Philippine justice system

[EDITORIAL] Evicting justice

[EDITORIAL] Evicting justice
Sa lipunan natin, hindi puwedeng sabihing 'Justice died a little today.' Dapat: 'Justice is being massacred every day.'

Sa gitna ng hamon sa kalusugan at hanapbuhay ng pandemya, dalawang istorya ang sana’y gumigising sa atin mula sa ating tunnel vision.

Una ang istorya ng “evicting the dead” – mga biktima ng extrajudicial killings na na-evict sa kanilang pinaglibingan. 

Pangalawa ang “mango thief” – ang lolong nakulong dahil sa pamimitas ng 10 kilong mangga mula sa punong itinanim ng pamilya niya.

‘Evicting the dead’

HIndi pa pala tapos ang paniniil ng lipunan sa mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK.) Bayolente na ngang pinatay ang kanilang kapamilya – hanggang sa kabila ng puntod ay tinutugis sila ng sistemang biased laban sa mahirap.

May mga 44 na pamilya ang dumanas ng ganitong dagdag na pasakit dahil wala silang pambayad sa extension ng five-year lease sa public cemeteries.

At dahil sa “eviction” na ito, ikinuwento ng Rappler ang kanilang mga istorya. 

  • Nakilala natin si Mariza Hamoy, na nagsakdal sa mga pulis na nandamay sa kanyang binatilyong anak, na ayon sa ina, ay nasa maling lugar sa maling oras.
  • Inihatid rin namin ang istorya ni Lovely Ramos, ang saksi sa brutal na pagpatay sa kanyang ama at ina nang siya’y 11 taong gulang lamang.
  • Ikinuwento rin namin ang sinapit ni Joy Anne (hindi niya tunay na pangalan), ang ina ng isang trycicle driver na biktima ng EJK. Napilitan siyang pumayag na sepsis ang cause of death ng anak dahil hindi siya makabayad ng P15,000 – ang singil sa autopsy na magsasabi ng katotohanan sa death certificate.
‘Mango thief’

Sa Pangasinan, isang probinsiyang mayaman sa mga punong mangga, isang lolo ang ikinulong at pinagbabayad ng bail na P6,000 dahil sa pamimitas ng 10 kilo ng prutas.

Nag-viral ang istorya at nagpasidhi ng damdamin online. Nagsilbing kaibigan naman ang mga pulis sa kuwentong ito – sila ang nagpasulpot ng perang ipinambayad sa piyansa ni Lolo Narding. 

Muling binubuksan ng kuwento ni Lolo Narding ang ating mga mata sa kalupitan ng sistemang biased sa dukha. Sabi ng mga netizen, bakit si Imelda Marcos, nahatulan nang guilty, malaya pa rin?

Inevict din ang hustisya

Sa kambal na mga kuwentong ito – umaalingasaw ang sistemang tumalikod sa mahihirap – sa buhay, sa pagkamatay, at sa pagkalibing.

Anong tawag sa lipunang sukdulang walang puso na dalawang beses nang-alipusta ng mga biktima ng EJK?

Anong tawag sa lipunan kung saan ang mayamang may-ari ng lupa ay nakapagpapakulong ng isang 80 anyos na lolo dahil lang sa 10 kilong mangga?

Ang kuwento ni Lolo Narding, Mariza Hamoy, Lovely Ramos, at Joy Anne ay kuwento ng kaswal at araw-araw na pagkamatay ng hustisya sa ating bansa. 

Sa lipunan natin, hindi puwedeng sabihing “Justice died a little today.” Dapat: “Justice is being massacred every day.– Rappler.com