COP26

[EDITORIAL] Paano sasagipin ang mundo?

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Paano sasagipin ang mundo?
Ang mga bansa sa laylayan ang pinakakawawa sa global warming. Maaasahan ba natin ang katwiran at foresight na manaig, hindi kasuwapangan at panandaliang ginhawa?
AnimatEd Editorial COP26 Paris Agreement

Madalas tayong nakakapanood ng pelikula tungkol sa doomsday, end of the world. Nakaaaliw, sabay subo ng popcorn. Kathang-isip lang naman ‘yan. 

Pero isang bagay ang hindi kathang-isip: hindi na malayo ang katapusan ng sangkatauhan… kung hindi kikilos ang mga bansa sa buong mundo.

Ito’y dahil sa pag-init ng planeta na tila binubusa sa kalan. ‘Yan ang tinatawag na “global warming.” Inihahambing ‘yan ng mga eksperto sa nasusunog na bahay. 

Ang Southeast Asia (SEA) ang isa sa pinakamalupit na tatamaan. Tataas ang antas ng karagatan, heat waves, tagtuyot at titindi at magiging madalas ang pag-ulan. Maraming mabababang lugar na walang kalaban-laban sa papataas na sea levels. Mabubulabog at guguho ang mga ekonomiyang hindi nakapag-adapt o nakapag-mitigate.

Imagine mo? Hindi ka lang parang na-Yolanda (kung saan 6,300 ang nasawi). Para ka ring itinapon sa disyerto ng Middle East. (Gulp)

Mawawasak ang agrikultura, pangingisda, at livestock tulad ng  mga babuyan at manukan. Sa madaling salita, hatid rin ng global warming ang gutom. 

Hindi ito pelikula, mga pare/mare.  Kaya’t sa susunod na may balita tungkol sa “global warming” at “COP26,” makinig ka – hindi ‘yan bagay na walang kinalaman sa ‘yo. 

Hindi man natin ikamatay ‘yan – ‘yan ang tiyak na magpapahirap at maaaring pumatay sa ating mga anak, apo, at apo sa tuhod.

Ano ba ‘yang COP26?

Kaya’t may mga kumperensiya tulad ng COP26 na layong bawasan ang carbon dioxide at methane, at pigilan ang deforestation. 

Ang mga gas tulad ng carbon dioxide at methane ay nagsisilbing kumot na pumapalibot sa Earth, at nagta-trap ng init, kaya’t nagbabago ang klima. Parang ikaw ‘pag nainitan ka dahil sa kumot. ‘Yan ang nais ng COP26 – bawasan ang nakatalukbong na makapal na kumot. PANOORIN: Climate change according to a kid

Methane ang pangalawang pinakamalaganap na greenhouse gas matapos ang carbon dioxide. Mas mabagsik ito sa pagta-trap ng init, parang nagkumot ka ng nylon at hindi cotton. Pero mas madali rin itong mag-break down sa atmosphere. Kaya’t obvious na strategy ang bawasan ito sa kagyat na panahon.

Kasama ngayon sa Global Methane Pledge ang kalahati sa top 30 methane emitters.

Carbon dioxide mula sa mga sinusunog na coal sa mga planta ang pinakamalaking sanhi ng global warming. Sumumpa ang Indonesia, Poland, Vietnam, at iba pang bansa na i-phase out ang mga coal-fired power plants at tigilan na ang pagtatayo ng mga ito. Ang masakit, wala ang Tsina, India, at Australia sa kasunduan.

Samantala, ang mga gubat – ang lungs o baga ng mundo – ay numinipis na. Ang kagubatan ang sumasala ng carbon dioxide sa ere at ginagawa itong oxygen. 

Nabalitaan mo naman siguro ang pagkasunog ng Amazon rainforest ng Brazil? Nakapanlulumong isipin na ang kagubatang sasagip sana sa atin ay pinababayaang masunog.

May lagpas 100 na global leaders na nangakong tatapusin ang deforestation pagsapit ng 2030, kasama ang Brazil, Indonesia, at Democratic Republic of Congo, na bumubuo ng 85% ng kagubatan ng buong mundo.

Ano ang target?

Sa 2015 Paris Agreement, nangako ang mga bansa na ililimita sa 2°C ang pag-init – ang pre-industrial levels ng mundo – at sabay targetin ang 1.5°C. 

Pero sa  Glasgow COP26 summit, ang paulit-ulit na idinidiin ng mga world leaders na dapat ay mamintina natin ang average global temperature sa 1.5°C.

Alam mo ‘yung lumang style na pagbibilad sa araw ng mga puting damit para lalong pumuti? Halimbawa, kapag hindi nakamit ang 1.5°C at mas uminit pa ang temperatura ng mundo, 80% ng Great Barrier Reef ang makukula (bleaching). Toxic ito sa mga coral. Mamamatay ang walangsingganda at napakahalagang ecosystem, kasama na ang mga creatures ng karagatan tulad ng clownfish.

Halimbawa ang Australia, ang bansang kinaroroonan ng Great Barrier Reef. Tuloy ito sa pag-i-issue ng permit para sa coal-fire powered plants at methane gas deals.

Sa panig ng Pilipinas, nagpadala ito ng 19-man delegation na karamihan ay taga-Department of Finance (DOF). Habang magandang bagay na karamihan ay taga-DOF, wala ni isang taga-Climate Change Commission o CCC. 

Hindi isinama si Jerome Ilagan, ang opisyal ng CCC na laging dumadalo sa COP. Sabi ng dating climate change commissioner na si Yeb Saño, mahalagang may institutional memory ng negosasyon ang CCC. 

Climate injustice

Kahit na anong sidhi sa pagpapatupad ng mga Third World countries sa pangako sa COP26, ang pinakamalaking responsibilidad ay nasa mayayamang bansa dahil sila ang pinakamalaking contributor sa global warming.

Pero sa mahihirap na bansa – ang tinatawag na “Global South”– ang bigwas ng global warming. Ito ang kawalan ng “climate justice.” 

Sana naman tupdin ng lahat ang pagpigil sa global warming – lalo na ang Global North na sa laki at yaman nila’y ‘sing tindi rin sa paggamit ng enerhiya at pagbubuga ng greenhouse gases sa ere. Sana.

Ang mga bansa sa laylayan ang pinakakawawa sa global warming. Parang hopeless ba? Maaasahan ba natin ang katwiran at foresight na manaig, hindi kasuwapangan at panandaliang ginhawa, lalo na sa mayayamang bansa?

Panahon lamang ang makapagsasabi kung may kahihinatnan ang mga kuda sa Glasgow. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!