Commission on Audit

[EDITORIAL] Taumbayan ang winarak ni Duque, Lao, at Duterte

[EDITORIAL] Taumbayan ang winarak ni Duque, Lao, at Duterte
Winarak 'nyo ang mga Pilipino nang hindi 'nyo ginamit ang kapangyarihan 'nyong tumulong at maibsan nang kaunti ang paghihirap namin
AnimatEd Editorial COA redflags DOH

One whiff of corruption and you’re out.” ‘Yan ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.

Pero meron palang “untouchable” – ‘yung hindi makanti.

“One whiff,” Meyor? Eh umaalingasaw na, na parang imburnal. 

Sabi ng Commission on Audit (COA), wala naman silang sinabing may nangyaring korupsiyon. Pero sa audit report nila ukol sa ginastos na pondo ng Department of Health (DOH), P441.2 milyon ang “unauthorized in depository accounts” at P3.97 bilyon ang undocumented at kaduda-dudang transaksyon. 

Naiintindihan naman namin ang COA sa paggamit nito ng diplomatikong lengguwahe tulad ng “deficiencies.” Bago pa lang sa upuan si Duterte sinabi na niyang dapat ilaglag sa hagdan ang mga auditor. 

Hindi rin naman ito ang ahensiyang dapat magsampa ng kaso kundi ang Ombudsman na ngayo’y maghihintay raw ng kumpletong audit. Sabi nga ng dating ombudsman na si Conchita Carpio Morales, hindi naman kailangang “maghintay” pa ang graft-busting agency.

[EDITORIAL] Taumbayan ang winarak ni Duque, Lao, at Duterte
‘Winarak ‘nyo kami’

Dumako naman tayo kay “warak” boy Health Secretary Francisco Duque, na naging meme dahil sa emosyonal niyang pahayag. Sa pinakahuling rant session ng Presidente, awang-awa siya sa alaga niya at todo-tanggol siya dito.

Hmm… sabi tuloy ng mga malilikot ang utak, ano bang sikreto ni Duterte ang alam ni Duque? Bakit naging personal laundry service ni Duque si Digong? Bakit mo siya pilit pinoprotektahan, Ginoong Pangulo?

Hindi na namin babalikan pa ang mahabang listahan ng used at misused na pondo ng DOH na sa kabuuan ay umabot sa P67.32 bilyon. Pero isang bagay ang matingkad: P11.89 bilyon ang hindi nagastos para sa risk allowance at hazard pay ng mga frontliner. 

Sa totoo lang, mas kriminal ito sa korupsiyon. Dahil para mong ipinadala ang mga sundalo sa giyera nang walang sandata. Sabi nga ng Inquirer, ito’y “criminal negligence.”

Sabi ni Heidi Mendoza, dating COA commissioner, hindi naman kakaiba ang report ng COA – pangkaraniwan lang sa mga report nilang lamanin ang mga natuklasan nilang bilyon-bilyong “deficiencies.” 

Pero kakaiba ang panahon ngayon: kagagaling lang ng Metro Manila at ibang mga pook sa pinakamahigpit na quarantine. Kalahati lang ng ipinamigay na ayuda noong 2020 ang natanggap ng mahihirap ngayong 2021 – ang P8,000, naging P4,000 na lang. Hindi tuloy-tuloy ang supply ng vaccine, at walang matinong contact tracing at lalong walang mass testing – bagay na libre at susi sa paglaban ng COVID-19 sa ibang bansa.

Ano na ang mangyayari sa tumirik nating social life at paghahanap-buhay? Sa gitna ng nakakapraning na agam-agam, pumutok ang balitang hindi nagastos nang tama ng DOH ang pondong nanggaling sa buwis natin. 

Ang pinakamasakit, ang sektor na inaasahan nating sumagip sa atin mula sa kamatayan, hindi pala nabibigyan ng tamang risk allowance at hazard pay!

Nasabay rin dito ang pag-ugong ng balitang balak ng mga healthcare workers na mag-mass resignation dahil sa mga naunsyaming benepisyo.

At hindi lang sa DOH matatagpuan ang mga pasaway na public servants – marami sa mga ahensiya ang may deficiencies din. Itong taga-Davao at brod sa fraternity ni Duterte na si Lloyd Christopher Lao, nag-shopping spree noong simula ng pandemya. Dati siyang tao ng ngayo’y senador na si Bong Go sa Presidential Management Staff bago naging officer-in-charge ng Procurement Service-Department of Budget and Management (DBM). 

Sa ilalim ni Lao, bumili ang DBM ng mga mamahaling face mask at face shield na ngayo’y nakatambak lang sa mga depot.

Binili ni Lao ang mga face mask noong simula ng pandemya sa halagang P27.72 bawa’t isa, habang ang mga face shield naman ay binili ng P120 bawa’t isa. Sabi ng COA, nagkakahalaga ang lahat ng ito ng P95 milyon.

P95 milyon. ‘Yan ang perang tila inaksaya’t nilustay ni Lao. Mukhang “unused and misused” din ‘ata ang utak nitong si Lao. Bumili siya ng napakarami, gayong madali namang ma-predict na magmumura pa ang mga face mask at face shield.

Sino ang warak?

Sa isang report tungkol sa mga humingi ng tulong sa Facebook groups, napag-alaman ng Rappler na nagsilbing lifeline ng mga dukha ang mga taong hindi nila kilala sa social media. Pangunahin sa hinihinging tulong ay medikal at pagkain.

Ito’y sa harap ng palpak na pamamahala ng pandemya kung saan hindi priority ang ayuda.

Secretary Duque, hindi ikaw ang warak. Winarak mo, at mga katulad ni Lao, ang mga Pilipino nang hindi ‘nyo ginamit ang mga pondo nang maayos, at hindi ibinigay ang tamang benepisyo sa mga frontliner.

Winarak ‘nyo ang mga Pilipino nang hindi ‘nyo ginamit ang kapangyarihan ‘nyong tumulong at maibsan nang kaunti ang paghihirap namin.

Winarak mo kami, Ginoong Duque, nang ikaw pa ang may ganang umiyak nang ipatawag ng Kongreso.

Warakin sana lahat ang katulad mong inutil at incompetent sa panahon ng pandemya – pati na ang amo mong todo-tanggol sa iyo –  sa susunod na eleksyon. #WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.