human rights

[EDITORIAL] Pagtatanggol sa karapatang pantao: ‘No battle more important’

Rappler
[EDITORIAL] Pagtatanggol sa karapatang pantao: ‘No battle more important’
Nagbago man ang kanta, hindi nagbabago ang modus ng gobyerno

Matapos ang 5 taong panlilibak sa human rights, nagbago ang tono ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2020 State of the Nation Address niya: “Rest assured that we will not dodge our obligation to fight for human rights.”

Noong 2018, ganito ang script niya sa SONA: “Your concern is human rights, mine is human lives.” Na tila puwedeng paghiwalayin ang tao at karapatan. 😒

Nagbago man ang kanta, hindi nagbabago ang modus ng gobyernong hinihinalang nagsagawa ng 27,000 execution-style na pagpatay o extrajudicial killings (EJK).

Tulad ng nangyayari sa ibang sulok ng mundo kung saan namamayagpag ang mga strongman, araw at gabi ang kaibahan ng retoriko sa katotohanan sa Pilipinas.

Halimbawa na lang ng retoriko – at pagka-ipokrito – ng Department of Justice ng Pilipinas: nanawagan ito sa isang Human Rights Summit ngayong Disyembre. ‘Yan din ang DOJ na sumuporta sa death penalty at nagsabing “hindi mahalaga ang moral view” ng mga opisyal nito.

‘New normal’

Ang masakit na katotohanan, hindi lang face mask at social distancing ang new normal sa panahon ng pandemya.

Sunod-sunod ang mga aksyon ng pulis at militar laban sa Kaliwa – kailan lang ang reyd at pagpatay sa retiradong mag-asawang Topacio na consultant ng National Democratic Front.

Nariyan din ang misteryosong pagtorture at pagpatay kay Randy Echanis, at pagbaril at pagpatay ng ‘di kilalang salarin sa human rights activist na si Zara Alvarez, na humingi ng proteksyon sa mga korte.

Kasabay ng war of attrition sa Kaliwa ang tuloy-tuloy na bigwas sa media na takot na nga, lalo pang inuupakan. Ito ang taon ng pagsasara ng ABS-CBN at pagko-convict kay Maria Ressa ng Rappler. Hindi lang mahalaga kundi susi ang media sa paglalantad ng human rights abuses.

At mananatili ang dagok na ito sa kalayaan, kahit hindi na kailangan ang social distancing at face mask. Mahirap nang mabawi ang umatras na demokrasya at nakagisnang pagyurak ng pulis at militar sa human rights.

Matinik na landas

Ito ang landscape ng karapatang pantao sa 2020 (Buntung-hininga.)

Ito rin ang hamon sa kilusang demokratiko sa Pilipinas: hindi extension lang ng kilusang kontra-Duterte ang kilusang pagtatanggol sa karapatang pantao.

Nalalaos ang mga despotiko, pero mahihirapan tayong bunutin ang halimaw ng karahasan sa puso ng militar at pulis dahil nanuot na ito (tulad noong Batas Militar).

Alalahanin natin ang landas na tinahak ni Edita Burgos, ina ng desaparecidos na si Jonas Burgos na nakapagpakulong sa tinaguriang “berdugo” ng military intelligence – si Heneral Jovito Palparan. Tiniyaga ng mga human rights workers at ng pamilya ni Kian delos Santos ang landas ng hustisya at ginantimpalaan sila ng guilty verdict (na exception, hindi rule.) Pasang krus ng mga pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre ang mga banta, gastos, at matagal na paghihintay sa verdict, at sa bandang huli, may liwanag silang natanaw.

Kung may hustisya para sa kakarampot, nandiyan pa rin si Baby River na namatay dahil sa ipinagkait na kalinga ng inang nakakulong. Andiyan ang anak ni Randy Echanis na si Amanda, na dinampot at ikinulong kasama ang isang buwang sanggol.

Alalahanin natin si Senadora Leila de Lima na halos 4 na taon na sa kulungan sa darating na Pebrero. Mag-aapat na taong nakakulong nang walang matibay na mga testigo at ebidensya.

Ayon sa report ng research institute na Freedom House, lalo pang humina ang demokrasya sa 80 bansa sa buong mundo nitong 2020 kasama na ang Pilipinas. Sinamantala ng mga mapaniil na gobyerno ang pandemic lockdown upang higpitan ang kontrol at pang-aabuso ng karapatang pantao.

‘Pushback’ mula sa kabataan

Ayon nga sa batas ng Physics, lahat ng aksyon, may katapat na reaksyon.

Parang sinisindihan na naman ang puwet ng mga kabataan sa mga pamantasan. Nagliliyab na naman ang aktibismo sa antas na ‘di natin nakita mula EDSA Revolution. Sino ang mangangalaga sa karapatan nila kapag sila’y dinampot, ‘di nalalayo sa dinaranas ni Joshua Wong at mga comrades niya sa pakikibaka sa Hong Kong?

Nanawagan ang Rappler sa laksa-laksang abogado para alalayan ang umusbong na kilusang kabataan. Sa mga huwes na bulag, pipi, at bingi sa weaponization ng batas, panahon nang tirisin niyo isa-isa ang mga anay na ngumangatngat sa haligi ng hustisya.

Ano ang tao kung walang karapatan? Ito ang hanging nagbibigay kahulugan sa buhay, ang nag-aangat sa atin sa mga hayop, ang magtitiyak ng kalayaan ng ating mga anak, at ng kanilang mga anak.

Sinabi ng Commissioner on Human Rights ng Pilipinas na si Chito Gascon, “We need more democracy and not less of it, and we must uphold human rights for there is no battle more important today.” Pakinggan natin siya. – Rappler.com