2022 Philippine Elections

[EDITORIAL] Mr Duterte, bumenta na ‘yan!

Rappler
[EDITORIAL] Mr Duterte, bumenta na ‘yan!
Hindi naman poker table ang eleksyon natin kung saan laging makakalusot ang bluff mo
AnimatEd Editorial Duterte Election Games

Nagkagulatan nitong Sabado, Octubre 2. Biglang nag-file ng kandidatura sa pagka-bise presidente ang dakilang side-kick ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Senador Bong Go.

At tila nabaligtad din ang mundo, ang amo ang sumama sa boy Friday sa Comelec bilang moral support. 

Hindi lang ‘yan, nagpahiwatig din si Duterte na siya’y magreretiro na sa pulitika.

Pero para sa mga Pilipinong minsan nang naloko noong 2016, hindi na pinaniniwalaan ang ganitong eksena.

Rewind sa 2015 kung kailan ilang ulit nag-deny ang noon ay alkalde ng Davao City na siya’y tatakbo sa 2016. Hanggang matapos ang panahon ng filing ng COC, hindi siya nagparamdam. Pagsapit ng Nobyembre 2015 – panahon na kung kailan puwedeng palitan ang COC filing ng isang kandidato ng panibagong kandidato sa pamamagitan ng substitution – umatras si Martin Diño sa inihain niyang COC sa pagka-presidente at pumalit sa puwesto niya ang isang Rodrigo Duterte. 

Tadah… ang narrative: reluctant candidate. Nagmamalasakit. “Change is here.”

Sa puntong ito, gasgas na gasgas na ang pinakapopular na kandidato noong Mayo 2015, si Jejomar Binay. Palubog na ang popularidad niya dahil sa pagkakadawit ng pamilya sa maanomalyang mga proyekto sa Makati City.

Si Duterte, mabangong-mabango pa at mabilis na umakyat ang kasikatan. Ang ibang mga kandidato, sina Mar Roxas at Grace Poe na mga consistent top-notcher sa pagka-senador, tila nag-aagawan sa parehong voter base.

Bluff

Fast-forward sa October 2, 2021. 

Ginoong Duterte, bumenta na ‘yan noong 2016. Hindi naman poker table ang eleksiyon natin kung saan laging makalulusot ang bluff mo. 

At pansinin natin ang kawalan ng respeto ni Duterte at Go sa proseso ng sarili nilang partido na biniyak nila mula kay Koko Pimentel at Manny Pacquiao.

Hindi ba’t tinanggap ni Duterte ang nominasyon ng LDP-Laban Cusi faction sa pagka-bise-presidente? Hindi ba’t tinanggihan naman ni Bong Go ang nominasyon ng partido sa pagka-presidente?

Biglang-bigla hindi na tatakbo si Duterte, at mukhang walang proseso, walang pasintabi sa mga kapartido – aba’y si Bong Go ang nag-file sa pagka-bise.

Muli na namang pinatunayan ni Duterte na walang halaga sa kanya ang partidong umampon sa kanya noong 2016. Muli ring pinatunayan ng mga kapartido niya sa LDP-Laban Cusi faction na doormat sila at mukhang hindi dapat pag-aksayahan ng oras ang mga proseso nito.

‘Waiting game’

Lumilitaw na ang tema ng nalalapit na halalaan: waiting game 2022.

Hinihintay natin si Leni na mag-anunsiyo na ng kandidatura. Hinihintay natin si Sara Duterte na patunayang may isang salita siya, ‘di tulad ng kanyang ama. 

Hihintayin natin ang long-term impact ng imbestigasyon ng Senado sa Pharmally at corruption sa administrasyon ni Digong. Hihintayin din natin kung ano ang huling baraha ni Digong at ni Bong Go.

Higit sa lahat, hihintayin nating humupa ang pandemya. Pero kung pagbabatayan ang mga tantiya ng mga siyentipiko, hindi pa ito mawawala sa panahon ng eleksiyon.

Kung binaligtad ng pandemya ang buhay natin, binaligtad naman ni Duterte ang buhay pulitika natin.

Si Duterte ang COVID-19 na nag-infect sa mga institusyong politikal natin. Winarak niya ang mga kalakarang nagbibigay ng semblance ng demokrasya sa mga proseso. Ginawa niyang lantaran ang pagiging piyudal, parochial, at tribo-tribo ng pamumuno.

Dati nang may lamat ang sistema, pero si Duterte ang huling bigwas na bumiyak sa maraming mga institusyon: ang Mababang Kapulungan na lantarang naging rubber stamp ng ehekutibo at nakapagpasara ng isang media outlet; ang Office of the Solicitor General na ngayo’y mistulang attack dog ng Presidente at nakapagpabagsak ng isang chief justice; ang militar na nilunok nang buong-buo ang kaisipang walang mabuting komunista kundi patay na komunista; ang pulisya na tumutulo ang mga kuko sa dugo at pabuya ng giyera kontra droga.

Wasak na wasak ang sistema, at matatagalan pa tayo bago muling maayos ito.

At kung mamasyal ang pinakamakapangyarihang pinuno ng bansa at side-kick niya sa Sofitel upang mag-file ng COC – isa itong panibagong pangungutya sa sistema. 

#WeDecide: Atin ang Pilipinas. May takdang araw naman ang pagtutuos natin sa mga incompetent, tiwali, inutil, at mala-gang lord na pinunong bumababoy sa ating mga institusyon. – Rappler.com