na attached agency? O tuluyan itong isara?

Paalala lang ng mga eksperto, kung isasara ng ahensiya, dapat may nakahandang safety nets na sasalo sa mga magsasaka – hindi ito madalian at basta-basta, ayon sa National Economic and Development Authority, dahil may mga investment na kailangang ibuhos. Kung irereorganisa, linisin ang ranggo at buwagin ang mga kartel. Kabilin-bilinan ni Albay Representative Joey Salceda, na tagapangulo ng ways and means committee, huwag ding magpadalos-dalos ang gobyerno na ibukas sa foreign stocks ang industriya at baka bahain naman tayo ng imported na asukal at wala nang tumangkilik sa mga lokal na magsasaka.

Noong 2017, nagbanta si dating pangulong Rodrigo Duterte na isasara ang SRA matapos makaamoy ng umano’y korupsiyon sa ahensiya. Walang kinahinatnan ang banta. Abangan natin kung may sapat na political will si Pangulong Marcos na komprontahin ang sanga-sangang problema ng ahensiya at industriya. Panahon na. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!