[EDITORIAL] Kumuha, magbigay sa community pantry ng pag-asa

“Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.” ’Yan ang nakapaskil sa isang community pantry sa Maginhawa Street sa Quezon City na ngayo’y umaani ng papuri mula sa mga senador at dating bise presidente. Sa madaling salita, sobrang benta ng mensahe, pinick-up na ito ng mga nag-a-ambisyong tumakbo sa 2021.

Hindi kaya nabibilaukan ang militar kapag nakikita ang mga katagang ito sa mga karatula ng community pantries na nag-viral sa social media? Kating-kati na ba ang daliri ni Heneral Antonio Parlade Jr na tumipa sa kanyang computer at i-red tag ang mga organizer ng mga community pantry, na ngayo’y sumusulpot na sa iba’t ibang sulok ng bansa?

Bakit may potensiyal itong magbigay ng atake sa puso sa kontra-komunistang aparato ni Pangulong Rodrigo Duterte? Literal na translation ito ng isang haligi ng kaisipang Marxista: "From each according to his ability, to each according to his need."

Siyempre, ito rin ang iniisip ng Kaliwa, na nag-face-palm habang nagsasabing: Bakit hindi natin naisip 'yan?

Desperado pero simpleng ideya. Gasolina nito ang kabutihang loob. Formula for success nito ang komunidad. Humiram kay Marx, pero malinaw na street-level application ito ng teoryang matagal nang inaagiw sa estante ng mga aklatan.

Kung wala kang tiwala sa kabutihan ng kapwa mo – at hindi natin masisisi ang maraming nagtaas ng kilay sa kakayahang masustenahan ito – sasabihin mong “good luck!” Hindi mauubusan ng pipila, pero sigurado ba kayong walang-patid ang magbibigay? 'Yan ang malinaw na panganib ng community pantries.

Sabi ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, ito’y “tangible signs of hope amid hopelessness.” 

Sabi ng isa sa mga organizer na si Ana Patricia Non, "Pagod na ako sa inaction." Tulad niya, pagod na rin tayo sa palpak na pangangasiwa kontra-COVID-19 ni Duterte.

Pagod na tayo sa kawalang pag-asang umuusbong sa kawalan ng trabaho, sa namamatay na mga negosyo, at sa kalupitan ng mga nasa poder. Nakatutuyo ng pag-asang mabalitaan ang curfew violators na namatay sa bugbog o over-exhaustion sa parusang ehersisyo sa kamay ng mga pulis at tanod.

At 'yan ang diwa ng community pantries – sa harap ng inutil na gobyerno, ipinapakita nitong maaari tayong umasa sa kapwa tao. 

Pinabulaanan ng community pantries na makasarili at walang mabuting modo ang mahihirap. Ipinakita nitong kung may bad virus, meron ding good virus na nagpapaliyab sa collective action.

Higit sa lahat, ipinapakita nitong maaari tayong kumapit sa pag-asa ng tulungan – hindi sa patalim.

Totoong patak lamang ang tulong na naibibigay ng community pantries sa karagatan ng kahirapan, at milyong pamilya pa rin ang nagugutom sa gitna ng pandemya. 

Sana’y magsilbi itong gulpi de gulat sa pamahalaan, na makitang walang patutunguhan ang pagpopostura, pag-aaresto, at panghihiyang tatak na nito.

Ang pinakamabisang governance tool ay ang pagbibigay-puwang sa mga ganitong inisyatiba – ang pagbibigay-kapangyarihan sa komunidad na tumulong at magbigay ng pag-asa, at hindi lamang ng mga simpleng dole-out.

Sa puntong ito dapat pumapasok na ang Department of Social Welfare and Development, ang pamahalaang siyudad, at mga barangay upang gawin itong tunay na bodegang bayan. Dapat mapanatili ito hindi lang dahil sa dami pa ng puwedeng matulungan, dahil din sa pag-asang hatid nito. 

Minsan, dumarating ang Pasko sa gitna ng tag-init ng Abril. Minsan, may simple at epektibong ideyang magpapalambot sa tumigas na nating mga puso. – Rappler