[EDITORIAL] #AnimatED: Ito na ba ang kamatayan ng demokrasya?

Isang tulog na lang at lalabas na ang resulta ng midterm elections. At kung pagbabatayan ang mga survey, umaatikabong landslide ang babati sa atin bukas. Masuwerte na kung makalusot ang isa o dalawang oposisyon.

Bago ito, parang tinambangan ang demokrasya: nagpakulo ang Palasyo ng pekeng "matrix" na nagsasangkot sa lahat ng independyenteng mamamahayag sa bansa.

May Part 2 pa ito at idinamay pa ang silver Olympic medalist na si Hildilyn Diaz at ang sports newscaster na si Gretchen Ho.

Ayon sa aming source, inalok ng isang tumatakbong kandidato ng administrasyon si Diaz na maging endorser nito, pero tumanggi ito. Tsk, tsk.

Si Gretchen naman – hindi pumapatol sa mga isyung politikal – maliban sa ilang mga tweet ng #DefendPressFreedon bilang pakikiisa sa mga kabaro sa trabaho. Napag-initan daw ito ng isang pro-Duterte blogger na notoryus sa paninindak ng mga kritiko ni Tatay Digong. 

Tila nalulunod na ang diwa natin sa kinasadlakang kumunoy ng pulitika ng Pinas: tinatantsang 27,000 bangkay sa ngalan ng gyera laban sa droga; pagkokondisyon sa bayan na second class ang kababaihan at okay lang na maging puntirya ng malaswang biro tungkol sa salawal nila; ang obispong naninindigan laban sa extrajudicial killings na ngayo'y binubuntutan ng mga killer-for-hire.

Sinong magsasabing hindi pa malamig na bangkay ang demokrasya?

Lalo na 'pag inisip mo ang kayang gawin ng isang Presidente kung nangangayupapa, hindi lang ang Mababang Kapulungan, kundi pati Senado? Baguhin ang Saligang Batas? Palawigin ang termino? Lalong pagtibayin ang kuta ng kapangyarihan sa pagkontrol hindi lang ng hudikatura, kundi pati lehislatura? Tawaging mga taksil sa bayan ang mga kritiko at ikalaboso?

Bangkay na nga 'ata ang demokrasya. Parang lagpas na sa paghihingalo.

Sa panayam kay political analyst Segundo "Doy" Romero, sabi niya, "Hindi pa bangkay ang demokrasya" kahit na "Hugpong ang mananaig, nasa kanila ang momentum at... ang pera."

Sabi pa niya "ang mga gears na nagpapatakbo ng mundo ng mahihirap ay hindi ang gears na nagpapatakbo ng mundo natin."

Pero sa oras na maramdaman ng mahihirap na "malapit na sa bituka" ang isyu, "babalikwas 'yan," sabi niya.

Marahil ay tama si Romero – baka nga hindi pa patay ang demokrasya.

Pero isang bagay ang sigurado: mukhang mahaba pa ang gabi.

Kailangan bang dumaan tayo sa lagim na katumbas ng pre-Martial Law era upang muling tumibok ang puso ng kalayaan?

Noong 1967 huling nangyari na iisa lang ang nanalong kritiko ng diktador na si Ferdinand Marcos – si Benigno “Ninoy” Aquino Jr. Siya ang tiyo ng tumatakbong kandidato na si Bam Aquino – at siyang may pagkakataong makapasok sa Senado sa hanay ng oposisyon. Para talagang nagmumulto ang nakaraan.

Ito'y sa kabila ng social media at makabagong teknolohiya na noong circa 2005 ay tiningnan na tagapagsulong ng "wisdom of the crowd." Naging instrumento pala ito ng paghahasik ng kasinungalingan, imbes na maging kakampi ng katotohanan.

Kaya't kalingain natin ang sulo ng katotohanan, mga kababayan.

Mahalin natin at ipaglaban ang natitirang kalayaan.

Labanan natin ang kumikitid na espasyo sa pagpapahiwatig ng kuro-kuro.

Ibalik natin ang checks and balance sa ating pampulitikang sistema.

Huwag tayong magpasindak sa makapritsong pinuno na hari ng pikon at humahagupit ang bengansya.

Sabi nga ng batikang mamamahayag na si Edward J. Murrow na nabuhay sa panahon ng witch hunt ng makakanang mga pulitiko: "We will not be driven by fear into an age of unreason." – Rappler.com