Philippines-China relations

[EDITORIAL] Paano palalayasin ang armada sa Julian Felipe Reef?

Rappler
[EDITORIAL] Paano palalayasin ang armada sa Julian Felipe Reef?
Ito na ang simula ng pananatili ng mga Tsino sa Julian Felipe Reef, tulad ng ginawa sa Mischief Reef na mistulang Pearl Harbor na ng Tsina sa South China Sea

Habang abala ang militar ng Pilipinas sa red-tagging, nasingitan tayo. Ngayon may 220 bapor nang nag-iiskwat sa mismong bakuran natin sa Julian Felipe Reef na 175 nautical miles lang ang layo sa Palawan.

220 na barko! Aba’y armada na ito! Sa pandaigdigang entablado, puwede na itong ituring na act of aggression

‘Yan ang tunay na problema ng militar ng Pilipinas ngayon – paano palalayasin ang armada sa Julian Felipe Reef – hindi ang mga pobreng makakaliwa na nireredtag nito.

Ito ang modus operandi ng Tsina sa pangangamkam nito sa West Philippine Sea: dinedelubyo nito ng puwersang pandagat ang lugar na halos wala nang magawa ang bansang binastos ang soberaniya.

Ayon sa mga eksperto, mahirap nang matungkab ang Tsina sa Julian Felipe Reef na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas. Tulad din ito ng ginawa ng Tsina sa Mischief Reef (Panganiban Reef) noong 1995, at sa Sandy Cay sa Pag-asa noong 2017.

Ngayon ang Mischief Reef ay mistulang Pearl Harbor ng Tsina sa West Philippine Sea. Sabi ng retiradong Supreme Court senior associate justice na si Antonio Carpio, ito na ang simula ng pananatili ng mga Tsino sa reef.

Pero ibahin natin si Presidente Rodrigo Duterte. Tuwang-tuwa pa rin siya sa Tsina at sa donasyon nitong Sinovac vaccines kaya’t minamabuti pa nga niyang tumayong welcoming party kapag lumalanding ang mga ito. Sabi nga niya noong Abril 2018: “I just simply love Xi Jinping.”

Sabi ni Antonio Carpio, unrequited love daw ang namamagitan kina Duterte at China President Xi Jinping. One-way. Nagkakasya na siya sa mga donasyon ng vaccine habang binabalahura ang bansa niya.

Bakit in love na in love si Duterte kay Xi? Dahil ba sa pera? Minsan nang ipinangako ni Xi ang 24 bilyong pisong loans at investment, pero hindi naman ‘yun nagkatotoo. 

Baka dahil dito: Noong May 14, 2018, ibinida ni Dtuerte na ayon mismo kay Xi, “We will not allow you to be taken out from your office.”

Sabi nga ni Carpio, paano ngayon papalag ang militar ng Pilipinas kung ang mismong Commander in Chief nito ay umaasa sa proteksyon ng Commander in Chief ng People’s Liberation Army na umaagaw sa teritoryo natin? 

Hmm, noong panahon ng Hapon, ang tawag diyan ay collaborator.

Mahirap na ngang manindigan sa bullying ng Tsina, mas lalo pang imposible ito kung may ganitong dynamics ang presidente mo.

Pansinin niyo ang alternate reality na inilako ng Tsina. Kaya raw sila nasa lugar ay upang sumilong sa masungit na panahon. At ang mga barko raw ay fishing boats, kahit napakagara at moderno ng mga ito. At hindi raw militia ang mga ito, kahit buking na buking na ito. (BASAHIN: Why we shouldn’t be complacent about Chinese vessels in Julian Felipe Reef)

Habang tuloy sa information operations ang Tsina, ano ang puwede nating gawin?

Sabi ng mga eksperto, kailangang ipamukha ng international community sa Tsina na hindi ito puwedeng maging isang rogue actor – kailangan itong tumalima sa internasyonal na mga alituntunin. Dapat nitong pangatawanan ang pagiging global leader nito at umastang maginoo at hindi sanggano.

Sabi rin ng mga eksperto, wala tayong maaasahan sa Southeast Asian nations, na pawang may mga pang-ekonomiyang interes na pinoprotektahan, o di kaya’y inaangkin din ang ilang bahagi ng istratehikong karagatan.

Kailan lang, inuungkat nang muli ng punong diplomat ng Maynila ang Hague ruling kung saan naipanalo ng Pilipinas ang karapatan nito sa West Philippine Sea, na ilang taon ding na-downplay ni Duterte. Ibinasura ng Hague ruling ang kakatwang “nine-dash line” ng Tsina. Sabi pa ni Foreign Affairs Secretary Teddyboy Locsin, “The award is non-negotiable.” 

Sa bandang huli, nakasalalay sa Pilipinas na maging vanguard at mamuno sa larangan ng pandaigdigang diplomasya upang mapasunod ang higante. 

Pero paano mo gagawin ‘yan kung ang pinuno mo, na inutil na nga sa paglaban sa pandemya, ay inutil din sa diplomatic hardball? – Rappler.com